Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Gaza: Ang nilikha ng Israel na krisis ng malnutrisyon ay nagdulot ng mga mapangwasak na epekto sa mga nagdadalang tao at sa mga bagong panganak na sanggol

    MSF staff checks on newborn

     Sinusuri ni Mohammed Shehada ng Doctors Without Borders, Nursing Activities Manager ng Al-Helou Hospital sa Gaza City, ang isang bagong panganak na sanggol na mababa ang timbang habang ito’y nakahiga sa incubatorOccupied Palestinian Territory, 2026 © Nour Alsaqqa/MSF 

    Sa apat na pasilidad pangkalusugan na pinatatakbo at sinusuportahan ng Doctors Without Borders mula noong huling bahagi ng 2024 hanggang sa unang bahagi ng 2026, nakapagtala ang mga team ng Doctors Without Borders ng mas mataas na antas ng prematurity at pagkamatay ng mga sanggol. Ang mga ito’y ipinanganak ng mga inang naapektuhan ng  malnutrisyon habang sila’y nagdadalang tao, ng malaking bilang ng mga nakukunan, at ng naobserbahang matalas na pag-akyat ng  paggamot na karaniwan sa mga batang malnourished.  

    Iniuugnay ng Doctors Without Borders ang mga resultang ito sa pagbangkulong ng Israel sa mahahalagang mga produkto  at sa mga pagsalakay sa mga imprastrukturang sibilyan, kabilang rito ang mga medikal na pasilidad. Ang kawalan ng seguridad, ang pagkawala ng tirahan ng mga tao, ang mga paghihigpit sa aid, at ang limitadong mapagkukunan ng pagkain at  pangangalagang medikal ay naghatid ng mapangwasak na kahihinatnan sa kalusugan ng mga ina at mga bagong panganak na sanggol. Nagbabala ang Doctors Without Borders na ang sitwasyon ay nananatiling lubhang marupok sa kabila ng tinatawag na ceasefire at inuudyukan ang mga awtoridad na Israeli na agad na pahintulutan ang walang balakid na pagpasok ng mga kinakailangang tulong at supplies

    Ang mga taktikal na paghihigpit sa pagpasok ng pagkain, ang militarisasyon ng mga aid corridor at ng mga lugar kung saan ipinamamahagi ang mga ito, at ang mga nakapuntiryang pagsalakay sa mahahalagang imprastruktura ng Gaza ay naglikha ng kapiligiran kung saan ang pagkagutom ay sadyang ginagamit bilang paraan upang makontrol ang populasyon.
    José Mas, MSF Head of Emergencies

    Ang mapangwasak na epekto ng malnutrisyon habang nagdadalang tao    

    “Ang krisis ng malnutrisyon ay sadyang nilikha,” sabi ni Mercè Rocaspana, ang referent for emergencies ng Doctors Without Borders. "Bago ang digmaan, halos walang malnutrisyon sa Gaza. Sa loob ng dalawa at kalahating taon ang pagdagdag sa kawalan ng seguridad ng sistematikong pagbangkulong sa humanitarian aid at mga produktong komersyal ay lubhang nakahadlang sa  pagkuha ng pagkain at ng malinis na tubig. Ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan ay napilitang magsara at ang mga kondisyon sa pamumuhay ay lubhang nasira. Bilang resulta, ang mga mahihinang grupo ng tao ay nailagay sa matinding panganib ng malnutrisyon.” 

    Sinuri ng Doctors Without Borders ang datos na nakolekta mula sa 201 na mga ina ng mga bagong panganak na sanggol na nakatatanggap ng paggamot sa mga neonatal intensive care unit (NICU) sa mga ospital sa Al Nasser at Al Helou, sa Khan Younis at Gaza City, mula Hunyo 2025 hanggang Enero 2026. Mahigit kalahati ng mga kababaihan ang nakaranas ng malnutrisyon* sa isang punto ng kanilang pagdadalang tao, at 25% ang malnourished pa rin habang nanganganak.

    90% ng mga sanggol na isinilang ng mga inang apektado ng malnutrisyon ay kulang sa buwan at 84% sa kanila ay kulang sa timbang — higit na marami kaysa sa mga sanggol na iniluwal ng mga inang hindi malnourished  nang sila’y nanganak. Ang neonatal mortality ay dalawang beses ang dami sa mga sanggol na isinilang ng mga inang naapektuhan ng malnutrisyon kumpara sa mga anak ng mga inang hindi malnourished.

    Ang pagkawala ng tirahan at kawalan ng seguridad ay nakapipigil sa paggamot    

    Mula Oktubre 2024 hanggang Disyembre 2025, ang mga team ng Doctors Without Borders ay tumanggap ng 513 na sanggol na wala pang anim na buwan ang edad sa mga outpatient therapeutic feeding program sa  mga pasilidad para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa Al Mawasi at Al Attar sa Khan Younis. Sa mga tinanggap, 91% ang nanganganib sa mahinang paglaki at pag-unlad. Pagdating ng Disyembre, 200 na sanggol ang hindi na kabilang sa programa — 48% lang sa kanila ang gumaling, 7% ang namatay, 7% ang isinangguni sa programa para sa mga mas matatandang bata, at nakagigitla na 32% ang hindi nagpatuloy, kaugnay ng pagkawala ng seguridad at pagkawala ng kanilang tirahan.

    “Ang pagbaba ng mga tinatanggap na pasyente noong huling bahagi ng Hulyo at noong unang bahagi ng Agosto 2025 ay sumabay sa panahon ng matinding kawalan ng seguridad at mga pagkaantala sa pamamahagi ng pagkain,” sabi ni Marina Pomares, ang medical coordinator ng MSF para sa Palestine. “Karamihan sa mga ina ay humingi ng suporta para sa nutrisyon ng kanilang mga anak kahit hindi pa sila natutukoy bilang  malnourished. Ito'y sumasalamin sa laganap na kawalan ng seguridad sa pagkain dahil sa ipinataw na pagbangkulong ng Israel, na nakapigil sa pagpasok ng pagkain sa Gaza ng ilang buwan. Gumamit ang mga pamilya ng mga paraan upang makayanan ang sitwasyon. Kadalasa'y inuuna nila ang mga kalalakihan at mga bata sa mga ina sa pamamahagi ng mga limitadong pagkain.”  

    MSF staff check on patients

    Tinitingnan ng staff ng Doctors Without Borders ang mga librong medikal sa neonatal intensive care unit ng Al-Helou Hospital sa Gaza City, Occupied Palestinian Territory. 2026 © Nour Alsaqqa/MSF 

    Ang nilikhang krisis ng malnutrisyon 

    Bago ang digmaan, walang mga nakalaang therapeutic feeding unit. Natukoy ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga unang kaso ng mga batang may malnutrisyon noong Enero 2024. Mula noon hanggang Marso 2026, tumanggap ang Doctors Without Borders ng 4,950 na mga batang wala pang 15 na taong gulang — 98% sa kanila’y wala pang limang taon — para sa acute malnutrition sa mga ambulatory at inpatient program. Sa parehong panahon, 3,482 na nagdadalang tao at nagpapasusong kababaihan ang kabilang sa mga ambulatory program.

    “Namatay ang bunso kong anak na lalaki noong siya’y limang buwan pa lamang sanhi ng malubhang malnutrisyon,” sabi ni Mona, isang 23 na taong gulang na babaeng ginamot ng Doctors Without Borders.  “Ako rin ay nagdusa dahil sa malnutrisyon noong ako’y nagdadalang tao, at ako’y nakaranas ng diarrhoea at panghihina. Nakatira ako sa isang bahay na napinsala. Dati, ang asawa ko’y mangingisda gamit ang isang maliit na bangka, ngunit ito’y nawasak dahil sa pagpapasabog ng mga Israeli. Wala kaming regular na pinagkakitaan.”  

    Ang ceasefire noong Enero 2025 ay natapos noong kalagitnaan ng Marso 2025. Pagdating ng huling bahagi ng Mayo 2025, kumaunti ang mga food distribution point - ang dating 400 ay naging apat na lang sa ilalim ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF). Dagdag pa rito, ang pagbangkulong sa mga commercial food truck ay lubhang nakabawas sa mapagkukunan ng pagkain.  “Ang mga [food distributionpoint ay ginawang militarisado at nakamamatay. Ang mga ito ay halos hindi gumagana, o nagbubukas sa takdang oras, kung kaya’t lalong nababawasan ang mga mapagkukunan ng mga kinakailangang pagkain,” sabi ni José Mas, ang namumuno sa emergency unit ng Doctors Without Borders. 

    Sa mga sumunod na buwan, ang mga pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nakaranas ng lubhang pagdami ng mga pasyenteng nangangailangan ng pangangalaga dahil sa mga insidente ng karahasan sa mga food distribution point at sa malnutrisyong kaugnay ng pagkakait ng pagkain. Maraming mga kababaihan din ang nag-ulat ng pagdanas ng matinding stress at pagkabalisa kaugnay ng mga panganib na kinakaharap sa mga lalaking miyembro ng pamilya na sumusubok makakuha ng pagkain sa mga GHF site at ng mabagsik na mga pagbobomba mula sa himpapawid na nagiging sanhi ng pagkawala ng kanilang mga tirahan. Naobserbahan ng mga team ng Doctors Without Borders ang pagtaas ng bilang ng mga nakunan noong panahong ito, at natukoy na stress ang isa sa mga dahilan nito.

    Walang kapantay na antas ng malnutrisyon, idineklara    

    Mula Oktubre 16 hanggang Nobyembre 30, 2025, mga tatlong-kapat ng populasyon sa Gaza ang tinatayang humaharap sa matataas na antas ng  acute food insecurity, ayon sa Integrated Food Security Phase Classification (IPC),  na nagdeklara ng taggutom noong Agosto — ang kauna-unahan na nangyari  sa rehiyon ng Middle East. 

    “Ang mga taktikal na paghihigpit sa pagpasok ng pagkain, ang militarisasyon ng mga aid corridor at ng mga lugar kung saan ipinamamahagi ang mga ito at ang mga nakapuntiryang pagsalakay sa mahahalagang imprastruktura sa Gaza ay naglikha ng kapaligiran kung saan ang pagkagutom ay sadyang ginagamit bilang paraan upang makontrol ang populasyon,” sabi ni  José Mas, ang head of emergencies ng Doctors Without Borders.

    “Habang ang kasalukuyang ceasefire ay nakapagdulot ng kaunting katatagan sa sitwasyon, ito pa rin ay lubhang marupok. Ang aming mga team ay patuloy na tumatanggap ng mga bagong pasyente para sa malnutrisyon habang ang mga tao sa Gaza ay napipilitang tiisin ang mga sinasadyang kalunos-lunos na kondisyon ng pamumuhay, at ang kakulangan ng mapagkukunan ng tulong, kabuhayan, at mga pangunahing mapagkukunang-yaman. Nananawagan ang MSF sa mga awtoridad na Israeli, bilang mga mananakop, – at ang mga estadong kaalyado nito, kabilang ang US – na gawing mas madali ang sapat at pananatiliing  pagpasok ng mahalagang pagtulong sa mga taong nakatira sa Gaza upang manumbalik ang mga  kagalang-galang na antas ng kalusugan, nutrisyon, at dignidad.” 

    Mga patotoo ng mga pasyente ng Doctors Without Borders

    MSF patient

    Samar Abu Mustafa, 32 na taong gulang na babae

    Sa mga unang buwan ng aking pagdadalang tao, napag-alamang ako ay may malnutrisyon. Nagsimula akong magpagamot sa isang  klinika ng MSF. Tatlong buwan na ang sanggol ngayon, at hindi ko  alam kung paano ko siya mabibilhan ng  mga lampin at gatas, at kung paano ko mapapakain ang iba kong mga anak na babae. Wala kaming kinikita at nakukuhang suporta. Malabo na ang paningin ko, at nagtamo ako ng pinsala noong unang araw na pinaalis kami sa aming tirahan. Tinamaan ako ng shrapnel sa baga. Nasagasaan ang asawa ko nang hindi sinasadya at siya’y nasugatan.

    Wala kaming nakukuha bukod sa mga food parcel mula sa World Food Program at sa mga community kitchen. Kada anim na buwan, maaaring makakuha kami ng isang food parcel. Hindi ito sapat. Matagal na kaming hindi nakakain ng kahit anong masustansya. Kaya't ang sanggol ay hindi nakakukuha ng sapat na gatas mula sa akin, kaya’t napipilitan akong bigyan siya ng formula, ngunit wala rin akong sapat na pera para doon. Isang lata ng gatas na lang ang natitira sa akin.  

    Occupied Palestinian Territory, 2026 © Nour Alsaqqa/MSF 

    MSF patient

    Mahmoud Hamza Badr Shabana, 29 na taong gulang na lalaki

    Pansamantala kaming namamalagi sa isang tolda — ako, ang asawa ko, at ang anak namin. Natuklasan naming mayroong malnutrisyon ang aming anak noong siya ay dalawang buwan pa lamang. Kapos kami sa mga frozen na pagkain at sa mainit na lutong-bahay. Mula noong umalis kami ng Rafah, Isang karton pa lang ng pagkain at isang sako ng harina ang natanggap ko. Hindi ko kayang bumili ng pagkain dahil mahal ito.

    Sa kabila ng ceasefire, mahirap pa rin ang buhay. Pinakamalala noong taggutom, wala kaming mahanap na makakain. Nagdadalang tao pa ang asawa ko noon. Araw-araw kaming kumakain ng munggo. Walang tinapay, walang harina, walang kahit ano. Nakaraos din kami, salamat sa Diyos. Hanggang ngayon, ginagamot pa rin ang asawa’t anak ko para sa malnutrisyon.

    Occupied Palestinian Territory, 2026 © Nour Alsaqqa/MSF 

    MSF patient

    Sahar Nafez Salem, 24 na taong gulang na babae

    Isang taon na kaming walang tirahan. Nagdusa kami dahil sa digmaan. Nakakapagod para sa isang nagdadalang taong babae. Umaasa lang kami sa charity kitchen. Doon kami kumukuha ng pananghalian at nagtatabi kami ng kaunti para sa hapunan. Noong ginawan ako ng pregnancy test, napag-alaman din nilang mayroon akong malnutrisyon. Ang mga kondisyon ng pamumuhay sa mga tolda  ay napakahirap — maraming mga garapata at insektong naglilipana, at may buhangin sa lahat ng lugar.

    Bihira kaming mamili sa supermarket. Kadalasan , ang mga kinakain namin ay mga de-lata, bigas, munggo, at garbansos kapag mayroon. Buong linggo kaming nagsisikap na makakuha ng pananghalian para sa aming mga kawawang anak. Tuwing Biyernes, sinisikap naming bigyan sila ng kaligayahan, pero halos buong linggo, ang lahat ng aming kinakain ay galing sa mga charity kitchen. Ang huling beses na nakatanggap ako ng aid ay noong Ramadan. Noong paubos na ang tinapay, harina, at bigas ...  at kakaunti lang ang mga iyon, inilaan namin ang mga ito para sa mga bata, at isang beses na lang sa isang araw kumakain ang mga nakatatanda.

    Occupied Palestinian Territory, 2026 © Nour Alsaqqa/MSF 

    *Tala: Ang malnutrisyon sa mga nagdadalang tao at mga nagpapasusong kababaihan at sa mga sanggol na wala pang anim na buwan ay tinatawag na undernutrition, sa halip na moderate o severe acute malnutrition. Ang mga pasyente ay may ‘poor nutritional status’ o ‘nutritionally at risk’. 


    Will you support our emergency response work?

    Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.