Gaza: “Ang mga sugatan ay nanganganib mamatay sa mga susunod na ilang oras.”
Lulan ang mga sugatang pasyente, papunta ang mga ambulansyang ito sa emergency ward ng Al-Shifa Hospital sa siyudad ng Gaza. Palestinian Territories, Oktubre 2023. © Dawood Nemer/AFP
Sa hilagang Gaza, ang iilang pasilidad medikal na nananatiling bukas ay naiipit dahil sa matinding pamumuwersa. Maraming mga medical staff ang napilitang lumikas sa timog na bahagi ng bansa dahil sa walang humpay na pagsalakay ng mga Israeli. Samantala, ang mga naiwang staff ay nahaharap sa paghihigpit sa paggamit ng kuryente at tubig, sa konteksto ng pagkukubkob. Ang pinakahuling ulat na ito’y Ibinahagi ni Guillemette Thomas, ang medical coordinator ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) para sa Palestine, na nakabase ngayon sa Jerusalem.
Ano ang sitwasyon sa mga ospital sa Gaza?
Mula noong lumabas mula sa awtoridad ng Israel ang kautusang lumikas at napilitan ang mahigit sa isang milyong tao na humangos patungo sa timog ng Gaza Strip, kinailangan ng mga taong gumawa ng mahihirap na desisyon kung sila’y aalis o mananatili. Para sa mga health worker, ang kanilang pinagpipilian ay kung iaabandona nila ang kanilang mga pasyente— na halos tiyak na ikamamatay ng mga ito, o kung sila’y mananatili kahit na ito’y nangangahulugang maaaring manganib ang kanilang mga sariling buhay.
Ang iba sa kanila’y nanatili at patuloy na nagtrabaho sa gitna ng mga nakaambang panganib, nakakausap pa rin namin ang aming mga kasamahan na sumusuporta sa mga team ng Ministry of Health, partikular na sa Al-Shifa Hospital sa siyudad ng Gaza kung saan ilang taon nang nagbibigay ng pangangalaga ang Doctors Without Borders sa mga biktima ng pagkasunog. Ngayon, ang mga medical staff ay nagdurusa kasama ang mga taga-Gaza: sampung araw na silang binobomba nang walang humpay. Ayon sa kanila, marami nang mga doktor at mga health worker ang binawian ng buhay mula noong nag-umpisa ang pagsalakay ng mga Israeli.
Iniulat din nila na bawat araw, mga 800 hanggang 1000 na tao sa Gaza Strip ang nagtatamo ng pinsala. Mahalagang isaisip na ang ang mga nakapunta lang sa ospital ang kasama sa bilang na ito. Ang access sa mga pasilidad pangkalusugan ay lubhang mapanganib at kumplikado dahil sa kakulangan sa gasolina, kung kaya’t ang mga pinakamalalang pasyente lamang ang nagpapa-ospital. Mula noong nag-umpisa ang hidwaan, mahigit 9,700 na tao na ang nasaktan. Naniniwala akong maaaring malagay sila sa panganib at posibleng mamatay sila sa mga susunod na oras dahil nagiging imposible nang makakuha ng atensyong medikal.
Gumagana pa ba ang sistemang pangkalusugan sa Gaza?
Nasasaksihan namin ang pagkabigo ng pagbibigay ng pangangalaga sa mga pasyente. Hindi na kaya ng medical staff na gumamot ng mga tao, o maayos na tumanggap ng mga bagong pasyente. Ang lahat ng gawain ay isinasakatuparan sa ilalim ng mahihirap na kondisyon—kakulangan sa staff, mga gamot at mga medical equipment. Tuloy-tuloy ang dating ng mga pasyente, at lahat ay may seryosong iniinda tulad ng complex trauma wounds, burns, fractures at crushed limbs.
Libo-libong tao naman ang pumunta sa Al-Shifa Hospital, ang pangunahing ospital sa Gaza, sa pag-asang doo’y ligtas sila mula sa walang humpay na pagbobomba. Habang ang buong Gaza ay nababalot sa kadiliman, ang Al-Shifa ay isa sa iilang mga lugar sa siyudad na mayroong kuryente. Iyon nga lang, ang natitirang gasolina para sa generator ay sapat na lang para sa 24 oras o sa mas maikli pang panahon.
Sa madaling sabi, kapag walang kuryente, maraming pasyente ang mamamatay, lalo na ang mga nasa intensive care, neonatology at ang mga mayroong nakakabit na mga respiratory support machine. Ang mga pasyenteng may mga talamak na karamdaman gaya ng diabetes at kanser, at ang mga nagdadalang tao ay malalagay rin sa panganib dahil sa kakulangan ng mga gamot.
Ano ang alam natin tungkol sa kondisyon ng pamumuhay ng mga taong lumikas sa timog?
Dumating na kami sa punto kung kailan tubig ang aming prayoridad. Sa kasalukuyan, 60% ng mga tao sa Gaza—mahigit isang milyong tao, ang namamalagi lamang sa labas nang walang access sa malinis na tubig at sa pangangalagang pangkalusugan. Walang pangunahing pangangalagang pangkalusugan ang maaaring makuha dahil sarado ang mga klinika, at hindi katanggap-tanggap ang mga kondisyon sa paligid para sa kalinisan.
Bukod sa mga nagtamo ng mga malalang pinsala, nariyan din ang panganib ng paglaganap ng mga sakit na maiuugnay sa hindi maayos na kondisyon ng pamumuhay—ang mga sakit na gaya ng diarrhoea, mga impeksyon sa balat, respiratory infections at dehydration ay madaling makuha at magdadala ng seryosong panganib sa mahihina, gaya ng mga kababaihan at mga bata. Kalahati sa populasyon ng Gaza ay wala pa sa edad na 18. Gayunpaman, walang sistemang pangkalusugan para sa kanilang pangangalaga.
Ano ang mga nakikita ninyong dapat maging prayoridad para sa suportang medikal?
Mahalagang mapatakbong muli ang mga ospital. Upang magawa iyon, kinakailangang magarantiyahan ang mga regular na ceasefire upang makapagpasok ng napakalaking supply ng mga gamot at gasolina. Kapag maubusan kami ng anaesthetic drugs, mapipilitan ang mga surgeon na itigil ang mga operasyon.
Ang agarang suportang humanitarian ay kailangan para sa isang milyong taong nawalan ng tirahan. Kailangan nila ng access sa tubig at sanitasyon, at pati na rin ng panimulang pangangalagang pangkalusugan, bago pa man tuluyang masira ang kanilang mga katawan at isipan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.