Banta ng Israel na pagtanggi sa pagpaparehistro ng mga NGO, isang matinding dagok sa humanitarian aid sa Gaza at sa West Bank
Isang sasakyan ng Doctors Without Borders ang nakaparada sa labas ng Al Rantisi Hospital sa Gaza City, sa gitna ng mga gumuho at mga nawasak sa lugar. Kita sa larawang ito na kuha mula sa pasukan ng ospital ang kalye sa labas ng pasilidad. Palestine, Oktubre 2025. © MSF
Ang banta ng Israel na pagtanggi sa pagpaparehistro ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) at iba pang pandaigdigang non-governmental organisation (INGO) ay isang negatibo at kalkuladong pagsisikap na pigilan ang mga organisasyon na magbigay ng mga serbisyo sa Gaza at sa West Bank, Palestine, na lumalabag sa mga obligasyon ng Israel sa ilalim ng pandaigdigang batas humanitarian.
Ang pagkait ng tulong medikal sa mga sibilyan ay hindi katanggap-tanggap sa anumang sitwasyon at kasuklam-suklam kapag ginagamit ang humanitarian aid bilang kasangkapan ng mga patakaran o ng kolektibong pagpaparusa. Panahon na para kumilos. Pinaiigting ng Israel ang pagsalakay nito sa pagtugong humanitarian, at tuwirang binabantaan ang pangangalagang medikal at humanitarian aid para sa mga sibilyan.
Tahasang sinasalungat ng Doctors Without Borders ang mga alegasyon ng mga awtoridad na Israeli nitong mga nakaraang araw. Hindi kailanman magpapatrabaho ang Doctors Without Borders sa kahit sinong indibidwal na sangkot sa mga aktibidad ng militar, na taliwas sa aming mga pinahahalagahan at etika. Kung ang mga paglalarawan ng aming mga team ng kanilang mga nasaksihan sa Gaza – kamatayan, pagkawasak at ang mga kahihinatnan ng karahasan laban sa lahi – ay maaaring hindi masisikmura ng iba, ngunit ang dapat sisihin ay ang mga gumagawa ng mga karumal-dumal na krimeng ito, at hindi ang mga naglalahad lamang ukol dito.
Ang Doctors Without Borders ay may mga lehitimong ikinababahala ukol sa hinihingi sa pagpaparehistro na personal na impormasyon ng aming mga staff na Palestino na dapat naming ibahagi sa mga awtoridad na Israeli, lalo pa’t 15 sa aming mga kasamahan sa Doctors Without Borders ay pinatay ng mga puwersang Israeli. Sa kahit anong konteksto – lalo na sa isang sitwasyon kung saan ang mga medical at humanitarian worker ay sinindak, ikinulong nang walang dahilan, sinalakay, at pinagpapapatay nang maramihan – ang paghingi ng mga listahan ng staff bilang kondisyon para mabigyan ng access sa isang lugar ay isang kalabisan. Pinahihina nito ang kalayaan at pagkawalang-panig ng mga makataong adhikain, at ito’y lalong ginagawang mapanganib dahil sa kawalan ng anumang linaw kung paano gagamitin, iimbakin, o ibabahagi ang ganito kasensitibong impormasyon. Subali’t, sa halip na pakinggan ang aming mga inaalala, ang Ministry na nangangasiwa ng proseso ng pagpaparehistro ay isinasawalang-bahala ang aming paulit-ulit na hiling na makipagpulong at inakusahan pa kami sa media ng pagkakanlong ng mga pinaghihinalaang terorista.
Pinatay at sinugatan ng mga puwersang Israeli ang daan-daang libong mga sibilyan, sinadyang wasakin ang mga mahahalagang imprastraktura, at pinuntirya ang mga medical staff, mga humanitarian at mga mamamahayag. Kontrolado na nila ang mahigit sa kalahati ng Gaza Strip, pinuwersa nila ang populasyon sa paliit nang paliit na mga lugar na may mga hindi makataong kondisyon, at minaniobra ang kakulangan ng mga pangunahing pangangailangan sa pamamagitan ng paghadlang at pagpaliban ng pagpasok ng mga mahahalagang kagamitan, tulad ng medical supplies.
Karga ng mga ina ang kanilang mga sanggol na may malubhang malnutrisyon habang naghihintay sa mga medical staff ng Attar clinic ng Doctors Without Borders sa Khan Younis. Palestine, 2025. © MSF
Sa kasalukuyan, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang isa sa bawat limang kama sa mga ospital sa Gaza at tumutulong sa isa sa bawat tatlong ina sa panganganak. Ang suportang ibinibigay namin ay hindi sapat upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Palestino, ngunit kung ito’y tatanggalin, ito’y magiging malaking kawalan. Ang paghadlang ng Israel sa Doctors Without Borders at sa dose-dosena pang ibang mga organisasyon sa pagbibigay ng mga serbisyo para sa mga Palestino, matapos na wasakin ng mga puwersang Israeli ang sistemang pangkalusugan ng Gaza, ay isang pagpapatindi ng mga pagsalakay na ginawa nila sa mga Palestino nitong nakaraang dalawang taon.
Ngayon, ang mga serbisyong makukuha ng mga tao sa Gaza ay higit na mas kaunti kaysa kinakailangan, dahil sa mga pagbangkulong at paghihigpit na ipinapataw ng Israel. Sa ikatlo sa magkakasunod na taglamig, ang Gaza Strip ay binayo ng pagbagsak ng temperatura, malakas na hagupit ng ulan at mabigat na hampas ng hangin. Ang pananalanta ng panahon ay dulot ng pagkawasak at pagbaha sa mga pansamantalang tinutuluyan ng mga tao, habang patuloy ang Israel sa pagharang sa mga pumapasok na supplies gaya ng mga tolda, tarpaulin at pansamantalang masisilungan.
Ngayon, sinisikap ng pamahalaang Israeli na pagbawalan ang kakaunting aid at serbisyong mayroon pa. Ang Doctors Without Borders ay patuloy na nagsisikap na makipag-ugnayan sa mga awtoridad na Israeli upang mapanatili namin ang aming mga mahahalagang aktibidad at masuportahan ang naghihingalong sistemang pangkalusugan ng Gaza. Ang pagpapahintulot ng pagpasok ng humanitarian aid ay hindi isang pabor na kailangang hingin. Ito ay isang obligasyon ayon sa pandaigdigang batas. Ngayon, higit kailanman, nangangailangan ang mga Palestino ng mas maraming mga serbisyo at hindi ng mas kaunti.