Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Sudan: Mga nakamamatay na pagsalakay sa buong Darfur, nag-iwan ng halos 100 na sugatan sa mga ospital

    A family sits in hospital

    Si Adil, 12 na taong gulang, katabi ng kanyang ina na si Nawal at nakababatang kapatid na lalaki na si Musa. Katulad ng karamihan sa mga batang nagpapagaling sa paediatric ward ng Tawila Hospital noong araw na iyon, si Adil ay binaril noong siya’y palabas sa kampo ng Zamzam. Sudan, Abril 2025 © Thibault Fendler/MSF

    “Inuudyukan namin ang mga partidong naglalabanan na huwag saktan ang mga sibilyan, protektahan ang mga medikal na pasilidad at ang staff nito, at garantiyahan ang ligtas at walang hadlang na mapagkukunan ng humanitarian aid, simula sa El Fasher at iba pang kinubkob na lugar,” sabi ni Marwan Taher, ang Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Darfur. “Lumalala ang krisis na humanitarian dito, at hindi maaaring ipagpatuloy ng mundo ang pag-iwas na tingnan ito.”

    Kahapon, sa Tawila, North Darfur, 50 na sugatang pasyente ang ginamot ng staff ng Doctors Without Borders sa loob lang ng isang araw. Mahigit 650 na mga taong nagtamo ng pinsala at nakatakas mula sa El Fasher, ang dumating sa ospital na 60 kilometro ang layo mula sa kinubkob na lungsod. Ang ospital na ito ay sinusuportahan ng Doctors Without Borders mula pa noong kalagitnaan ng Agosto. Ito ay maliit na bahagi lang ng kabuuang bilang ng mga nasaktan. Ayon sa mga survivor, marami silang nakitang mga bangkay sa kalsada at kinailangan din nilang iwan ang mga nasa kritikal na kondisyon at ang mga sugatan, mga taong hindi makakayanan ang paglalakbay patungong Tawila.

    “May mga taong naglakad ng 60 na kilometro kahit na sila’y duguan mula sa pamamaril at matinding paghahagupit. Sila ang maituturing pa ring iilan sa mga mapalad na nakatakas sa mga kahindik-hindik na pangyayari sa El Fasher at nagawa ang paglalakbay upang makaligtas mula roon,” sabi ni Sylvain Penicaud, ang project coordinator ng Doctors Without Borders sa Tawila. “Dumating silang pagod na pagod, nasiraan ng loob, at nasa matinding pagdurusa.”

    Inuudyukan namin ang mga partidong naglalabanan na huwag saktan ang mga sibilyan, protektahan ang mga medikal na pasilidad at ang staff nito, at garantiyahan ang ligtas at walang hadlang na mapagkukunan ng humanitarian aid, simula sa El Fasher at iba pang kinubkob na lugar. Lumalala ang krisis na humanitarian dito, at hindi maaaring ipagpatuloy ng mundo ang pag-iwas na tingnan ito.
    Marwan Taher, Head of Mission

    Ipinaliliwanag din ng mga tao kung paanong ang buhay sa El Fasher ay hindi na nila nakayanan. Mahigit isang taon nang sinasalakay at binobomba ng RSF at ng mga kaalyado nito ang bayan. Sila’y nag-iwan ng daan-daang libong mga tao na hindi makaalis, walang makain at mainom, walang mapagkukunan ng mga gamot, at humanitarian aid. Ang mga taong sumubok na makatakas mula sa El Fasher ay nakaranas ng iba’t ibang anyo ng karahasan tulad ng pagpaslang, pagpapahirap, sekswal na pang-aabuso at iba pa sa daan patungong Tawila, na ngayo’y tahanan na ng 800,000 na taong nawalan ng tirahan sa kanilang sariling bayan.

    As Sudan’s war continues in its third year, people face relentless violence with nowhere to flee. On 10 September, drones struck multiple locations across Darfur, leaving hundreds of people injured. Even communities far from the frontlines, are not safe, as attacks escalate simultaneously across the region.

    Sa ikatlong taon ng pagpapatuloy ng digmaan sa Sudan, nahaharap ang mga tao sa walang humpay na karahasan at wala na silang maaaring puntahan. Noong Setyembre 10, sinalakay ng mga drone ang maraming lugar sa iba’t ibang bahagi ng Darfur, at nag-iwan ng daan-daang mga taong sugatan. Kahit ang mga komunidad na malayo sa mga frontline ay hindi na ligtas, sapagka’t sabay-sabay nang sinasalakay ang iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

    Isang SAF drone strike ang lumapag apat na kilometro lang mula sa sinusuportahan ng Doctors Without Borders na Zalingei Teaching Hospital sa Central Darfur. Ito ang kauna-unahang drone strike mula noong Pebrero.

    “Mula sa ospital, dinig ng aming mga team ang drone strike,” sabi ni Taher. “Ilang sandali pa, sa ilalim ng liwanag ng araw, kinailangan naming ipatupad ang aming plano para sa maramihang biktima, nang dumating ang malaking bilang ng nasugatan dahil sa digmaan, kabilang na ang anim na kababaihan at apat na bata. Walang ligtas ang sinuman."

    People waiting in hospital

    Ang mga pasyenteng naghihintay para sa pangangalagang medikal sa pasukan ng emergency unit ng Tawila Hospital. Sudan, Abril 2025 © Thibault Fendler/MSF

    Noong araw ding iyon, dalawang SAF drone ang sumalakay sa Nyala, South Darfur. Ang Nyala Teaching Hospital, na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, ay tumanggap ng 12 na pasyente; apat sa kanila, kabilang ang isang bata ay patay na noong dumating. Ito ang ika-walong nakamamatay na drone strike sa lungsod sa loob lamang ng 11 na araw, matapos ang pagsalakay noong Agosto 30 at Setyembre 1 at 3, kung kailan ginamot sa ospital ang 44 na nasugatan dahil sa digmaan.

    Ang sitwasyon sa Darfur ay nananatiling kritikal – ang mga pasilidad pangkalusugan ay dumaranas ng matitinding hamon at nahihirapang makayanan ang pagdating ng napakaraming pasyente, kakulangan ng supplies, at ang hindi nawawalang banta ng pagsalakay.

    Ang magkakasabay na pagsalakay ay nangyari isang araw lang pagkatapos patamaan ng mga RSF airstrike ang Khartoum, ang kabisera ng Sudan, noong Setyembre 9. Dalawang taong nasugatan dahil sa shrapnel ang dumating sa sinusuportahan ng Doctors Without Borders na Al-Nao Hospital sa Omdurman. Ang mga airstrike na iyon ay tumama rin sa isang power station, kung kaya’t binalot ng kadiliman ang ilang bahagi ng lungsod at napilitan ang mga sinusuportahan na paediatric hospital ng Doctors Without Borders na Al-Nao at Al-Buluk na gumamit ng mga generator o iba pang di maaasahang mapagkukunan ng kuryente. Kung walang matatag na mapagkukunan ng kuryente, ang mga makasagip-buhay na kagamitang medikal at ang air conditioning ay papalya, at maglalantad sa mga batang nasa kritikal na kondisyon sa mga panganib na gaya ng sobrang pag-init ng katawan, impeksyon, at pagkasira ng mga kagamitan.


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories