Skip to main content

    Gaza: Mga pasyente at medical staff, di makalabas mula sa mga ospital na kasalukuyang sinasalakay – DAPAT NANG TIGILAN ANG MGA PAGSALAKAY NA ITO

    Al Shifa Hospital

    Ang isang Palestinong civil defence officer na nasaktan sa pagsalakay ng mga Israeli ay binibigyan ng cardiopulmonary resuscitation sa isang stretcher sa Al-Shifa Hospital sa Gaza Strip. Gaza, Palestinian territories, Oktubre 2023 © Ali Jadallah/Anadolu via AFP

    Patuloy pa rin ang karahasan sa paligid ng ospital. Ang mga team ng Doctors Without Borders at daan-daang mga pasyente ay nasa loob pa rin ng Al-Shifa Hospital. Mariing inuulit ng Doctors Without Borders ang kanilang mga panawagan na tigilan na ang mga pagsalakay sa mga ospital, magkaroon ng ceasefire, at protektahan ang mga pasilidad medikal, ang mga medical staff at ang mga pasyente.

    "Mamamatay kami rito, kailangan namin ng tulong." Ito ang text message ng isang nars ng Doctors Without Borders na nasa Al-Shifa Hospital. Ipinadala niya ang mensahe kaninang umaga mula sa silong ng ospital, kung saan siya at ang kanyang pamilya ay nagkukubli mula sa walang patid na pagbobomba. "May apat o limang pamilyang naririto ngayon sa silong ng ospital. Napakalapit lang ng mga pagsabog, nag-iiyakan at nagsisigawan ang aking mga anak sa takot."

    "Malala na talaga ang sitwasyon sa Al-Shifa. Nananawagan kami sa pamahalaang Israeli na tigilan na ang walang humpay na pagsalakay sa sistemang pangkalusugan ng Gaza. Mula kahapon ay di pa tumitigil ang pagbomba sa Al-Shifa Hospital kung saan nagtatrabaho ang aming staff at nasa loob pa rin nito ang kanilang mga pasyente," sabi ni Ann Taylor, ang Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Occupied Palestinian Territories.

    Al Shifa Hospital

    Sa Al Shifa Hospital, ginagamot ng mga Doctors Without Borders team ang isang lalaking nagtamo ng matinding pinsala dahil sa isang airstrike. Gaza, Palestinian territories, 19 Oktubre 2023 © MSF

    Ang Al-Shifa Hospital ang pangunahing hospital complex sa Gaza Strip. Ito’y may 700 kama, at dito’y nabibigyan ang mga pasyente ng emergency at surgical care. Sa kasalukuyan, walang ibang pasilidad sa Strip ang kayang tumanggap at gumamot ng ganoon karaming pasyenteng may tinamong kumplikadong pinsala na minsa’y nagiging banta pa sa kanilang mga buhay. Sa kabila ng mga regular na pagbobomba at mga kakulangan sa supplies, nagagawa pa rin ng staff na patakbuhin pa rin ang ospital. Kahapon, nawalan ng kuryente sa ospital. Hindi na makaandar ang mga ambulansya upang saklolohan ang mga sugatan, at ang walang humpay na pagbobomba ay nakahahadlang sa paglikas ng mga pasyente at staff. Kamakailan lang ay nasaksihan ng aming staff ang pamamaril sa mga taong nagtangkang tumakas mula rito.

    Hindi kami makaalis dahil mula kahapon ng umaga hanggang ngayon ay nagsasagawa kami ng operasyon, 25 na pasyente na sa ngayon. Kung wala ako at ang isa pang surgeon, sino ang magbibigay ng pangangalaga sa mga pasyente? May isa pang pasyenteng kailangang operahan ngayon, at ang isa pa ay naturukan na ng anesthesia.
    Dr Mohammed Obeid, MSF surgeon

    "Madaming mga pasyenteng kakaopera pa lang at hindi pa sila makakalakad. Hindi nila kayang lumikas. Kailangan namin ng ambulansya para mailipat sila, wala kaming mga ambulansya para ilipat ang mga pasyenteng ito," sabi ni Dr Mohammed Obeid, ang surgeon ng Doctors Without Borders sa Al-Shifa Hospital.

    Tinutuligsa ng Doctors Without Borders ang pinirmahan ng mga militar na Israeli na death warrant ng mga sibilyan na kasalukuyang nasa Al-Shifa Hospital. Kailangang magkaroon ng agaran at walang kondisyong ceasefire. Kailangan ring bigyan ng humanitarian aid ang lahat ng nakatira sa Gaza Strip.

    Naputol na ang komunikasyon ng Doctors Without Borders sa isa sa mga surgeon na nagtatrabaho at sumisilong sa Al-Quds Hospital kasama ang kanyang pamilya. Ang ibang mga pasilidad pangkalusugan, gaya ng Al Rantisi Hospital na sinuportahan din dati ng Doctors Without Borders, ay naiulat na pinaligiran ng mga tanke ng mga Israeli.

    Al Shifa hospital

    Sa Al Shifa Hospital sa siyudad ng Gaza, ginagamot ng Doctors Without Borders ang isang pasyenteng napinsala ang mukha. Gaza, Palestinian territories, 19 Oktubre 2023 © Mohammad Masri

    Inuudyukan namin ang Estados Unidos, United Kingdom, Canada, ang mga estadong miyembro ng League of Arab States, Organisation of the Islamic Cooperation, at ng European Union na paulit-ulit na ring nanawagan para igalang ang International Humanitarian Law (IHL) na kumilos na upang tiyakin ang pagkakaroon ng ceasefire. Ang mga nasaksihan nating kahila-hilakbot na pangyayari sa Gaza ay malinaw na patunay na hindi nila binibigyang halaga ang mga panawagan para sa pagtitimpi at pagsunod sa IHL. Ang pagpupursigi na magkaroon ng ceasefire ang pinaka-epektibong paraan upang matiyak na mapoprotektahan ang mga sibilyan.

    Libo-libo na ang nagtamo ng mga pinsala mula noong Oktubre 7. Marami sa kanila’y nasa kritikal na kondisyon, nangangailangan ng kumplikadong operasyon, at ginamot nang ilang linggo o buwan. Magagawa lamang ito kung may total ceasefire at may mga magbibigay ng humanitarian aid gaya ng pagkain, tubig, at gasolina nang walang nakapataw na kondisyon. Nakasalalay rito ang buhay ng mga taga-Gaza.

     

    Categories