Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Ang mga sagot sa kadalasang itinatanong at mga alegasyon tungkol sa trabaho ng Doctors Without Borders sa Gaza

    MSF staff checks on premature babies

    Ilang sanggol ang sama-sama sa iisang incubator sa neonatal intensive care unit (NICU) ng Al-Helou hospital, North Gaza. Palestine, 2025 © Joanne Perry/MSF

    Ano ang tugon ng Doctors Without Borders sa mga akusasyon ng mga awtoridad na Israeli na ang trabahong medikal nito sa Gaza ay hindi makabuluhan at hindi rin kinakailangan?

    Noong 2025 lamang, ang mga team ng Doctors Without Borders ay humawak ng mahigit sa 100,000 na kaso ng trauma; nangasiwa sa pangangalaga ng mahigit sa 400 na kama sa ospital; nagsagawa ng 22,700 na mga operasyon sa halos 10,000 na mga pasyente; nagsakatuparan ng halos 800,000 na mga outpatient consultation; nagbigay ng 45,000 na bakuna; tumulong sa mahigit sa 10,000 na pagpapaanak; nagsagawa ng mahigit sa 40,000 na indibidwal na sesyon para sa kalusugang pangkaisipan at mga group session para sa mahigit 60,000 na tao; namahagi ng mahigit sa 700 milyong litro ng tubig at nakagawa ng halos 100 milyong litro ng malinis na tubig. Karamihan sa mga serbisyong ibinibigay ng Doctors Without Borders ay hindi makukuha sa mga ibang lugar sa Gaza dahil sa pagkawasak ng sistemang pangkalusugan. 

    Pagdating ng Enero 1, 2026, ang rehistrasyon ng Doctors Without Borders ay wala nang bisa, at kinakailangan na naming tigilan ang aming mga aktibidad sa bansa pagdating ng Marso 1, 2026. Kung mawalan ang Doctors Without Borders ng access sa Gaza, daan-daang libong tao ang mawalan ng mapagkukunan ng kritikal na pangangalagang medikal at ng tubig. Ang mga mahalagang ginagawa ng Doctors Without Borders ay nagsisilbi sa halos kalahating milyong tao sa Gaza. 

    Sa Gaza, ang Doctors Without Borders ay kasalukuyang sumusuporta sa anim na pampublikong ospital at nagpapatakbo ng dalawang field hospital. Sinusuportahan din namin ang pitong sentro para sa pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan at nagpapatakbo ng isang inpatient feeding centre para sa mga taong may malnutrisyon. Kamakailan lang, ang Doctors Without Borders ay nagbukas ng anim na bagong medical point kung saan nagbibigay kami ng pangangalaga para sa mga sugat at iba pang serbisyo para sa pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan. 

    Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho na sa Palestine mula pa noong 1988. 

    Totoo bang hindi nakikipagtulungan ang Doctors Without Borders sa Israel?

    Sa loob ng maraming buwan, ang Doctors Without Borders ay hindi nagtagumpay sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad na Israeli upang muling magparehistro para sa aming pagtatrabaho sa Palestine. Nananatili kaming bukas sa pakikipag-usap sa mga awtoridad na Israeli upang mapanatili ang aming mga kritikal na aktibidad medikal sa Gaza at sa West Bank at tiyaking ang Doctors Without Borders ay makapagpapatuloy sa paghahatid ng kinakailangan at makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga taong lubos na nangangailangan, habang pinoprotektahan ang kaligtasan ng aming mga team. Kokonsultahin namin ang aming mga kasamahan na Palestino ukol sa posibleng susunod na hakbang. 

    Sa pamamagitan ng pagbintang sa Doctors Without Borders, at pati sa ibang mga NGO, na kami’y hindi nakikipagtulungan sa kanila, at sa paglikha ng mga kampanya ng paninira laban sa mga aid organisation, ang Israel ay gumagamit ng mga alegasyong walang basehan upang maghigpit nang walang dahilan sa access sa kritikal na pangangalaga ng mga Palestino at limitahan ang pagsasaksi ng mga malalayang organisasyon na nagtatrabaho sa mismong lugar. Ang ganitong klase ng akusasyon ay umaambag sa pagkawala ng pagiging lehitimo ng mga humanitarian worker na naghahatid ng mga mahahalagang pangangalaga at serbisyo sa gitna ng mga lubhang mapanghamong kondisyon. 

    Naobserbahan namin na ang mga ganitong akusasyon ay paulit-ulit na ginagamit ng mga awtoridad na Israeli, kasabay ng maraming mga pisikal at burukratikong hadlang, upang higpitan ang pagpasok at paghatid ng tulong sa Gaza. Ang mga taktikang tulad nito ay ginamit din noong 2024 laban sa UNRWA. Ginamit ang mga alegasyon upang bigyang-katwiran ang mga pagkilos na malinaw na sumasalungat sa mga pahayag ng pamahalaang Israeli na pinadadali nito ang pagbibigay ng humanitarian assistance sa Gaza Strip. 

    Ano ang estado ng rehistrasyon ng Doctors Without Borders upang pahintulutan itong kumilos sa Gaza at sa West Bank?

    Noong Enero 1, 2026, ang rehistrasyon ng Doctors Without Borders upang makapagtrabaho sa Gaza at sa West Bank ay wala nang bisa at hindi na maaaring gamitin. Dahil dito, pinatitigil na ang aming mga aktibidad sa bansa pagdating ng Marso 1, 2026. 

    Naghahanap kami ng mga daan upang tiyaking maipagpapatuloy namin ang aming pagtugong humanitarian sa Gaza at sa West Bank. Nakikipag-ugnayan din kami sa mga awtoridad na Israel upang tiyaking maaari pa naming ipagpatuloy ang aming mga aktibidad. Ang pagpipigil sa mga ito ay isang tuwirang paglabag sa UN Security Council Resolution 2720, na nagtatakda ng hindi hahadlangang paghahatid ng humanitarian aid sa mga sibilyan. 

    Para sa taong 2026, nangako ang Doctors Without Borders na maglalaan ng humigit-kumulang 100 hanggang 120 milyong euro para sa aming pagtugong humanitarian sa Gaza. 

    Ano ang aktuwal na epekto ng pagkawala ng bisa ng rehistrasyon ng Doctors Without Borders?

    Nananatili pa rin ang ganap na pagkilos ng Doctors Without Borders sa Gaza at sa West Bank, at patuloy pa rin ang paghahatid ng kritikal na pangangalagang medikal. Ngunit, dahil sa nawalan na ng bisa ang rehistrasyon ng Doctors Without Borders sa Israel noong Disyembre 31, 2025, hindi na kami awtorisadong mag-angkat ng supplies o magdala ng mga dayuhang staff papasok sa Gaza. Dahil dito, napagkaitan ang aming mga medical team ng lubhang kinakailangang mga materyales at mga teknikal na kasanayan. 

    Naninindigan kami sa aming pangakong magbibigay ng tulong sa mga Palestino sa Gaza at sa West Bank at nananawagan kami sa mga awtoridad na Israeli na baligtarin ang kanilang desisyon ukol sa aming rehistrasyon at magtalaga ng mga katanggap-tanggap na kondisyon sa pagkilos, kasama rito ang paggarantiya ng kaligtasan ng staff at ng aming mga pasyente. 

    Totoo bang pinag-isipan ng Doctors Without Borders ang pagbibigay ng tiyak na talaan ng kanilang staff sa Israel?

    Sa pagsisikap na masubukan ang iba’t ibang posibleng paraan – gaano man ka-limitado –upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng kritikal na pangangalagang medikal, ipinagbigay-alam ng Doctors Without Borders sa mga awtoridad na Israeli noong Enero 23 na bilang isang bukod-tanging hakbang, handa ang Doctors Without Borders na ibahagi ang listahan ng mga Palestino at pandaigdigang staff nito, nang may mga malilinaw na hangganan, at kung saan ang nasa sentro nito ay ang kaligtasan ng aming staff. Ang posisyong ito ay nabigyang-linaw matapos naming konsultahin ang aming mga kasamahang Palestino, at napagkasunduang walang impormasyon ukol sa staff ang ibabahagi nang hindi muna kinukuha ang pahintulot ng mga partikular na indibidwal.  

    Subali’t sa kabila ng aming paulit-ulit na pagsisikap, nabigo kami sa aming pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad na Israeli at di kami nakakuha ng konkretong paninindigan mula sa kanila. Kabilang rito ang pangakong ang kahit anong impormasyon ukol sa aming staff ay gagamitin lamang para sa nakasaad na layuning administratibo at di upang ilagay sila sa anumang panganib; na ang Doctors Without Borders pa rin ang ganap na tagapangasiwa ng lahat ng human resources at medical humanitarian supplies, at na ang lahat ng komunikasyon na mapanira sa Doctors Without Borders at nagbabanta sa kaligtasan ng staff ay titigilan na.   

    Bilang resulta ng kawalan ng mga malinaw na katiyakang ito, nagdesisyon kaming hindi namin ibabahagi ang anumang impormasyon ukol sa aming staff sa kasalukuyan. Nananatili kaming bukas sa pakikipag-usap sa mga awtoridad na Israeli upang mapanatili ang aming mga kritikal na aktibidad medikal sa Gaza at sa West Bank at tiyaking ang Doctors Without Borders ay makapagpapatuloy sa paghahatid ng kinakailangan at makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga taong lubos na nangangailangan. 

    Binigyan ba ng Doctors Without Borders kahit kailan ang Israel ng listahan ng kanilang staff?

    Hindi, kailanma’y hindi kami nagbigay ng listahan ng aming lokal o pandaigdigang staff sa mga awtoridad na Israeli bilang bahagi ng proseso ng pagpaparehistro.  

    Bakit pinag-isipan ng Doctors Without Borders na magbahagi ng tiyak na talaan ng staff nito sa Israel?

    Ang pagpapatalsik sa Doctors Without Borders, kasabay ng dose-dosenang ibang mga organisasyong humanitarian, ay magkakait sa daan-daang libong mga tao ng kinakailangan nilang pangangalagang medikal. Ang Doctors Without Borders ay isa sa iilang mga pandaigdigang organisasyon na may kakayahang masaksihan at tuligsain ang nangyayaring pagpuksa ng lahi, at kung kami’y mapilitang umalis, mawawala sa amin ang ganitong kakayahan.  

    Pinupuwersa ng mga awtoridad na Israeli ang mga organisasyong humanitarian, kabilang rito ang Doctors Without Borders, na mamili sa dalawang imposibleng pagpipilian—ang mapilitang magbahagi ng impormasyon ukol sa aming staff o ang gambalain ang kritikal na pangangalagang medikal sa konteksto ng mga nakagugulantang na pangangailangang humanitarian at sukdulang karahasan na nararanasan ng mga health worker.  

    Dahil nahaharap kami sa banta ng posibleng pagsara ng aming mga proyekto, ninais ng Doctors Without Borders na pag-aralan ang lahat ng posibleng gawin upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng pangangalagang medikal sa Gaza at sa West Bank. Sumulat kami sa mga awtoridad na Israeli at nagpaliwanag na bilang isang bukod-tanging hakbang sa natatanging konteksto, handa kaming magbigay ng tiyak na talaan ng staff na may mga malinaw na limitasyon, at isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga tao sa kaibuturan nito.  

    Hindi namin ibinahagi ang mga personal na detalye ng kahit sino sa aming mga kasamahan. Sa kabila ng aming paulit-ulit na pagsisikap, nabigo kami sa aming pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad na Israeli at di kami nakakuha ng konkretong paninindigan mula sa kanila. Bilang resulta ng kawalan ng mga malinaw na katiyakang ito, nagdesisyon kaming hindi namin ibabahagi ang anumang impormasyon ukol sa aming staff sa kasalukuyan.  

    Paano kinonsulta ng Doctors Without Borders ang mga staff nilang Palestino ukol sa hiling ng Israel na makakuha ng listahan ng staff?

    Kasama sa prosesong ito ang pakikipag-usap sa iba’t ibang mga team. Ang pinakakritikal dito ay ang pakikipag-usap sa aming mga kasamahang Palestino, nang may pagsaalang-alang sa kanilang mga pananaw at mga alalahanin, kabilang rito ang kanilang personal na kaligtasan at ang mga kahihinatnan ng posibleng pag-alis ng Doctors Without Borders sa bansa. 

    Sa buong proseso, binigyang-diin namin na wala kaming impormasyong ibabahagi nang walang pahintulot ng mga nasasangkot na indibidwal, at walang makararanas ng panggigipit kaugnay ng mga desisyong nakaaapekto sa pagpapatuloy ng mga aktibidad ng Doctors Without Borders sa Gaza at sa West Bank. Binigyan-diin din na ang hindi pakikilahok sa proseso ay hindi makakaapekto sa kanilang trabaho sa Doctors Without Borders. 

    Gumamit kami ng iba’t ibang paraan upang makakuha ng mga puna o reaksyon galing sa staff. Kabilang rito ang mga focus-group discussion, one-on-one na pakikipag-usap, mga survey, at mga diskusyong tila pulong-bayan. Sa mga pag-uusap na ito, inilahad ng aming mga kasamahan ang iba’t ibang alalahanin, kabilang rito ang mga banta sa kanilang kaligtasan, at ang kawalang katiyakan tungkol sa mga implikasyon nito sa aming mga prinsipyong humanitarian. May ilang nag-aalala ukol sa posibleng kahihinatnan ng pagbabahagi ng kanilang mga detalye, habang ang iba nama’y nagtatanong kung ito’y mauuwi sa indibidwal na pagpaparehistro o iba pang hihingin.   

    Paanong makapagbibigay ang staff ng pahintulot sa ganitong klaseng kapaligiran?

    Alam namin ang mga limitasyon at ang hirap na pinagdaraanan ng aming mga kasamahang Palestino upang makapagbigay ng wasto at maalam na pahintulot sa isang kapaligirang may pamumuwersang ipinapataw ng mga awtoridad na Israeli. Binigyan ng Israel ang Doctors Without Borders at ang aming mga kasamahang Palestino ng mga imposibleng mapagpipilian: magbigay ng impormasyon tungkol sa aming mga kasamahan o mapilitang i-abandona ang daan-daang libong mga Palestinong nangangailangan ng pangangalagang medikal. At dahil wala rin namang impormasyong ibinibigay ang mga awtoridad na Israeli, imposible rin para sa aming staff na malaman kung ano ang maaaring kahinatnan ng pagbibigay nila ng kanilang mga personal na detalye. 

    Sa kabila ng mga hamon ng pagbibigay ng pahintulot, malinaw na hindi posible o katanggap-tanggap, na gumawa kami ng kahit anong desisyon nang hindi namin ito pag-uusapan ng aming mga kasamahang Palestino. Ang ginawa namin ay isang konsultasyon, at hindi isang paglipat ng institusyonal na responsibilidad. Ang intensyon namin ay hindi upang ipataw sa kanila ang bigat ng desisyong ito, kundi upang marinig ang kanilang mga pananaw sa isang isyu na mahalaga para sa kanilang kaligtasan at kabuhayan. 

    Binabayaran ba ninyo ng danyos ang mga pamilya ng mga Doctors Without Borders staff na pinatay ng mga puwersang Israeli?

    Oo, binibigyan namin ng pinansyal na suporta ang lahat ng pamilya ng mga Doctors Without Borders staff na pinatay ng mga puwersang Israeli. Nakikipag-ugnayan kami sa lahat ng mga pamilya upang makapagbigay ng suporta. Kabilang rito ang legal at pinansyal na tulong at ang pagbibigay ng mga benepisyong pangkalusugan para sa mga naiwan nila. At patuloy naming gagawin ito.    

    Ayon sa mga awtoridad na Israeli, may mga Doctors Without Borders staff na may kaugnayan sa terorismo. Ano ang tugon ng Doctors Without Borders dito?

    Ang mga ganitong alegasyon ay seryosong pinag-aaralan ng Doctors Without Borders. Kailanman, hindi kukuha ang Doctors Without Borders ng mga taong may kaugnayan sa militar na aktibidad. Ang kahit sinong empleyadong may kaugnayan sa isang armadong grupo ay magdadala ng seryosong panganib sa aming mga staff at mga pasyente. Sa dahilang ito, saan man kami kumikilos, ang lahat ng Doctors Without Borders staff ay kinakailangang maninindigan sa Doctors Without Borders Charter. Kabilang rito ang istriktong pagtaguyod sa mga prinsipyong humanitarian, kalayaan, at etikang medikal.   

    Ang aming mga pamamaraan sa paghahanap ng tao ay kinabibilangan ng masusing pagsisiyasat, pagsusuri sa background at mga sanggunian, pagpapatunay ng nilalaman ng CV, at ang pagsasailalim ng empleyado sa mga panahon ng probasyon. Nagpapatupad ang Doctors Without Borders ng istriktong proseso ng screening at vetting para sa lahat ng staff. Kumikilos ang Doctors Without Borders ayon sa mga prinsipyo ng walang kinikilingan, walang kinakampihan, at nang may kalayaan, at nagbibigay ng pangangalagang medikal batay sa pangangailangan lamang, ano pa man ang kanilang politikal na kinaaaniban. Ang aming pagsuporta sa sistemang pangkalusugan sa Gaza ay humanitarian lamang at hindi nakabatay sa ideolohiya. 

    Totoo bang ang Doctors Without Borders ay may ugnayan sa Hamas ng Gaza?

    Ang Doctors Without Borders ay nakipagtulungan sa Ministry of Health ng Gaza, na bahagi ng Hamas Civilian Administration. Ayon sa kasalukuyang kampanya ng paninira laban sa mga aid organisation ng mga awtoridad na Israeli, “ang Doctors Without Borders ay nagbabahagi ng impormasyon sa isang teroristang organisasyon”, gayong sa katotohanan, ang pakikipag-ugnayan sa mga  medikal na awtoridad ay lagi naman naming ginagawa sa kahit anong lugar na aming tinutulungan. Ang mga paninirang ito ay mga pagtatangkang ilihis ang atensyon mula sa krisis na humanitarian na kasalukuyang masasaksihan. Kumikilos ang Doctors Without Borders ayon sa mga prinsipyo ng walang kinikilingan, walang kinakampihan, at ng may kalayaan, at nagbibigay ng pangangalagang medikal batay sa pangangailangan lamang, ano pa man ang kanilang politikal na kinaaaniban. 

    Ano ang tugon ng Doctors Without Borders sa alegasyong ang aid ay hindi nakararating sa mga taong nangangailangan, at sa halip ay kinukuha ng Hamas?

    Ang aming mga pagkilos ay may kasarinlan, lantad, at mahigpit na binabantayan. Sa isang pag-imbestiga ng USAID, walang nakitang katibayan ng malawakang paglihis ng humanitarian aid ng Hamas sa Gaza. Nagpayahag na rin ang mga matataas na opisyal ng hukbong Israel na wala ngang katibayan ng sistematiko at malawakang paglihis ng humanitarian aid ng Hamas sa Gaza. 

    Mula noong nag-umpisa ang digmaang ito, ang bilang ng mga trak na may mga gamot, pagkain, at tubig na tumatawid sa mga hangganan papasok sa Gaza ay hindi sapat, kung ikukumpara sa laki ng pagkawasak at tindi ng pangangailangan. Nitong nakaraang dalawang taon, aming ipinagbigay-alam at dinokumento ang mga paraan kung paano hinigpitan ng mga awtoridad na Israeli ang pagdaloy ng humanitarian aid papasok sa Gaza. Ang mga mahahabang pamamaraang burukratiko at mga listahan ng mga “dual-use item” ay kanilang ipinatupad. Ang pagbabawal sa mga “dual-use item” ay ang ginawa nilang dahilan upang hindi pahintulutan ang pagpasok ng ilang mga kagamitan gaya ng mga scalpel at mga oxygen generator.  

    Bakit kinokondena ng Doctors Without Borders ang Israel ngunit hindi ang Hamas?

    Nasindak kami sa malawakang pagpatay ng 1,200 na tao sa Israel ng Hamas, at kinokondena namin nang walang pag-aalinlangan ang mga pagsalakay na iyon. Lubos na nababahala kami sa siklo ng karahasan at sa mga trahedyang nararanasan ng magkabilang panig. Kumikilos kami ayon sa mga nakikita ng aming mga medical team sa mismong mga lugar na pinangyarihan ng mga labanan at sa mga medikal na pasilidad na aming sinusuportahan. Nagbibigay kami ng mga pahayag ukol sa kasalukuyang nangyayaring pagpuksa ng lahi sa Gaza. Ipinagbibigay-alam namin kapag may nasasaksihan kaming hindi katanggap-tanggap na pagdurusa, mga pagsalakay sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, pagkait sa paggamit ng mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, at kapag hindi napoprotektahan ng mga nagdidigmaang partido ang mga sibilyan. 

    May mga ginamot na bang mga hostage ang mga team ng Doctors Without Borders o nananawagan ba ang Doctors Without Borders para sila’y palayain?

    Sa lahat ng aming mga aktibidad sa Gaza mula noong Oktubre 7, 2023, wala kaming naging pasyenteng ipinakilala bilang isa sa mga hostage. Ang aming trabaho bilang mga medic ay magbigay ng pangangalagang pangkalusugan sa kahit sinong nangangailangan nito – ang kahit sinong pasyente ay isang pasyente. Isa sa mga pangunahing prinsipyo ng etikang medikal ang magbigay ng medikal na pangangalaga para sa ikabubuti ng sinumang pasyente. Nakikiramay kami sa hirap na dinanas ng mga binihag noong Oktubre 7, 2023, gayundin sa matinding pighati na nararamdaman ng kanilang mga mahal sa buhay. Hindi lamang mula noong Oktubre 2023, kundi sa lahat ng konteksto at anumang sitwasyon ng hidwaan, nananawagan ang Doctors Without Borders para sa proteksyon ng mga sibilyan.  

    Paano tumutugon ang Doctors Without Borders sa mga akusasyon na ito’y kulang sa neutralidad?

    Nagkakaisa sa ilalim ng isang charter, pinagsasama ng mga Doctors Without Borders team ang mga propesyonal sa kalusugan, mga logistician, at mga administrative staff mula sa dose-dosenang nasyonalidad, kapwa mga pandaigdig at lokal na mga kasamahan. Matapos tasahin ang mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad, nagbibigay kami ng tulong ayon sa etikang medikal at sa mga prinsipyo ng pagkilos na humanitarian. 

    Ang kawalan ng kinikilingan ay pundasyon ng misyon ng Doctors Without Borders. Naghahatid kami ng aid nang walang diskriminasyon, binibigyan namin ng prayoridad ang mga nasa kagyat na panganib. Kumikilos ang Doctors Without Borders nang may diwa ng neutralidad at wala kaming pinapanigan sa mga armadong hidwaan. Subali’t, maaari naming hayagang tuligsain at batikusin ang mga hadlang sa aming mga pagkilos na humanitarian at mga paglabag sa pandaigdigang batas. 

    Sa mga sitwasyon ng hidwaan, nasasaksihan ng Doctors Without Borders ang pinagdadaanan ng mga biktima, partikular na ng mga sibilyan. Sa ganitong mga pagkakataon, kami ay hayagan kung magsalita. 

    Iniuulat ng aming mga team ang mga pangyayayaring sila mismo ang nakakita o nakaranas, sa Gaza at sa West Bank. Maraming mga tagapagmasid, mga legal na eksperto, mga organisasyon na nagtataguyod ng mga karapatang pantao, at ilang mga ulat ng United Nations ang naglalarawan din ng ganap na pagkawasak ng Gaza Strip. Kabilang rito ang pagbuwag ng Israel ng sistemang pangkalusugan, ang pagkubkob sa teritoryo, ang pagwawalang-bahala sa mga sibilyan at sa mga imprastrukturang sibilyan, at pagkagutom na gawa ng tao. Ang lahat ng ito ay bahagi ng isang kampanya para sa pagpuksa ng lahi.  

    Categories