Ang pahayag ng Doctors Without Borders kaugnay sa pagbabahagi ng impormasyon ukol sa staff at sa mga operasyong humanitarian sa Palestine
30 Enero 2026: Pagkatapos ng maraming buwan ng di-matagumpay na pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad na Israeli, at dahil sa kawalan ng katiyakan ng kaligtasan ng aming staff at ng malayang pangangasiwa namin sa aming mga operasyon, nagdesisyon ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na hindi nito ibabahagi ang listahan ng mga Palestino at pandaigdig na staff nito sa mga awtoridad na Israeli sa kasalukuyan.
Noong Marso 2025, inanunsiyo ng mga awtoridad na Israeli na ang mga organisasyong nais magparehistro ay kailangang magsumite ng personal na impormasyon tungkol sa kanilang staff. Sa simula pa lang, nagpahayag na ang Doctors Without Borders ng mga seryosong alalahanin ukol sa kahilingang ito sa isang konteksto kung saan ang mga medical at mga humanitarian worker ay nakaranas ng pananakot, hindi makatwirang pagkakapiit, at pagsalakay. Mula Oktubre 2023, 1,700 health staff na ang pinaslang, pati na rin 15 sa aming mga kasamahan sa Doctors Without Borders. Noong Disyembre 30, inanunsiyo ng mga awtoridad na Israeli na wala nang bisa ang dating rehistrasyon ng Doctors Without Borders kung kaya’t inaasahang titigil na ang pagkilos ng organisasyon sa loob ng 60 na araw.
Sa pagsisikap na masubukan ang iba’t ibang posibleng paraan – gaano man ka-limitado –upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng kritikal na pangangalagang medikal, ipinagbigay-alam ng Doctors Without Borders sa mga awtoridad na Israeli noong Enero 23 na bilang isang bukod-tanging hakbang, handa ang Doctors Without Borders na ibahagi ang listahan ng mga Palestino at pandaigdigang staff nito, nang may mga malilinaw na hangganan, at kung saan ang nasa sentro nito ay ang kaligtasan ng aming staff. Ang posisyong ito ay nabigyang-linaw matapos naming konsultahin ang aming mga kasamahang Palestino, at napagkasunduang walang impormasyon ukol sa staff ang ibabahagi nang hindi muna kinukuha ang pahintulot ng mga partikular na indibidwal.
Subali’t sa kabila ng aming paulit-ulit na pagsisikap, nabigo kami sa aming pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad na Israeli at di kami nakakuha ng konkretong paninindigan mula sa kanila. Kabilang rito ang pangakong ang kahit anong impormasyon ukol sa aming staff ay gagamitin lamang para sa nakasaad na layuning administratibo at di upang ilagay sila sa anumang panganib; na ang Doctors Without Borders pa rin ang ganap na tagapangasiwa ng lahat ng human resources at medical humanitarian supplies, at na ang lahat ng komunikasyon na mapanira sa Doctors Without Borders at nagbabanta sa kaligtasan ng staff ay titigilan na.
Bilang resulta ng kawalan ng mga malinaw na katiyakang ito, nagdesisyon kaming hindi namin ibabahagi ang anumang impormasyon ukol sa aming staff sa kasalukuyan. Walang impormasyon ukol sa aming staff ang ibinahagi sa mga awtoridad na Israeli sa prosesong ito.
Sa gitna ng kasalukuyang nagaganap na krisis humanitarian sa Gaza at sa matitinding karahasang nararanasan ng mga healthcare worker, pinupuwersa ng mga awtoridad na Israeli ang mga organisasyong humanitarian na mamili sa dalawang imposibleng pagpipilian—ang mapilitang magbahagi ng impormasyon ukol sa aming staff o ang gambalain ang kritikal na pangangalagaang medikal.
Kung ang Doctors Without Borders ay mapatalsik mula sa Gaza at sa West Bank, ang epekto nito ay magiging lubhang mapangwasak lalo pa’t ang mga Palestino ay nahaharap sa brutal na taglamig sa gitna ng kanilang mga gumuhong bahay at mga kagyat na pangangailangang humanitarian. Nananatiling sukdulan ang mga kondisyong humanitarian: halos 500 ang pinaslang na mga tao mula noong Oktubre, at ang karanihan sa mga pangunahing serbisyo tulad ng pagkain, tubig, masisilungan, pangangalagang pangkalusugan, fuel, at mga kabuhayan ay nawasak na, ang sistemang pangkalusugan ay himdi na halos gumagana, at marami sa mga espesyal na serbisyo, tulad ng pangangalaga sa pinsalang sanhi ng pagkasunog, ay di na makukuha. Noong 2025, nagbigay ang Doctors Without Borders ng 800,000 na mga konsultasyon, tumulong sa isa sa kada tatlong pagpapaanak, at sumuporta sa isa sa kada limang kama sa ospital—mga serbisyong hindi madaling mapupunan.
Nananatiling bukas ang Doctors Without Borders sa pakikipag-usap sa mga awtoridad na Israeli upang mapanatili ang aming mga kritikal na medikal na aktibidad sa Gaza at sa West Bank, at tiyaking maipagpapatuloy ng Doctors Without Borders ang paghahatid ng mahahalaga at makasagip-buhay na pangangalagang medikal para sa mga lubhang nangangailangan.