Gaza death trap: Sa isang ulat ng Doctors Without Doctors, inilantad nito ang kampanya ng Israel tungo sa ganap na pagwasak
PARIS/BRUSSELS/BARCELONA/JERUSALEM — Ang paulit-ulit na pagsalakay ng mga militar na Israeli sa mga sibilyang Palestino nitong nakaraang 14 na buwan, ang paglansag ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan at iba pang kinakailangang imprastruktura, ang nakakasakal na pagkubkob, at ang sistematikong pagkakait ng humanitarian assistance ang nagwawasak ng mga kondisyon ng pamumuhay sa Gaza, ayon sa bagong ulat ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), "Gaza: Buhay sa Isang Patibong ng Kamatayan (Life in a Death Trap)." Ang pandaigdigang organisasyong medikal at humanitarian ay muling nananawagan sa lahat ng partido para sa isang agarang ceasefire upang mailigtas ang mga buhay at hayaang dumaloy ang humanitarian aid. Kailangang tigilan na ng Israel ang mga nakapuntirya at walang pinipiling pagsalakay sa mga sibilyan, at ang mga kakampi nila ay kinakailangang agad na kumilos upang maprotektahan ang buhay ng mga Palestino at maitaguyod ang mga patakaran sa panahon ng digmaan.
"Ang mga tao sa Gaza ay nagsusumikap na mabuhay sa gitna ng mga kondisyong tila para sa katapusan ng mundo, ngunit walang lugar na di mapanganib, walang nakakaligtas at walang daan palabas sa kanilang winasak na tirahan," sabi ni Christopher Lockyear, ang Doctors Without Borders Secretary General, na bumisita sa Gaza noong simula ng taong ito. "Ang pagsalakay ng mga militar kamakailan lang sa hilaga ay isang hayagang paglalarawan ng brutal na pakikidigma ng mga puwersang Israeli sa Gaza, at nakakakita kami ng mga malinaw na senyales ng ethnic cleansing sa sapilitang pagpapalikas, pagsukol, at pagbobomba sa mga Palestino," sabi ni Lockyear.
Ang nasaksihan ng aming mga medical team sa buong digmaan na ito ay kapareho sa mga paglalarawang ibinigay ng lumalaking bilang ng mga eksperto sa batas at mga organisasyong nagsasabing may nagaganap na genocide sa Gaza. Habang wala tayong awtoridad na legal upang husgahan ang kanilang intensyon, ang mga senyales ng ethnic cleansing at ng kasalukuyang nagaganap na pagwasak ay di maipagkakaila. Kabilang rito ang mga pagpatay nang maramihan, mga malubhang pinsala sa katawan at isipan, sapilitang paglikas, at ang mga imposibleng kondisyon ng pamumuhay ng mga Palestino sa ilalim ng pagkubkob at mga karanasan ng pagbobomba.Christopher Lockyear, Secretary General
Bilang tugon sa mga kahindik-hindik na mga pagsalakay na ginawa ng Hamas at iba pang armadong grupo sa Israel noong Oktubre 7, 2023—kung saan 1,200 na tao ang napatay at 251 naman ang ginawang hostage—ang mga puwersang Israeli ay gumaganti sa buong populasyon ng Gaza. Ayon sa Ministry of Health, ang mga pagsalakay na ginawa ng Israel sa Gaza ay nauwi sa kamatayan ng mahigit 45,000 na tao, kasama rito ang walong kasamahan namin sa Doctors Without Borders. Ang mataas na bilang ng mga namatay kaugnay ng digmaan ay malamang dahil sa pagkawasak ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan, outbreak ng mga sakit, at ang lubhang limitadong access ng mga tao sa pagkain, tubig at masisilungan. Ayon sa United Nations, itinatayang mahigit 10,000 na bangkay ang nananatiling nakalibing sa ilalim ng mga gumuhong istruktura. Ibinunyag din sa ulat na ilang ulit nang pinipigilan ng mga puwersang Israeli ang pagpasok sa Strip ng mga mahahalagang pangangailangan gaya ng pagkain, tubig, at mga medical supply, at hinahadlangan din nila, ipinagkakait, at ipinagpapaliban ang pagpasok ng humanitarian assistance. May mga 1.9 milyong tao —90% ng buong populasyong nakatira sa Strip—ang napilitang lumikas, at karamihan sa kanila’y ilang beses nang palipat-lipat ng tirahan.
Hindi pa aabot sa kalahati ng 36 na ospital ng Gaza ang gumagana at ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay wasak na. Sa isang taon na sakop ng ulat—mula Oktubre 2023 hanggang Oktubre 2024—ang Doctors Without Borders staff pa lang ay nakaranas na ng 41 na pagsalakay at insidente ng karahasan, gaya ng mga airstrike, shelling, at marahas na paglusob sa mga pasilidad pangkalusugan; ang pagpapaputok sa mga masisilungan at mga convoy ng organisasyon; at ang hindi makatwirang pagkulong sa aming mga kasamahan ng mga puwersang Israeli. 17 na beses nang napilitan ang mga medical personnel at mga pasyente ng Doctors Without Borders na umalis mula sa mga ospital at sa pasilidad pangkalusugan, at kadalasa’y kinailangan nilang literal na tumakbo upang mabuhay. Ang mga partidong sangkot sa digmaan ay nagkaroon ng mga labanan malapit sa mga pasilidad medikal at inilagay sa panganib ang mga pasyente, mga tagapagbigay ng pangangalaga, at medical staff.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Samantala, ang mga pinsala sa kalusugan ng katawan at isipan ng mga Palestino ay nakapupuspos at patuloy pang dumarami ang kanilang mga pangangailangan. Ang mga pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nakapagsagawa na ng hindi bababa sa 27,500 na konsultasyon para sa karahasan at 7,500 na operasyon. Ang mga tao ay nagdurusa dahil sa mga tinamong sugat mula sa digmaan at maging sa mga talamak na sakit, na lalong lumalala dahil sa wala silang access sa serbisyong kinakailangan para sa pangangalagang pangkalusugan at sa mga gamot. Ang sapilitang paglikas ng mga tao ay nagtulak sa kanilang mamuhay sa di matatagalan at di malinis na mga lugar kung saan maaaring mabilis na kumalat ang mga sakit. Bilang resulta, ang mga team ng Doctors Without Borders ay gumagamot ng maraming pasyenteng may mga karamdaman gaya ng sakit sa balat, mga respiratory infection, at pagtatae. Ang lahat ng ito ay inaasahang dadami pa kapag panahon na ng taglamig. Ang mga bata ay hindi nababakunahan, kung kaya’t madali silang magkaroon ng mga sakit gaya ng tigdas at polio. Naobserbahan ng Doctors Without Borders ang pagdami ng mga kaso ng malnutrisyon, subalit hindi makapagsagawa ng ganap na screening para sa malnutrisyon sa Gaza dahil sa malawakang kawalan ng seguridad at kakulangan ng tamang hakbang para sa deconfliction.
Habang kumakaunti ang mga makukuhang pangangalagang medikal sa Gaza, ginawa pa ng Israel na mas mahirap dalhin ang mga tao sa mga pasilidad medikal. Sa pagitan ng pagsara ng Rafah crossing noong simula ng Mayo 2024 at Setyembre 2024, 229 na pasyente lang ang pinayagan ng mga awtoridad na Israeli na dalhin sa mga pasilidad medikal. Ito’y 1.6% lang ng mga nangangailangan noong panahong iyon – isang patak lamang sa karagatan ng pangangailan.
Ang sitwasyon sa hilagang Gaza ay lalong kahila-hilakbot matapos ang scorched earth military offensive ng Israel na lubusang nagpabagsak ng populasyon ng mga malalaking lugar at iniulat na pumatay ng halos 2,000 na tao. Ang hilagang bahagi ng Strip, partikular na ang kampo ng Jabalia, ay muling kinubkob ng puwersang Israeli mula noong Oktubre 6, 2024. Binawasan nang malaki ng mga awtoridad na Israeli ang essential aid na maaaring pumasok sa hilaga. Noong Oktubre 2024, dumating sa buong Gaza Strip ang pinakakaunting mga supply mula noong tumindi ang digmaan noong Oktubre 2023. Araw-araw, mga 37 na humanitarian trucks lang ang nakapasok sa Strip –napakababang bilang kung ikukumpara sa 500 na humanitarian trucks na pumasok dito bago Oktubre 7, 2023.
“Sa loob ng mahigit isang taon, nasaksihan ng aming mga medical staff sa Gaza ang isang walang patid na kampanya ng mga puwersang Israeli ng malawakang pagkawasak, pagkasira, at dehumanisasyon,” sabi ni Lockyear. “Ang mga Palestino ay pinatay sa kanilang mga tahanan o sa mga kama sa ospital. Napilitan silang lumipat sa mga lugar na hindi ligtas o hindi nakabubuti sa kanilang kalusugan. Walang makuha ang mga tao na mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, malinis na tubig, mga gamot, at sabon sa gitna ng mapagparusang pagkubkob at pagbangkulong."
Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga estado, partikular na ang mga kakampi ng Israel, na wakasan na ang kanilang pagsuportang walang kondisyon para sa Israel at tuparin ang kanilang obligasyon upang pigilan ang genocide sa Gaza. Halos isang taon na ang nakalilipas, noong Enero 26, ipinag-utos ng International Court of Justice (ICJ) na gumawa ang Israel ng “agaran at epektibong mga hakbang upang mabigyan ang mga Palestino ng kinakailangan na mga pangunahing serbisyo at humanitarian assistance upang tugunan ang mga mahihirap na kondisyon ng pamumuhay na hinaharap ng mga Palestino sa Gaza Strip.” Walang ginagawang makahulugang pagkilos ang Israel upang sumunod sa ipinag-utos ng korte. Sa halip, patuloy na hinahadlangan ng mga awtoridad na Israeli ang Doctors Without Borders at iba pang mga organisasyong humanitarian sa pagbibigay ng makasagip-buhay na tulong sa mga taong nakakulong sa kanilang pagkubkob at pagbobomba.
Dapat gamitin ng mga estado ang kanilang impluwensya upang mabawasan ang pagdurusa ng populasyon at gawing posible ang pagpapalaki ng humanitarian assistance sa buong Gaza Strip. Bilang may kapangyarihang mananakop, ang mga awtoridad na Israeli ay may responsibilidad na tiyakin ang mabilis, walang hadlang, at ligtas na paghahatid ng sapat na humanitarian aid upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga tao. Sa halip, dahil sa pagbangkulong ng Israel at ang patuloy na paghadlang nila sa pagpasok ng aid, naging halos imposible para sa mga tao sa Gaza na makakuha ng kanilang mga pangunahing pangangailangan, gaya ng gasolina, pagkain, tubig, at mga gamot. Kasabay nito, nagdesisyon ang Israel na pagbawalan ang pagpasok ng United Nations Relief and Works Agency for Palestine Refugees in the Near East (UNRWA), ang pinakamalaking tagapagbigay ng aid, pangangalagang pangkalusugan, at iba pang mga mahahalagang serbisyo sa mga Palestino.
Inuulit ng Doctors Without Borders ang panawagan para sa agaran at pananatiliing ceasefire. Dapat tigilan na ang ganap na pagsira ng buhay ng mga Palestino sa Gaza. Nananawagan din ang Doctors Without Borders para sa agaran at ligtas na access sa hilagang Gaza upang pahintulutan ang paghahatid ng humanitarian aid at mga medical supply sa mga ospital. Habang ang Doctors Without Borders ay patuloy na nagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalaga sa central at southern Gaza, nananawagan kami sa Israel na wakasan ang pagkubkob sa teritoryo at pahintulutan ang pagdaan sa mahahalagang hangganan, gaya ng Rafah crossing, upang gawing posible ang pagpapadami ng humanitarian at medical aid.
Ayon sa ulat ng Doctors Without Borders, kahit na magwakas ang pakikidigma ng mga puwersang Israeli sa Gaza ngayong araw na ito, ang mga pangmatagalang epekto nito ay hindi maihahambing kahit saan, sa laki ng pagkawasak na idinulot nito at ang mga kakaibang hamon sa pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa buong Strip. Ang malaking bilang ng mga taong nasugatan dahil sa digmaang ito ang ngayo’y nanganganib na magkaroon ng impeksyon, maputulan ng mga bahagi ng katawan, at magkaroon ng permanenteng kapansanan, at marami ang mangangailangan ng ilang taon ng rehabilitative care. Ang kabuuang epekto sa katawan at isipan ng labis na karahasan, pagkawala ng mga miyembro ng mga pamilya at ng mga tahanan, ang paulit-ulit na pagkawala ng tirahan, at ang mga di makataong kondisyon ng pamumuhay ay mag-iiwan maging sa mga susunod na henerasyon ng mga sugat na di mahihilom.
