Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Bangladesh: Ang mahabang paghihintay para sa pangangalagang medikal sa Cox’s Bazar

    People waiting for medical treatment

    Naghihintay ang mga tao sa triage area ng Jamtoli Primary Healthcare Center ng Doctors Without Borders sa Ukhiya, Cox’s Bazar, Bangladesh. Sa mga kampo ng mga refugee na Rohingya, ang mga mahahalagang serbisyo ay naapektuhan ng pagbabawas ng pagpopondong humanitarian.
    Bangladesh 2025 © MSF

    “Minsan ay binebenta ko ang mga ekstra kong rasyon upang magkapera at makabili ng gamot sa labas [ng kampo]. Mahuhusay ang serbisyong ibinibigay ng Doctors Without Borders ngunit nakakainip ang paghihintay nang matagal; umaabot ng buong araw.” Sinamahan ni Nur Begum ang kanyang anak na babae sa paghihintay nitong masuri sa klinika ng Jamtoli sa kampo ng mga refugee na Rohingya sa Cox’s Bazar, Bangladesh.

    Panahon ng tag-ulan sa Bangladesh at mataas ang kahalumigmigan. Ang taunang paglaganap ng mga sakit na may kaugnayan sa panahon gaya ng dengue at Chikungunya ay nasa kasagsagan na, at maraming mga pasyente ang may mataas na lagnat at nakararamdam ng panginginig. Kasisikat pa lang ng araw ay makikita na ang mga pasyenteng nakaupo sa mga bangkong kahoy sa labas ng klinika, nakasilong sa bubong na kawayan. Ginagamit ng mga health promoter ang oportunidad na ito upang magbahagi ng mga mensaheng nagbibigay-kaalaman ukol sa kalusugan habang sila’y naghihintay. May ilang mga babae ang nakahiga, ginagawa nilang unan ang kanilang mga bag o mga payong, habang ang kanilang mga anak ay pagod na nakayakap sa kanila.

    “May mga sakit na lumalaganap kaugnay ng panahon, ngunit ngayo’y nakakita rin kami ng mataas na bilang ng mga pasyenteng may mga sakit na di nakahahawa, gaya ng diabetes. Dati, kada buwan ay may dalawa o tatlong pasyente kaming may sakit na ito, ngunit ngayon, 10 hanggang 15 na kaso na ang nagpapatingin sa amin,” paliwanag ni Dr. Abdur Rahman, ang nagtatrabaho sa Jamtoli clinic ng Doctors Without Borders. “Nagtatakda kami ng pinakamatas na bilang ng mga taong maaari naming simulang gamutin para sa hindi nakahahawang sakit kada buwan upang matiyak na hindi kami mauubusan ng gamot o hindi mapupuspos ang aming staff. Kapag ang bilang ng mga pasyente ay naging higit na sa kaya naming bigyan ng paggamot nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng pangangalaga, sinusubukan naming isangguni ang mga bagong pasyente sa ibang pasilidad pangkalusugan para sa kanilang paggamot, subali’t ito’y isang hamon."

    MSF staff performing triage on patient

    Isang nars ng Doctors Without Borders sa triage area ang nangangalap ng kasaysayang medikal ng mga pasyente at nakikinig sa kanilang mga idinadaing upang maintindihan ang kanilang mga pangangailangan at mabigyan ng tamang priyoridad. Inuuna ang mga kasong minarkahan ng pula at dilaw na palatandaan, upang mapangasiwaan ang bumibigat na mga kaso sa Primary Healthcare Center. Bangladesh 2025 © MSF

    Ang bilang ng mga tao na napunta sa mga emergency room ng Doctors Without Borders sa Kampo 14 at 15 noong Hunyo 2025 ay 140% ang itinaas ng bilang noong kasisimula pa lang ng taong ito. May ilang mga pasyenteng dumadating nang napakaaga at kinakailangang maghintay ng ilang oras, may mga dumadating naman sa gabi kung kailan mas maikli ang mga pila. “Dati ay mayroong 30 - 40 na pasyente sa gabi ngunit ngayon, kadalasa’y may mahigit sa 100 na,” paliwanag ni Amir Hamza, isa sa mga nars sa triage. Ang mga outpatient department ay nagtatrabaho ngayon nang higit sa kanilang kapasidad.

    Upang mabawasan ang oras sa paghihintay, pati na rin ang panggigipit sa mga pasilidad at sa mga staff, ipinasya ng Doctors Without Borders na subukang magtuon sa mga mas malala na ang sakit, o mas seryoso ang kondisyon. Ngunit ito ay nauuwi sa pagkabigo, lalo pa’t ang ilang pasilidad pangkalusugan na pinatatakbo ng ibang mga organisasyon ay kinailangang magbawas sa mga serbisyong ibinibigay nila, at ito’y nangangahulugan na mas kaunti ang magagawa para sa pangangalaga. Dahil sa pagbawas sa pondo, malamang na ang epekto nito ay magiging mas malaki sa hinaharap; ang krisis ng mga Rohingya ay nagtatagal habang ang mga hidwaan at krisis sa ibang bahagi ng mundo ay nagsisilabasan o lumalala.

    Over one million people live in the Rohingya refugee camps in Cox’s Bazar, some for decades but many since the deadly crackdown in 2017 that sent hundreds of thousands across the border from Myanmar to Bangladesh. The fighting in Myanmar continues today and the camps have seen a significant rise in new arrivals since last year, putting even more pressure on what little assistance is available.

    Mahigit isang milyong tao ang nakatira sa mga kampo ng mga refugee na Rohingya sa Cox’s Bazar. Ang ilan sa kanila’y ilang dekada nang namamalagi roon, ngunit karamihan sa kanila’y nagsilikas lang doon mula noong 2017 nang daan-daang libong Rohingya ang itinaboy patawid sa hangganan mula sa Myanmar papuntang Bangladesh. Ang mga labanan sa Myanmar ay patuloy pa rin hanggang ngayon, at dumarami ang mga bagong dating sa kampo mula noong nakaraang taon, na nagdadagdag ng pasanin sa kakaunting tulong na makukuha.

    “Isa sa aking mga anak na lalaki kasama ang walong miyembro ng kanyang pamilya ang lumipat sa aming tinitirhan sa Myanmar tatlong buwan na ang nakararaan. Wala pa kaming natatanggap na mga rasyon. Mahirap para sa amin ang magpakain ng ganito karaming tao,” sabi ni Abdul Kalam na pumupunta sa Doctors Without Borders para sa kanyang gamot sa diabetes.

    Abdul Kalam

    Si Abul Kalam, 70, ay naghihintay mula pa kaninang umaga. Pumunta siya rito upang magpakuha ng dugo at tumanggap din ng mga gamot para sa kanyang diabetes. Bangladesh 2025 © MSF

    Habang ang mga team ng Doctors Without Borders ay hirap na hirap na nagtatrabaho upang matingnan ang mga pasyenteng pinakanangangailangan, may mga pagkakataon pa ring kinakailangan nilang tanggihan ang iba. Nagiging malinaw na hindi dapat panatiliin ang kasalukuyang sitwasyon. “Mahalaga na ang mga pangunahing serbisyo ay mapananatili sa mga kampo, at ang Rohingya na nakaasa lamang sa humanitarian aid ay mabigyan ng kinakailangan nilang suporta. Habang nagiging mas abala ang aming mga klinika, ginagawa namin ang aming makakaya upang tumugon ngunit hindi namin ito kayang mapanatili,” sabi ni Pooja Iyer, Country Coordinator sa Bangladesh. “Ginagawa ng aming mga team ang lahat para matugunan ang matinding pangangailangan.”

    Pagkatapos ng ilang oras, lumabas si Nur sa ilalim ng mga kumakapal na ulap, at iniwasan ang mga sanaw sa pulang daan na gawa sa ladrilyo, upang magpahangin. “May mataas na lagnat ang anak ko; ang kanyang buong katawan ay nanginginig, at nilalamig siya kaya kami pumunta sa klinika. Ngunit minsan, kapag alam kong matagal kaming maghihintay, hindi na ako pumupunta."

    Doctors Without Borders sa Cox's Bazar

    Sa Cox’s Bazar, pinangangasiwaan ng Doctors Without Borders ang sampung mga ospital at mga primary health centre. Ang mga aktibidad ng Doctors Without Borders ay sumasaklaw sa maraming iba’t ibang serbisyo para sa mga inpatient at sa mga outpatient. Kabilang rito ang mga serbisyong kaugnay ng emergency at intensive care, paediatrics, obstetrics, sexual at reproductive healthcare, paggamot para sa mga survivor ng karahasang sekswal at para sa mga pasyenteng may hindi nakahahawang sakit.