Gaza: Ang mga nagdadalang-taong nawalan ng tirahan ay nanganganib dahil sa mga miserableng kondisyon ng pamumuhay sa Rafah
Matindi ang naging epekto ng digmaan sa Gaza sa access sa maternal health, ang mga ina at ang kanilang mga anak ay di makakuha ng kinakailangan nilang pangangalagang pangkalusugan. Palestinian Territories, Enero 2024. © Mariam Abu Dagga/MSF
Noong nagsimula nang maramdaman ni Maha ang sakit ng panganganak, pumunta na siya sa ospital subali’t di siya tinanggap sapagka’t puno na ang mga delivery room. Pinanghinaan siya ng loob, at sa gitna ng napakalamig na panahon ay bumalik na lamang sa pansamantala niyang tirahan, isa sa maraming tolda sa loob ng isa sa mga kampo sa Rafah para sa mga internally displaced. Bago ang digmaan, 300,000 na Palestino ang nakatira sa siyudad ng Rafah sa timog na bahagi ng Gaza. Umakyat ang bilang na iyon sa 1.5 milyon nang nagsilikas ang mga Gazan upang takasan ang pambobomba at mga evacuation order sa hilaga at gitnang bahagi ng enclave. Sa kasamaang palad, hindi na nakabalik si Maha sa ospital. Ipinanganak niya ang isang sanggol na lalaki sa isang pampublikong palikuran. Hindi nabuhay ang bata.
Ang digmaan sa Gaza, kung saan aming nasaksihan ang kakulangan ng humanitarian aid at ang mga pagsalakay sa mga pasilidad pangkalusugan, ay lubhang nakaapekto sa access sa maternal health care, at dahil dito’y nalalantad ang mga ina at ang kanilang mga anak sa mga seryoso at posibleng mga nakamamatay na banta sa kalusugan. Sa Rafah, ang Emirati maternity hospital ay ang tanging natitirang pasilidad na tumutugon sa mga pangangailangang kaugnay ng maternal health ng mga nagdadalang-taong nawalan ng tirahan.
Hindi biro ang laki ng kanilang mga pangangailangan. Ayon sa World Health Organization may humigit kumulang 50,000 na babae ang kasalukuyang nagdadalang-tao, at ayon naman sa UNICEF, tinatantiyang may 20,000 na sanggol ang isinilang mula noong nag-umpisa ang digmaan hanggang sa kasalukuyan.
Isang sanggol na bagong panganak sa Emirati maternity hospital. Palestinian Territories, Enero 2024. © Mariam Abu Dagga/MSF
Sa harap ng nakakapuspos na pagdami ng pangangailangan at kakulangan ng kapasidad para matugunan ang mga ito, ang nabibigyang-atensyon na lang ng Emirati Hospital ay ang mga pinakadelikado at nakamamatay na panganganak. Lubos na nababahala ang mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa unti-unting pagkasira at ang kinauuwiang kakulangan ng obstetric care sa Gaza dahil sa walang patid na pagbobomba, mga paghihigpit sa humanitarian aid, at mga pagsalakay sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan.
“Sa dami ng mga taong nawalan ng tirahan, nakakatakot na ang sitwasyon sa Rafah,” sabi ni Pascale Coissard, ang Doctors Without Borders emergency coordinator sa Gaza. “Siksikan na ang lahat ng lugar—nakatira ang mga tao sa mga tolda, mga paaralan, at mga ospital. Ang Emirati hospital ay kasalukuyang nakatatanggap ng tatlong ulit ng dami ng bilang ng mga panganganak kumpara sa mga hinarap nila bago ang digmaan.”
Dahil sa humanitarian crisis sa Gaza, ilang buwang hindi nakakapagpatingin ang mga nagdadalang-tao sa doktor. Walang mapagkukunan ng mga pangunahing serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan at ang mga babaeng manganganak ay hindi makapunta sa ospital dahil sa kakulangan ng transportasyon at kapasidad ng iilang natitirang mga ospital. Nakalulungkot ang kondisyon ng pamumuhay ng mga nawalan ng tirahan, at ang mga kababaihan ay nanganganak sa mga toldang plastik o sa mga pampublikong gusali. At kahit ang mga umaabot sa ospital para doon manganak ay bumabalik sa kanilang mga pansamantalang masisilungan ilang oras lang matapos sumailalim sa Caesarean section.
Upang mabawasan ang panganib na magkasakit o mamatay ang mga ina at ang mga bagong panganak na sanggol, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang postpartum care ng Emirati Hospital sa pamamagitan ng pagdagdag ng 12 na kama sa ward, kung kaya’t ang kapasidad nito’y umabot na sa 20 na kama. Ang mas mataas na kapasidad ay nangangahulugang mas maraming pasyente ang nasusubaybayan nang maayos pagkatapos nilang manganak.
“Kapag ganitong kulang sa supplies at sobra sa pasyente, nasasagad ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan. Napipilitan ang mga inang lisanin ang ospital, ilang oras pa lang pagkatapos nilang manganak,” paliwanag ng Doctors Without Borders midwife activity manager na si Rita Botelho da Costa. “Ang unang 24 oras pagkatapos manganak ang pinakakritikal na panahon para sa mga ina, kung kailan malaki ang posibilidad na magkaroon ng kumplikasyon ang pasyente, at dahil ang kondisyon ng kanilang pamumuhay ay napakamiserable, mahalagang hangga’t maaari ay manatili muna ang pasyente sa ospital.”
Dahil sa kakulangan ng paraang makakuha ng maternal health services, marami sa mga nagdadalang-tao ang di nakatanggap ng pangangalaga mula noong nag-umpisa ang digmaan, at wala silang kaalaman tungkol sa kalagayan ng nasa kanilang sinapupunan.
Noong ika-anim na buwan ng kanyang pagbubuntis, ipinasok ang 33 taong gulang na si Rana Abu Hameida sa maternity ward ng Emirati Hospital dahil sa mga kumplikasyong kaugnay ng kanyang pagbubuntis. Mula noong pumutok ang digmaan ay hindi na siya nakapagpa-checkup. Si Abu Hameida ay isa sa mga nawalan ng tirahan sa Beit Lahya, sa hilagang bahagi ng Gaza, at katulad ni Maha, siya ngayo’y nakatira sa isang tolda.
Pagkatapos kong mawalan ng tirahan, naging mahirap makakuha ng transportasyon at makahanap ng mga serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan. Isang hamon ang makahanap ng lugar kung saan makakakuha ng paggamot, at hamon ding isaayos ko ang aking buhay upang muling makapagpa-checkup buwan-buwan. Nakatira ako ngayon sa isang tolda. Mahirap ang buhay, lalo na ang paghahanap ng makakain o maiinom, at ang pagtulog nang walang maayos na higaan.Abu Hameida, nagdadalang-tao
Kapag ang mga nagdadalang-tao ay walang paraan upang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan, sapat na pagkain, at maayos na tirahan, sila at ang kanilang mga anak ay malamang na makararanas ng mga suliranin sa kanilang kalusugan, katulad ng mga impeksyon. Ang mga anak ng mga malnourished na nagpapasusong ina ay nanganganib mula sa mga isyung pangkalusugan, at sa pangmatagalan ay maaari rin silang magkaroon ng developmental challenges.
Mahigit 1/3 ng mga pasyenteng humihingi ng pangangalaga bago manganak ay natukoy na may anemia, isang kondisyong kalimitang iniuugnay sa kakulangan ng iron, na kritikal sa kalusugan ng nagdadalang-tao kaya’t sila’y pinapainom ng iron supplements. Dagdag pa rito, halos kalahati sa mga babaeng ito ang may genitourinary infection, gaya ng urinary tract infections.
Sa Rafah, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng pangangalaga sa mga kapapanganak pa lang, at ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan sa Emirati Hospital. Sa Al Shaboura Clinic, ang mga nagdadalang-tao ay binibigyan ng pangangalaga bago sila manganak: kasama rito ang screening para sa malnutrisyon, at sila’y binibigyan ng supplementary therapeutic food kung kinakailangan.
Tinutulungan ng isang nars ng Doctors Without Borders ang isang pasyente sa Emirati maternity hospital sa Rafah. Sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang ospital sa pagbibigay ng postnatal care upang pahabain ang panahon ng pagsubaybay sa pasyente pagkatapos nitong manganak. Dahil sa kakulangan ng medical supplies at sa nakapupuspos na mga pangangailangan ng mga pasyente, napipilitan ang Emirati Hospital na pauwiin na ang mga pasyente kahit na ilang oras pa lang ang nakararaan mula nang sila’y nanganak o sumailalim sa caesarean section. Palestinian Territories, Enero 2024. © Mariam Abu Dagga/MSF
Noong unang linggo ng Enero, ang mga gynecologist at obstetrician ng Doctors Without Borders ay nagbigay ng antenatal care sa mahigit 200 na pasyente sa Al Shaboura clinic. Samantala, sa Emirati Hospital naman, sa unang linggo pa lang ng kanilang pinalaking post-natal care ward ay nakatanggap na ang mga team ng Doctors Without Borders ng mahigit sa 170 na pasyente. Ngunit, kung wala pa ring sapat na humanitarian aid na papasok sa Gaza at hindi pa rin mapoprotektahan ang iilang pasilidad pangkalusugang nagagamit pa, hindi malayo ang mararating ng pagbibigay ng pangangalaga.
Muling nananawagan ang Doctors Without Borders para sa isang agaran at walang pasubaling ceasefire, at para sa proteksyon ng mga pasilidad pangkalusugan upang mapangalagaan ang mga buhay ng mga tao. Binibigyang-diin din namin ang kagyat na pangangailangang pahintulutang muli ang pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza at ibalik ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan, kung saan nakasalalay ang buhay at kaligtasan ng mga ina at ng kanilang mga anak.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.