Gaza: Walang ligtas na lugar, nagdurusa ang mga tao sa matindi at walang humpay na pagbobomba
Naglalakad ang mga bata sa mga durog na labi ng gusaling nawasak dahil sa isang Israeli airstrike. Gaza, 24 Nobyembre 2023. Palestinian Territories, 2023. © Mohammed ABED
Dalawang buwan mula noong nag-umpisa ang digmaan, nadurog ng mga walang humpay at walang habas na pagsalakay ng Israel sa Gaza ang hilagang bahagi ng Strip. Ngayon naman, malupit na binabayo ng mga puwersang Israeli ang Middle Area at ang timog na bahagi ng Strip. Hindi na mailalarawan ang pagdurusa ng mga Palestinong hindi makaalis mula sa Gaza.
Ngayong 2.2 milyong residente ng Gaza ang nasusukol sa timog ng Strip, ang tinatawag ng mga Israeli na safe zone ay hindi ligtas — wala nang ligtas na lugar sa Gaza. Ayon sa Ministry of Health, halos 19,000 na ang napatay at mahigit 50,000 ang nasugatan nitong nakaraang sampung linggo sa Gaza. Ang pagpapatuloy ng pagsalakay ng mga Israeli ay patuloy ring nagiging sanhi ng daan-daang o libu-libong sawi o sugatan araw-araw.
Ang mga hamon sa paggamot ng mga nasugatan dahil sa digmaan sa Gaza
Sa Nasser Hospital sa Khan Younis, sa timog ng Gaza, kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), ang mga patay at sugatan ay dumadagsa halos araw-araw mula nang natapos ang maikling truce noong Disyembre 1. Dahil sa malaking bilang ng mga pasyente at sa kanilang mga malulubhang kondisyon, ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng Gaza ay nasasagad na kahit sa bahaging ito ng Strip, pagkatapos nitong bumagsak sa hilaga, kung saan ayon sa WHO ay isang ospital na lang ang may bahaging tumatakbo pa rin.
“Punong-puno na ang emergency department ng Nasser Hospital, kung kaya’t sa sahig na lang ginagamot ang mga bagong pasyente. Kinakailangang hakbangan ng mga doktor ang mga bangkay ng mga batang nakalapag sa sahig upang mabigyang lunas ang ibang mga batang malamang ay mamamatay rin, “sabi ni Chris Hook, ang medical team leader ng Doctors Without Borders sa Gaza. “Padami nang padami ang mga itinatayong pansamantalang istruktura. Mga tolda ang ginagamit bilang mga ward at mga pansamantalang klinika. Ang lahat ng mga gusali’y pinupuno ng mga kama para sa mga pasyente. Kailangang-kailangan pa ng mas maraming kamang pang-ospital.”
Daan-daang mga tao ang nasa mga pansamantalang masisilungan sa timog na bahagi ng Gaza. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © Mohammed ABED
Ang paggamot ng mga nasugatan sa digmaan ay kumplikado dahil ang mga pagsabog ng mga bomba at iba pang sandatang tulad nito, at ang pagguho n mfaa gusali ay maaanagiging sanhi ng marami at magkakasabay na pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sa Gaza, ang pagkubkob ng Israel ay hadlang sa pagkuha ng mga tao ng kinakailangang gamot, kabilang rito ang pain management drugs na kailangang-kailangan para sa mga operasyon. Kabilang rin dito ang mga medical tool para maisaayos ang mga nadurog o nasunog na bahagi ng katawan.
“Ang iilang mapalad na survivors ay may mga pinsalang magdadala ng pagbabago sa kanilang mga buhay. Marami sa mga sugatan ay nagdurusa mula sa matinding pagkasunog o mga major fracture na hindi kailanman gagaling nang tuluyan at maaari pang maiuwi sa mga amputation o pagputol ng mga napinsalang bahagi ng katawan,” sabi ni Hook.
Marami sa mga pasyenteng ito, kahit na makabalik sila sa kahit paano’y normal na pamumuhay, ay makararanas ng pault-ulit na matinding sakit na nangangailangan pa rin ng pain management. Mabigat itong pasanin kahit sa isang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa normal na konteksto, at lalong mas mahirap ito para sa isang sistemang nasa sitwasyong tulad ng sa Gaza.Chris Hook, medical team leader
Sa Al Aqsa Hospital, sa gitnang bahagi ng Gaza, isang team ng Doctors Without Borders ang nagbibigay ng emergency surgery at outpatient care. Mula Disyembre 1-11, tinatayang isa sa bawat tatlong pasyente (640 sa mahigit 2,058) ay idinedeklarang dead on arrival. Noong Disyembre 6, ang bilang ng mga taong dumadating sa Al-Aqsa Hospital nang wala nang buhay ay higit sa bilang ng mga sugatan.
Sinisikap ng staff ng ospital na magpanatili ng mga epektibong hygiene protocol at bawasan ang panganib ng impeksyon para sa mga pasyente habang nahaharap sa kakulangan ng kinakailangang supplies at kagamitan. Napakahirap nitong gawin, ngunit kinakailangan, sapagkat ang pagtaas ng mga bilang ng mga pasyenteng magkakaroon ng impeksyon ay maaaring dumagdag pa sa mga hamong haharapin ng mga pasyente at ng mga napupuspos nang mga health worker.
Ang scorched-earth policy na walang iniiwang ligtas na lugar para sa mga tao, ang mga walang humpay na pagsalakay at ang mga paulit-ulit na pag-uutos ng paglikas na binibigay ng mga puwersang Israeli, at ang ganap na pagkubkob sa Strip ay nagpapahirap sa mga taong makakuha ng pangangalagang pangkalusugan, at sa medical staff para maibigay iyon. Mula Disyembre 1, kinailangan ng Doctors Without Borders na suspindihin ang suportang ito para sa tatlong klinikang pangkalusugan sa timog at bawasan ang pagtulong sa Nasser Hospital. Kailangan nang wakasan ang patuloy na pagkawala ng tirahan ng mga tao upang ang mga may sakit at sugatan ay makatanggap ng pangangalagang kailangang-kailangan nila.
Dumami ang mga impeksyon habang ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay nasasagad na
Habang nariyan pa rin ang panganib ng mga mararahas na pagsalakay, ang mga impeksyon na dulot ng mga sugat na hindi nagamot nang tama ay dumarami at naglalagay ng maraming buhay sa panganib.
“Mataas ang posibilidad ng impeksyon dahil sa mga kondisyon ng pamumuhay ng mga tao, at dahil sa kawalan ng kapasidad na mabigyan ang mga pasyenteng ito ng pangmatagalang pangangalaga sa ospital na talagang kailangan nila,” sabi ni Hook.
Kamakailan lang, sa European Hospital, isang maliit na medical team mula sa Doctors Without Borders, ang nagsimulang gumamot ng mga pasyenteng nagtamo ng pinsala noong simula ng digmaan, at may mga sugat na nagka-impeksyon dahil sa kakulangan ng pangangalagang medikal.
Iilan lang ang mga pasilidad para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan, gaya ng klinika ng Al-Shaboura na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Ito’y kasalukuyang bukas sa timog—ibig sabihi’y may kaunting paggamot na maaaring makuha para sa mga nakahahawang sakit gaya ng respiratory infections, diarrhea o pagtatae, bulutong, kuto at scabies, na hindi makontrol ang pagkalat na siksikang masisilungan, at nakakadagdag pa sa alalahanin ng mga displaced na Palestino.
Ang mga surgeon ay nag-oopera sa Nasser Hospital. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © Mohammed ABED
Kahindik-hindik na kondisyon ng pamumuhay at ang laganap na pagkagutom
Ang pagkakaroon ng pansamantalang masisilungan ng mga taong nawalan ng tirahan ay isa na namang pangangailangan na kailangang harapin agad, dahil ang mga bagong lumilikas ay dumadagdag pa sa mataas na bilang ng mga taong nakatira sa gitna ng kalunos-lunos na kondisyon. “Habang binabaybay mo ang mga kalyeng nasa timog ng Khan Younis at malapit sa Rafah, makikita mo ang mga pansamantalang masisilungan na palaki nang palaki habang dumadating ang marami pang tao. Ang mga pangkalahatang kondisyon ng pamumuhay para sa karamihan sa kanila ay kahindik-hindik: nakatira sila sa mga pansamantalang istruktura na ginawa mula sa ilang pirasong kahoy na pinagdugtong-dugtong at natatakpan ng plastic sheeting, walang insulation mula sa lupa o sa konkreto. Mahirap din para sa kanila ang makakuha ng sapat na tubig para sa kanilang mga pangangailangang pangkalinisan.” Ang mga mahihinang istruktura na kanilang sinisilungan ay hindi tatagal sa pambabayo ng malalakas na hangin at pag-ulan.
Dahil sa pagdating ng maraming tao galing sa timog, lalong mahirap para sa kanila ang pagkuha ng pagkain at ang kakaunting pagkain na naroon ay masyadong mahal at di nila kayang bilhin.
Nang nagkaroon ng pitong araw ng truce noong Nobyembre, ang Nasser Hospital ay nakapagpahinga nang kaunti mula sa pagtanggap ng mga pasyenteng may mga seryosong pinsala dahil sa karahasan. Ngunit napuspos naman sila sa pagtanggap ng mga pasyenteng may diabetes at iba pang talamak na sakit, mga pasyenteng hindi nakakuha ng pangangalagang medikal sa gitna ng digmaan. Ngunit nagbago ito noong Disyembre 1 nang bumalik ang mga labanan, at naging mas matindi pa ang mga ito. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa mga pasyenteng ito sapagkat napuspos na uli ang mga pasilidad ng maramihang pagdating ng mga sugatan. Hindi namin alam kung paano sila mabubuhay nang may mga ganoong karamdaman ngunit di makatatanggap ng atensyong medikal.
Noong Disyembre 17, ang maternity ward ng Nasser Hospital ay sinalakay. Isang pasyente ang pinatay, habang ang iba nama’y nasugatan. Ang mga ganitong pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan ay dapat nang tigilan.
Will you support our emergency response work?
Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.