Gaza: Nakikipagbuno ang mga healthcare worker sa epekto ng walang tigil na digmaan sa kanilang kalusugang pangkaisipan
Sa loob ng Nasser Hospital, nagdidiskusyon ang mga doktor na Palestino ng Doctors Without Borders bago sila magsagawa ng mga operasyon sa mga nasaktan sa digmaan. Palestinian Territories, 29 Nobyembre 2023. © MSF
- Ayon sa mga mental health staff ng Doctors Without Borders sa Gaza, kakikitaan ang mga medical staff ng mga sintomas na maiuugnay sa tuloy-tuloy na psychological stress at sobrang pagod.
- Ang tindi ng, at ang matagal na pagkalantad sa mga traumatikong kaganapan ang nagwawasak sa kalagayang sikolohikal ng ilang mga Palestino sa Gaza. Kabilang rito ang mga healthcare worker – marami sa kanila’y nagsasabing pumapasok sila sa trabaho upang iwaksi sa kanilang isipan ang digmaan.
- Isang malaking kapahamakan kapag sinalakay ng mga Israeli ang Rafah. Ito’y maghahatid ng kamatayan at pagkawasak sa buhay ng mga tao sa Gaza, pati na rin sa mga medical worker na nagtatrabaho doon.
Makalipas ang anim na buwan ng walang humpay na digmaan, kinailangan ng mga healthcare worker na harapin ang mga panibagong hamon sa pagbibigay ng tulong medikal sa libo-libong tao, habang nagsusumikap din silang mabuhay sa kabila ng mga personal nilang karanasan sa digmaan. Ayon sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) mental health staff, ang epekto ng pagtatrabaho sa ganoon katinding kondisyon ay mararamdaman pa rin ng mga tao kahit na ilang taon na ang magdaan.
May ilang mga healthcare worker sa Gaza Strip, Occupied Palestinian Territories, na nagsabing sila ay laging saklot ng pangamba, stress at pagkabalisa habang patuloy pa rin ang paggamot nila sa mga pasyente. Inilarawan nila ang kanilang paulit-ulit na pagtanggap ng napakaraming taong nagtamo ng pinsala o namatay—mga naipitan ng paa, at nasunog dahil sa mga pagsabog. Inilahad din nila kung paanong kinailangan nilang magputol ng mga bahaging napinsala nang walang sapat na gamot para di maramdaman ng pasyente ang sakit, o anaesthesia. Tinuligsa nila ang nakapipilay na kakulangan ng medical supplies na kailangan upang makasagip ng buhay. Ang kakulangang ito ay bunga ng pagkubkob ng Israel sa Gaza noong mga unang buwan ng digmaan. Naranasan na nilang tumakas mula sa mga ospital na sinalakay ng mga puwersang Israeli, o di kaya nama’y pinilit silang umalis. Isinalaysay rin nila kung paanong nagawa nila ang isang bagay na dati’y hindi nila maiisip gawin –ang iwan ang mga pasyente nila upang masagip ang kanilang mga sarili.
Ang pagpasan ng medical staff ng hirap sa panahon ng digmaan
Ayon sa psychiatrist ng Doctors Without Borders na si Dr Audrey McMahon, na kababalik lang mula sa Occupied Palestinian Territories, ang medical staff na nasa Gaza ay nakararanas ng matinding pagdurusang sikolohikal sa kanilang trabaho.
“Madalas, dahil sa pagbobomba o dahil sa kawalan ng seguridad, kinailangang iwanan ng mga medical staff ang mga pasyente. Marami sa kanila ang nakokonsensya, dahil sa hindi sila nakagawa ng higit pa sa kanilang naibigay,” sabi ni McMahon. “Para sa iba naman, ang nasa konsensiya nila ay na kinailangan nilang unahin ang kaligtasan ng kanilang pamilya, at piliing huwag nang pumunta sa ospital para gumamot ng mga pasyente.”
May mga 300 na Palestinong Doctors Without Borders staff sa Gaza, at isa sa kanila ay si Dr. Ruba Suliman na nagtatrabaho sa Rafah Indonesian Field Hospital. Napilitan sila ng kanyang asawa’t dalawang anak na lisanin ang kanilang tahanan, at sila ngayo’y nakatira sa isang shelter sa Rafah, sa timog na bahagi ng Gaza.
Lagi naming naririnig ang ingay mula sa mga drone, na tila laging nakasunod sa amin. Minsan, ang hirap talagang makatulog. May obligasyon akong tulungan ang mga taong nasa paligid ko, ngunit may obligasyon din akong sagipin ang mga anak ko. Buhay pa kami, pero hindi kami nasa mabuting kalagayan. Lahat ng naririto ay pinanghihinaan na ng loob.Dr Ruba Suliman
Nahaharap ang mga healthcare worker na nasa Gaza sa mga hamong hinaharap din ng 2.2 milyong taong nakatira rito. Ang mga doktor, nars, at mga emergency responder ay nawalan din ng tirahan, at ang ilan sa kanila’y sa mga tolda lang nakatira. Marami rin sa kanilang mga kaibigan at kapamilya ang namatay kaugnay ng digmaan.
“Hindi lang ito tungkol sa mismong bahay namin [na nawasak sa Gaza City], tungkol din ito sa pagkawala ng mga maliliit na bagay na bumubuo sa iyong pagkatao,” sabi ng isa pang Palestinong doktor na nagtatrabaho para sa Doctors Without Borders. “Ang paborito kong tasa para sa kape, ang mga larawan ng aking ina, ang pares ng sapatos na gustong-gusto ko.”
Ang kabayarang sikolohikal at ang epekto sa buhay ng tao
Ang tindi ng, at ang matagal na pagkalantad sa mga traumatikong kaganapan ang nagwawasak sa kalagayang sikolohikal ng ilang mga Palestino sa Gaza. Kabilang rito ang mga healthcare worker – marami sa kanila’y nagsasabing pumapasok sila sa trabaho upang iwaksi sa kanilang isipan ang digmaan. Gayunpaman, hindi nawawala ang kanilang pangamba na ang nakikita nilang nangyayari sa kanilang mga pasyente ay mangyayari rin sa kanila o sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Patuloy pa ring nagtatrabaho ang mga medical worker sa kabila ng kanilang mga nararamdaman, sa kabila ng lagi nilang pag-aalala sa kaligtasan at seguridad ng kanilang mga pamilya,” sabi ni Gisela Silva Gonzàlez, ang Mental Health Activity Manager ng Doctors Without Borders sa Gaza. “Dahil dito, tumataas ang antas ng stress sa trabaho, na dati nang napakataas sa kontekstong ito. Ang bawat kaso ay maaaring maging emotional trigger para sa mga healthcare worker.”
Ang mga pasyente at iba pang mga taong namamalagi sa Al Aqsa Hospital sa Middle Area, Gaza.. Palestinian Territories, 29 Nobyembre 2023. © MSF
Ang mental health staff ng Doctors Without Borders sa Gaza ay nakasasaksi ng mga sintomas sa medical staff na iniuugnay sa ganitong antas ng tuloy-tuloy na psychological stress at pagkapagod. Nakararanas ang staff ng pagkabalisa, insomnia, matinding lungkot, mga mapanghimasok na kaisipan, emotional avoidance at mga bangungot. Ang lahat ng ito’y maaaring magdala ng panganib ng mga isyu sa kalusugang pangkaisipan.
Sinisikap ng Doctors Without Borders na mabigyan ang medical staff ng pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan, ngunit marami pang kailangang maipatupad upang mapalaki ang kanilang pagsuporta. Ayon kay Davide Musardo, ang Doctors Without Borders Mental Health Activity Manager sa Gaza, ang pamamaraan upang makapagbigay ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan ng mga propesyonal sa larangan ng medisina ay ibang-iba sa ginagawa para sa mga pasyente, dahil sa mas mataas na kamalayan ng mga propesyonal ukol sa epekto ng kanilang trabaho.
“Ibang klase ng aktibidad ang isinasagawa namin para sa aming staff. Mas nakabatay ito sa kanilang sariling karanasan,” sabi ni Musardo. “Isa itong psychological intervention kung saan may posibilidad na makapagpahayag sa kapwa nila propesyonal ng tungkol sa pinagdadaanan nila. Nagsusumikap kaming bigyan sila ng higit na espesyal na serbisyo sa pamamagitan ng psychoeducation.”
Nakakadagdag sa stress ang nakaambang pagsalakay sa Rafah
Isang elementong kinakailangan para sa suportang sikolohikal at paggamot ay kaligtasan. At sa konteksto kung saan maski ang mga tagapangalaga ay nasa panganib, imposibleng maitaguyod ang katatagan ng mga tao at ang mga mekanismong makatutulong upang makayanan nilang harapin ang mga hamon. Walang tao at walang lugar na ligtas sa Gaza. Ayon sa mga lokal na awtoridad pangkalusugan, mula noong Oktubre 7, mahigit 34,000 na tao na ang napatay rito at kabilang sa mga ito ang 499 na mga healthcare worker. Lima sa kanila ay mga katrabaho namin sa Doctors Without Borders.
“Kapag sinasabi naming wala nang ligtas na lugar sa Gaza ngayon, hindi lang ang mga pinupuntirya ng shelling ang tinutukoy namin,” sabi ni Amparo Villasmil, isang sikolohista ng Doctors Without Borders na nagtrabaho sa Gaza nitong Pebrero at Marso.
Walang ligtas na lugar maging sa isipan ng mga tao. Lagi silang alerto. Hindi sila makatulog, iniisip nila na maaari silang mamatay sa anumang sandali; na kung sila’y makatulog, hindi sila mabilis na makakakilos, hindi sila makakatakbo at hindi rin nila mapoprotektahan ang kanilang pamilya.Amparo Villasmil, sikolohista
Dagdag ni Villasmil, ang mga healthcare worker at mga sibilyan ay nababagabag sa posibilidad na sasalakay ang puwersang Israeli sa Rafah, kung saan nagsisiksikan ang tinatantiyang 1.5 milyong taong namumuhay sa kahila-hilakbot na kondisyon.
“Isang beses, nakita ko ang isa kong kasamahan sa trabaho— isang sikolohista—na nakaupo lang sa may hagdan. Kilala ko siya bilang masigla at masayahing tao kaya’t nagulat ako nang makita kong halos mangiyak-ngiyak siya. Nakapatong ang ulo niya sa kanyang mga tuhod, at sabi niya sa aki’y pagod na pagod na siya,” sabi ni Villasmil. Nalaman niyang kakakumpirma lang pala na sasalakayin ang Rafah. “Tinanong niya ako kung ano ang dapat niyang gawin, kung saan siya dapat pumunta at kung kailan titigil ang digmaang ito. Wala akong sagot na maibigay sa kanya.”
Inuulit ng Doctors Without Borders ang aming panawagan para sa agaran at pananatiliing ceasefire upang pigilan ang pagdami ng namamatay at nawawasak na buhay sa Gaza.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.