Doctors Without Borders, muling naninindigan sa desisyong hamunin ang pagbabawal ng Israel sa mga pagkilos ng 37 na NGO sa Palestine
© Laurence Hoenig/MSF
Matapos ang unang paglilitis sa Mataas na Hukuman ng Israel noong Marso 23, muling pinanindigan ng Médecins Sans Frontières (MSF) at ng 18 na iba pang nangungunang organisasyong humanitarian ang aming desisyon na ituloy ang petisyon na aming ipinasa noong Pebrero 2026 sa Mataas na Hukuman, na humahamon sa pagbabawal ng Israel sa pagkilos ng 37 na mga organisasyong humanitarian sa Occupied Palestinian Territory (OPT).
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagpasa kami ng petisyon sa Mataas na Hukuman kasama ang koalisyon ng mga organisasyong humanitarian, matapos lumabas ang kautusan ng mga awtoridad na Israeli na nagpapatigil sa aming mga aktibidad sa Palestine pagdating ng katapusan ng Pebrero sa ilalim ng mga binagong patakaran sa pagpaparehistro na itinakda ng Israel, na nagbabantang putulin ang pagbibigay ng humanitarian aid sa mga Palestino.
Paulit-ulit na kaming nagpahayag ng pagkabahala ukol sa mga hinihingi ng Israel na mga personal na impormasyon bilang bahagi ng bagong proseso ng pagpaparehistro. Sa Palestine, ang mga medical at humanitarian worker ay sinisindak, kinukulong nang walang dahilan, sinasalakay at pinapatay ng mga Israeli. Dahil sa kawalan ng mga kinakailangang pagtitiyak sa kaligtasan ng aming mga staff, hindi ibabahagi ng Doctors Without Borders ang listahan ng aming mga Palestinong staff sa mga awtoridad na Israeli. Mula noong Oktubre 2023, pagkatapos ng massacre na isinagawa ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, mahigit sa 1,700 na health worker na ang pinatay ng mga Israeli sa kanilang mga pagsalakay sa Gaza, pati na rin 15 sa aming mga kasamahan. Ang mga hinihingi para sa bagong proseso ng pagpaparehistro na itinatakda ng mga awtoridad na Israeli ay nakabalatkayong paraan upang hadlangan ang tulong na humanitarian at paglabag sa mga prinsipyong humanitarian. Nilalabag din ng mga ito ang aming mga tungkulin sa pangangalaga ng aming mga staff, pati na rin ang mga pandaigdigang pamantayan para sa data protection.
Iniipit ng Israel ang mga organisasyong humanitarian sa isang imposibleng posisyon, na dinisenyo upang hadlangan ang pagpasok ng tulong na humanitarian sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga organisasyong may prinsipyo, may kasarinlan at may karanasan, at ng sa gayo’y maputol ang pagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalaga na magdudulot ng nakalulunos na kahihinatnan para sa mga tao sa Palestine.
Ang kailangan ngayon ay isang matinding pagpapalaki nang walang hadlang na pagtulong na humanitarian. Bilang umookupang kapangyarihan, ang mga awtoridad na Israeli ay obligadong tiyaking maisasakatuparan ito. Mula noong Enero 1, ganap na hinarangan ng Israel ang pagpasok ng Doctors Without Borders ng kahit anong supplies o staff sa Gaza. Noong Pebrero 26, kinailangang umalis ang lahat ng pandaigdigang staff mula sa Gaza at sa West Bank. Ang mga programang medikal ng Doctors Without Borders ay nahaharap na sa mga kakulangan sa Gaza. Sa West Bank, kinailangan naming magbawas ng mga aktibidad dahil sa mga paghadlang na administratibo at mga balakid sa seguridad, habang ang mga Palestino ay nahaharap sa lumalalang karahasan at mga paghihigpit sa pagkilos. Sa pangmatagalan, maaaring maging imposibleng mapanatili ang aming mga aktibidad sa ilalim ng mga ganito kahigpit na kondisyon.
Habang naninimbang pa ang Mataas na Hukuman, nananawagan ang MSF sa mga pamahalaan ng pandaigdigang komunidad na gamitin ang lahat ng diplomatiko, pulitikal, at legal na panlaban upang igiit na suspindihin ng pamahalaan ng Israel ang mga paghihigpit sa makasagip-buhay na tulong at nang sa gayon ay mapigilan ang patuloy na pagdurusa ng mga tao sa Gaza at sa West Bank. Kami ay naninindigan na mananatili kami sa OPT at magbibigay ng tulong hangga’t kaya namin, tulad ng aming ginagawa nitong nakaraang apat na dekada.