Gaza: “Wala kaming sapat na panahon para ilibing sila.”
Isang larawan ng Al-Nuseirat refugee camp sa Middle Area ng Gaza habang binobomba ng Israel ang kampo noong Sabado, Hunyo 8, 2024. Ayon sa mga ulat, ang matitinding pagsalakay ng mga Israeli ay kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 270 na Palestino at nag-iwan ng mga 700 na sugatan, ayon sa mga lokal na awtoridad ng kalusugan. Kasama ang medical staff ng mga ospital ng Al-Aqsa at Nasser, ginamot ng mga Doctors Without Borders team ang daan-daang pasyenteng nagtamo ng matitinding pinsala. Karamihan sa mga pasyenteng ito ay mga babae at mga bata. Palestine, 8 Hunyo 2024.
Noong Sabado ng umaga, Hunyo 8,2024, binomba nang husto ng mga puwersang Israeli ang Middle Area ng Gaza Strip, pati ang Al-Nuseirat refugee camp. Ayon sa mga lokal na awtoridad ng kalusugan, ang mga matitinding pagsalakay ng mga Israeli ay kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 270 na Palestino at nag-iwan ng mga 700 na sugatan.
Kasama ang medical staff ng mga ospital ng Al-Aqsa at Nasser, ginamot ng mga Doctors Without Borders Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) team ang daan-daang pasyenteng nagtamo ng matitinding pinsala. Karamihan sa mga pasyenteng ito ay mga babae at mga bata. Si Dr. Hazem Maloh, isang Palestinong doktor na nagtatrabaho sa Doctors Without Borders mula pa noong 2013, ay nakatira sa kampo ng Al-Nuseirat. Binalikan niya ang kahila-hilakbot at nakapanlulumong araw nang namatay ang marami sa kanyang mga kaibigan at kapitbahay.
“Noong araw na iyon, tatlong oras akong saklot ng matinding takot at pangamba. Sa isang tila walang katapusang oras, hindi ko alam kung nasaan ang panganay kong anak.Ilang minuto pagkaalis niya para pumunta sa palengke, bumaligtad ang mundo namin. Pakiramdam ko noon, ang bawat minutong nakalilipas ay inaabot ng isang oras.
Napapaligiran kami ng mga nakabibinging pagbagsak ng mga missile at pagsabog. Di namin alam kung anong nangyayari. Nagsisigawan ang mga tao at nagsisipulasan patungo sa iba’t ibang direksyon.Dinig din namin ang sirena ng mga ambulansya. Iisipin mong katapusan na ng mundo.
Tumayo ako upang tingnan kung nakabalik na ang anak ko, at nakita kong naiwan niya ang kanyang telepono. Lumabas ako sa kalsada at nagsisisigaw, ‘Nasaan ang anak ko? Nasaan ang anak ko?’ Sinikap ng aking mga kapamilyang pabalikin ako sa loob ng bahay. Namaos ako sa kasisigaw.
Pagkalipas ng isang oras, dumating na ang anak ko. Kitang-kita ang matinding takot sa mukha niya…ngayon ko lang nakita ang gano’n katinding takot sa isang tao. Halos hindi siya makapagsalita."
"Niyakap ko siya at umiyak ako nang umiyak. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakaramdam ako ng panghihina.
“Pumunta ako sa klinika ng Al-Awda sa Deir al Balah, na ilang metro lang ang layo mula sa aming bahay. Nakita ko ang dose-dosenang taong nakahandusay sa daan. May mga patay na,at meron ding mga sugatan.May isang ambulansya na may dalang tatlong taong napatay at apat na nagtamo ng pinsala. Nangingilid ang luha sa aking mga mata.
Tiinawagan ako ng isa kong kasamahan. Natamaan ang kanyang kapatid na lalaki sa likod ng shrapnel, at sumusuka raw ito ng dugo.Tanong siya nang tanong kung ano ang dapat niyang gawin. Pero ano nga ba ang magagawa namin? Walang mapapapuntang ambulansya. Kaya’t sinabi ko sa kanyang talian na lang ng kapirasong tela ang sugat upang madiinan ang pinsala, at magdasal na manatiling buhay ang kanyang kapatid."
"Marami sa kanila ay mga kapitbahay ko, kaibigan, o di kaya’y kamag-anak. Mga lalaki, mga babae, mga bata. Si Raneem at ang kanyang ama na isa sa malapit kong kaibigan ay parehong napatay. Naghahanda na sana si Raneem upang mag-aral ng medisina sa Ehipto. Noong huli naming pagkikita, nginitian niya ako at tinanong, ‘Tito, kukunin ba ako ng Doctors Without Borders kapag nakapagtapos na ako?’
Si Mahmoud naman ay isa ring natatanging lalaki. Madalas niya akong tinutulungan sa pagtatanim at sa pag-aalaga ng aming mga halaman sa hardin. Noong araw bago siya namatay,nanguha siya ng mga panggatong sa harap ng bahay upang magluto para sa kanyang mga anak. Sabi niya sa akin, ‘Alam mo, kaya kong magluto ng putaheng mas masarap pa sa Maqluba [isang sikat na putaheng Palestino].’ Subali’t napatay rin si Mahmoud noong Sabado.
Si Rami naman ay isang simpleng mangingisda. Isang araw bago ang pagsalakay, sinabi niya sa akin,‘Maghanda ka na, lalangoy tayo uli sa dagat pag natapos na ang digmaang ito.’ Namatay rin si Rami.
Napakahaba ng listahan ng mga nawala sa buhay ko… at lahat sila’y di ko na makikitang muli."
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.