Sudan: Isang kahila-hilakbot na krisis ng malnutrisyon, banta sa buhay sa South Darfur
Dinidiskarga ng staff ng Doctors Without Borders ang trak bilang paghahanda para sa pamamahagi sa labas ng Nyala, South Darfur. Sudan, Pebrero 2025. © Hani Dweik/MSF
Ang kasalukuyang digmaan sa Sudan ay di lamang nakawasak ng mga istrukturang pangkalusugan, ito rin ay naglagay sa seguridad ng pagkain sa alanganin at iniwan ang milyon-milyon sa panganib, lalo na sa mga lugar na apektado ng digmaan tulad ng South Darfur. Kabilang sa mga pinakanagdurusa sa krisis na ito ay ang mga internally displaced persons (IDPs). Karamihan sa kanila ay nahihirapang makakuha ng mga pangunahing pangangailangan, gaya ng pagkain.
Ang mga batang wala pang limang taong gulang, ang mga nagdadalang tao at ang mga nagpapasusong ina ang mga pinakamahihinang grupo na apektado ng lumalalang krisis ng malnutrisyon. Noong 2024, mahigit sa 7,200 na mga bata na wala pang limang taong gulang, mga nagdadalang tao at mga nagpapasusong kababaihan mula sa Nyala at sa mga lugar sa paligid nito ay isinama sa mga programa ng Doctors Without Borders para sa outpatient feeding ng mga may malubhang malnutrisyon. Dahil sa limitadong makukuhang masustansyang pagkain, ang mga grupong ito ay nahaharap sa tumitinding panganib ng severe acute malnutrition (SAM), na kung hindi gagamutin ay maaaring maging banta sa buhay.
Limitadong presensyang humanitarian habang dumarami ang mga pangangailangan
Ang pagiging madalang ng mga aktibidad na humanitarian ng mga ahensya ng UN at ang kakulangan ng pagtugong humanitarian na sapat para sa mga pangangailangan ay humahamon sa mga pagsusumikap na harapin ang sitwasyon ng kakulangan sa pagkain, at ang kabuuang krisis sa South Darfur at sa iba’t ibang bahagi ng Sudan. Ito’y nangangahulugan ng mga limitadong mapagkukunang-yaman, na nagiging sanhi ng patuloy na pagkakaroon ng mga puwang sa mga makasagip-buhay na mga serbisyo, lalo na sa paggamot ng malnutrisyon.
Sinimulan na ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang pagbibigay ng emergency nutritional support sa ilan sa mga pinakaapektadong lugar. Ngunit, sa kasalukuyang lagay ng sitwasyon, nahaharap ang aming mga team sa malaking hamon na palawakin at panatiliin ang mga pagsusumikap na ito.
Nagkakarga ang mga tao ng mga pakete ng pagkain sa likod ng isang kamelyo sa Kaloketting, South Darfur. Sudan, Marso 2025. © Hani Dweik/MS
Pagtugon sa pamamagitan ng nutrisyon sa harap ng mapanghamong sitwasyon
Noong Disyembre, nagsimulang mamahagi ang Doctors Without Borders ng mga pakete ng pagkain sa mga pamilya ng mga bata, ng mga nagdadalang tao at ng mga nagpapasusong kababaihan na kasama sa aming mga programa para sa paggamot ng malnutrisyon. Layunin nitong makapagbigay ng panandaliang ginhawa sa mga nahaharap sa mga pinakamalalang kinahihinatnan ng kawalan ng seguridad sa pagkain, lalo pa’t patuloy ang pagkasira ng ekonomiya ng bansa.
Sa South Darfur, ang mga komunidad ay nalantad sa sukdulang karahasan. Maraming tao ang nawalan ng tirahan. Kadalasan, ang mga kababaihan ang pumapasan sa responsibilidad ng pangangalaga para sa malalaking pamilya, nang walang pinagkakakitaan o nakukuhang suporta. Dahil sa kakulangan ng mga oportunidad, hirap na hirap ang mga taong makakuha ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.
"Upang mabawasan ang mga insidente kung saan ang therapeutic food na nakalaan para sa mga bata ay pinaghahatian ng mga nagugutom nilang kamag-anak, nagbibigay kami ng rasyon ng pagkain para sa buong pamilya na sapat para sa dalawang buwan,” sabi ni Hunter McGovern, ang Targeted Food Distribution Project Coordinator ng Doctors Without Borders sa South Darfur.
Nakapila ang isa sa mga inang kasali sa programa ng Doctors Without Borders para sa mga nagpapasuso at nagdadalang taong kababaihang may malubhang malnutrisyon, habang siya’y naghihintay makatanggap ng pagkain sa Nyala, South Darfur. Sudan, Pebrero 2025. © Abdoalsalam Abdallah
“Sa ganitong paraan, matatanggap ng bata ang kabuuan ng kanilang nutrition therapy habang pinabubuti rin ang nutrisyon ng buong pamilya. Gayunpaman, nakapupuspos pa rin ang mga pangangailangan," pagpapatuloy ni McGovern.
Ang pagtugon ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng rasyon ng pagkain na umaabot sa 2,000 na calorie kada araw para sa bawat miyembro ng bawat pamilya (na karaniwang may mga limang miyembro) sa loob ng dalawang buwan. Ang programang ito ay tumutulong sa pagbibigay sa buong pamilya ng kinakailangan nilang pagkain, na sumusuporta naman sa pagbabalik ng tamang timbang ng mga batang may malnutrisyon.
"Sa aming pamamahagi, napag-alaman namin na ang karaniwang pamilya rito ay mas malaki kaysa pinagplanuhan namin—minsa’y umaabot ng sampung tao kada kabahayan. Binibigyang-diin nito kung gaano kakritikal ang kakulangan ng pagkain, at kung gaano pa kalaki ang kinakailangang tulong upang matugunan ang mga pangangailangan ng populasyon," sabi ni McGovern. Dadayuhin ng mga tao ang kanilang mga kamag-anak na nakatanggap ng ipinamahaging pagkain, na nagpapakita kung gaano na kakritikal ang kakulangan ng nutrisyon sa lugar.
Ang pangangailangan para sa mas malakas na pagtugong humanitarian
Nananatili ang paninindigan ng Doctors Without Borders na harapin ang mga kagyat na pangailangan sa nutrisyon ng mga populasyong apektado ng digmaan sa South Darfur. Ang laki ng krisis ay higit sa kapasidad ng mga limitadong organisasyong tumutugon sa krisis ng malnutrisyon.
Dinidiskarga ng staff ng Doctors Without Borders ang trak bilang paghahanda para sa pamamahagi sa labas ng Nyala, South Darfur. Sudan, Marso 2025. © Hani Dweik/MSF
Paparating na ang tag-ulan at ang hunger gap, ang panahon kung kailan pinakamahirap para sa mga taga-South Darfur na makakuha ng pagkain at pinakamahirap din para maihatid ang humanitarian supplies sa estado. Ang mga supply para sa paggamot ng malnutrisyon at para sa mga programang kaugnay ng pamamahagi ng pagkain ay kinakailangang nakahanda na bago pa man dumating sa puntong hindi na posibleng maipaabot ito sa mga komunidad. Kailangan ng mga lokal na katuwang ng pondo at suporta upang ipagpatuloy at palawakin ang pamamahagi ng pagkain sa kanilang mga komunidad. Ang pagpapatakbo ng mga programa sa pamamahagi ng pagkain at pagpapalawak ng mga inpatient at outpatient therapeutic feeding programme sa South Darfur ay mapanghamon, ngunit posibleng gawin – at maaaring makapigil sa hindi kinakailangang pagdurusa at kamatayan.
Sa patuloy na pagkasira ng seguridad sa pagkain at pagtaas ng mga antas ng malnutrisyon, ang agarang pagkilos ay kinakailangan upang palakihin ang humanitarian assistance at tiyaking ang mga bata at ang kanilang mga pamilya ay makatatanggap ng suportang lubos nilang kinakailangan. Kung hindi magtutulungan, lalo lamang lalala ang krisis, at mailalagay sa panganib ang di-mabilang na buhay.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.