Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Limang bagay na dapat mong malaman ukol sa pagkagutom sa Gaza

    An MSF nurse measures the mid-upper arm circumference of one-year-old child, who has suffered from severe acute malnutrition since birth.

    Sinusukat ng isang nars ng Doctors Without Borders ang mid-upper arm circumference ng isang pasyenteng isang taong gulang, na mula sa kanyang pagkasilang ay nakararanas na ng severe acute malnutrition. Palestine, 2025. © MSF

    Ang pagkagutom sa Gaza ay gawa ng tao

    Ang nakikita natin sa Gaza ay resulta ng paggamit ng mga awtoridad na Israeli sa pagkain bilang sandata sa digmaan.

    Mula Marso 2, nang ang mga awtoridad na Israeli ay nagtalaga ng ganap na pagkubkob sa Strip—kung saan pinipigilan ang pagpasok ng lahat ng mga humanitarian truck na may dalang pagkain, gasolina at medical supplies—maliit na bilang lamang ng mga humanitarian aid truck ang nakapasok sa Strip. Lubhang limitado ang mga supply ng pagkain at ang mga posibleng makuha ay napakamahal at hindi abot-kaya ng karamihan sa mga Gazan.

    Ayon sa mga pagtatantiya ng UN, 80% ng populasyon ng Gaza ay nakasalalay sa supplies na galing sa labas bago ang taong 2023, dahil ang Strip ay inilagay sa ilalim ng pagbangkulong mula 2007.

    Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakakakita ng patuloy at makahulugang pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng malnourished na dumarating sa aming klinika mula sa kalagitnaan ng Hunyo

    Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagsasagawa ng screening ng mahigit sa 1,000 na tao kada linggo para sa malnutrisyon sa aming mga pasilidad sa Gaza City at Khan Younis, at kami’y nakakita ng 20% rate ng global acute malnutrition. Ibig sabihin, halos 1 sa bawat 5 na bata na sumailalim sa screening para sa malnutrisyon ay mayroong bahagya o malubhang malnutrisyon. Lumalampas ito sa emergency threshold na 15%, isang indikasyon ng matinding kawalan ng katiyakan sa pagkain at ng isang krisis sa pampublikong kalusugan ng Gaza.

    Noong Hulyo 29, kinumpirma ng pandaigdigang pamantayan para sa pagsubaybay sa taggutom, ang Integrated Food Security Phase Classification (IPC), na dalawang sukatan ng tindi ng taggutom— ang mapaminsalang kawalan ng katiyakan sa pagkain at ang malubhang malnutrisyon ng mga bata— ang naabot na ng malaking bahagi ng Gaza, at ang sitwasyon ay malala na sa Gaza City.

    Dahil sa kawalan ng seguridad sa Gaza, hindi makapagsagawa ang Doctors Without Borders ng screening sa komunidad. Subali’t nagawa namin ito sa aming mga pangunahing sentro para sa pangangalagang pangkalusugan, at ipinapakita ng mga datos na ang katiyakan ng mapagkukunan ng pagkain ay mabilis na nasisira. 

    Noong Agosto 9, umabot na sa 1,599 ang mga taong nakatala bilang mga outpatient para sa pangangalaga sa malnutrisyon sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders sa Gaza City —10% ang itinaas nito mula noong nakaraang linggo.  Limang beses nang umakyat ang bilang na ito mula noong katapusan ng Mayo ng kasalukuyang taon, na naglalarawan ng nakagugulat at nakapanlulumong epekto ng kakulangan ng pagkain sa Gaza. 672 sa mga pasyenteng ito ay mga batang wala pang limang taong gulang. 90% ng mga batang ito’y nasa pagitan ng 6 at 23 na buwan, ang edad na walang kalaban-laban sa malnutrisyon. Ang malnutrisyon sa pagkabata ay maaaring magdulot ng panghabambuhay na pinsala sa katawan at isipan. Ang mga resulta nito’y ang pagbawas sa kapasidad upang matuto, maging produktibo at maging malusog. Walang food aid, gaano man karami, ang makapagpapabago ng kahihinatnan. Ang mga epektong ito’y nadarama ng iba’t ibang henerasyon, at pinahihina ang pagbangon at katatagan ng mga komunidad.

    Pregnant and breastfeeding women who are suffering from malnutrition are waiting for their follow-up in MSF’s Attar health centre

    Ang mga nagdadalang tao at nagpapasusong kababaihan na nagdurusa rin dahil sa malnutrisyon ay naghihintay na papasukin para sa kanilang follow-up na konsultasyon sa Attar Health Centre ng Doctors Without Borders. Palestine, 2025. © MSF 

    Higit sa kalahati ng mga pasyenteng kasama sa aming programa para sa malnutrisyon sa Gaza City ay mga nagdadalang tao at nagpapasusong mga kababaihan. Ang pagiging malnourished habang nagdadalang tao ay maaaring magdala ng panganib ng mga kumplikasyong tulad ng maagang panganganak.

    Nitong nakaraang apat na linggo, tumaas ang bilang ng mga taong ginagamot sa klinika namin sa Gaza City.  Sa bawat isa sa apat na linggong iyon, tumaas ito ng 9%, 17%, 10%, at 10%. Isang suliranin para sa amin ang pagpapahintulot sa mga pasyenteng lumabas nang walang sapat na gamot at pagkain, habang patuloy na dumarami ang mga pasyente.

    Sa aming klinika sa Gaza City, 21% ang itinaas ng bilang ng mga sanggol na edad 6 hanggang 23 na buwan na ginagamot para sa malubhang malnutrisyon noong nakaraang linggo lamang, kumpara sa naunang linggo. 


    Malnutrisyon sa Gaza: Mga Mahahalagang Bilang*

    • Kada linggo, mahigit 1,000 na tao ang sumasailalim sa screening sa aming mga klinika sa Khan Younis at Gaza City, at ang global acute malnutrition rate ay nasa 20%.
    • Halos isa sa kada limang batang sumailalim sa screening sa mga klinikang ito ay may banayad o malubhang malnutrisyon—na lumalampas sa emergency threshold na 15%.
    • Ang bilang ng mga sanggol edad 6 hangang 23 na buwan na ginagamot para sa malubhang malnutrisyon ay umakyat ng 2% nitong nakaraang linggo lamang.
    • 90% ng mga pasyente sa klinika sa Gaza City ay mga sanggol na 6 hanggang 23 na buwan— ang edad na walang kalaban-laban sa malnutrisyon.
    • Ang mga nagdadalang tao at nagpapasusong kababaihan ay mahigit sa kalahati ng mga pasyenteng kasali sa aming programa para sa malnutrisyon sa Gaza City.

    *Ang mga bilang na ito ay hango mula sa mga aktibidad ng Doctors Without Borders sa aming mga klinika sa Gaza City at Khan Younis at hindi sumasalamin sa buong sitwasyon ng krisis ng malnutrisyon sa Strip.


     

    Ang malnutrisyon ay hindi lang kakulangan sa pagkain—ito rin ay isang nakamamatay na kondisyong medikal.

    Kahit na dumating ang maraming food supplies sa Gaza sa mga darating na linggo, magpapatuloy pa rin ang krisis. Ang agarang makukuhang paggamot—kabilang rito ang mga therapeutic food gaya ng Plumpy’Nut—ay magiging mahalaga para sumagip ng mga buhay.

    Ang laki ng aming mga medikal na aktibidad ay lubhang napipigilan ng kakulangan ng mga supply dahil sa paghadlang ng mga awtoridad na Israeli sa aid. Sa North Gaza, lalong tumitindi ang mga hamon dahil sa limitadong presensya ng mga organisasyong humanitarian, hirap ng pagpasok ng mga therapeutic food sa Gaza City, pagkawasak ng mga pasilidad pangkalusugan, at kakulangan ng mga pisikal na istruktura na maaaring gamitin sa pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan.

    Iilan lamang ang mga pasilidad na may kakayahang harapin ang mga malubhang kumplikadong kaso sa buong Gaza. Kapag nagpatuloy ang pagdami ng mga kaso ng malnutrisyon, malamang ay aakyat din ang pangangailangan sa inpatient care. Sa kasalukuyan, may mga 15 na kama sa timog para sa inpatient treatment ng malnutrisyon at 20 naman ang nasa Gaza city.

    Mothers holding their severely malnourished babies wait to see medical staff at MSF’s Attar clinic in Khan Younis

    Karga ng mga ina ang kanilang mga malnourished na sanggol habang naghihintay para sa medical staff ng Attar Clinic ng Doctors Without Borders sa Khan Younis. Palestine, 2025. © MSF

    Ang kakulangan sa pagkain na aming nasasaksihan sa Gaza ay nangangahulugang hindi namin mapakain ang mga pasyente sa mga ospital, at kahit aming mga staff ay ilang araw nang walang kinakain.

    Ang staff ng Doctors Without Borders ay napipilitang magrasyon ng pagkain at kadalasa’y kumakain lang ng isang beses sa isang araw.

    Ang mga community kitchen na nagbibigay ng pagkain para sa mga staff at mga pasyente ay nagsusumikap upang makapagbigay ng pagkain sa ilang mga pasilidad kung saan kami nagtatrabaho. Kahit may pagkain, ito naman ay lubhang limitado at kulang na kulang sa mga sustansyang kailangan ng mga pasyente upang gumaling o bumuti ang kanilang kalagayan.

    Noong simula pa lang ng GHF aid scheme, nasaksihan namin ang madalas na malawakang pagpatay kung saan pinagbababaril ng mga puwersang Israeli ang mga desperado at gutom na tao sa mga distribution site.

    Araw-araw, inilalagay ng mga tao sa panganib ang kanilang mga buhay upang makakuha ng pagkain. Araw-araw din ang maramihang pagpatay sa pagpasok ng mga trak sa Strip. Isa sa aming mga kasamahan ay binaril sa isa sa mga insidenteng iyon. Ang pagkagutom na gawa ng mga awtoridad na Israeli, na sinamahan ng paiba-ibang pagpasok ng aid na pinahintulutan sa Gaza ay nagdulot ng kaguluhan. Noong Hulyo 30, may mga 600 na taong nasugatan at mahigit sa 50 ang napatay dahil sa pamamaril, pagkaipit, at mga pagsaksak.

    Sa dalawang klinika ng Doctors Without Borders sa timog na bahagi ng Gaza, ang Al-Mawasi at Al-Attar primary healthcare clinic, ang mga team ng Doctors Without Borders ay tumanggap ng mahigit sa 1,300 na biktima ng karahasan. Kabilang rito ang 28 na napatay sa pagitan ng Hunyo 7 at Hulyo 24. Ang lahat, maliban sa isa sa mga nasawi, ay nagtamo ng pinsala dahil sa pamamaril.

    A pregnant and malnourished patient at MSF’s health centre in Gaza, Palestine

    "Ang asawa ko ay pumunta roon upang kumuha ng harina mula sa mga aid truck. Hindi na siya nakabalik. Pinatay siya. Walong buwan na akong nagdadalang tao, at wala akong makain o mainom." Palestine, 2025. © MSF

    Ang malnutrisyon ay nakaaapekto sa kakayahan ng mga taong gumaling mula sa mga pinsalang nagdudulot ng trauma

    Ang mga pasyenteng may trauma ay kasalukuyang nakatatanggap ng wala pa sa kalahati ng kinakailangan nilang calories. Ang matinding pagkasunog, halimbawa, ay nangangailangan ng humigit-kumulang 3,000 na calories kada araw upang gumaling nang husto.

    Ang kakulangan ng tamang nutrisyon ay maaaring magresulta sa malubhang kumplikasyong medikal gaya ng impeksyon, pagkaantala ng paggaling, at madalas ay sa pangangailangang putulin ang isang bahagi ng katawan.



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.