Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Mga sanggol na ipinanganak nang maaga, lumalaban upang mabuhay sa hilagang Gaza

    MSF staf with infant patients

    Ilang mga sanggol ang sabay-sabay na gumagamit ng isang incubator sa neonatal intensive care unit ng Al Helou Hospital sa hilagang Gaza dahil sa kakulangan ng mga incubator. Palestine, 2025 © Joanne Perry/MSF

    “Nagsimula ang lahat nang may dalawang sanggol na gumamit ng iisang incubator – ito’y hindi katanggap-tanggap at nakakagitlang makita. Ngunit ang dalawa ay naging tatlo, at nitong nakaraang linggo ay may limang sanggol na gumagamit ng iisang incubator. Dahil sa mga pagsalakay sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, 36 na lang ang mga incubator sa hilagang Gaza, kumpara sa 126 bago mag-Oktubre 2023.

    Ang paggamit ng iisang incubator ng ilang mga sanggol ay nakapagpapataas ng posibilidad ng impeksyon. Ang mga immune system ng mga bagong panganak, lalo na ng mga ipinanganak nang di pa sa takdang panahon, ay hindi pa buo. Upang suportahan ang neurodevelopment ng mga sanggol na ipinanganak nang maaga, gumagamit kami ng nakarolyong mga kumot o iba pang malalambot na materyales upang lumikha ng hangganan sa paligid ng sanggol na katulad ng mapagsuportang kapaligiran ng sinapupunan. Ang tawag dito ay nesting technique. Nakatutulong ito sa pagpapatibay ng kaayusan ng buong katawan ng sanggol, binabawasan ang sobrang paggalaw ng mga biyas, at pinauunlad ang kanyang katatagang sikolohikal at katatagan ng pag-uugali.

    Doctor folding blanket

    Gumagawa ang mga doktor sa Al Helou Hospital ng mga pugad para sa mga sanggol na ipinanganak nang maaga upang suportahan ang kanilang neurodevelopment. Sa nesting technique ay gumagamit kami ng nakarolyong mga kumot o iba pang malalambot na materyales upang lumikha ng hangganan sa paligid ng sanggol na katulad ng mapagsuportang kapaligiran ng sinapupunan. Nakatutulong ito sa pagpapatibay ng kaayusan ng buong katawan ng sanggol, binabawasan ang sobrang paggalaw ng mga biyas, at pinauunlad ang kanyang katatagang sikolohikal at katatagan ng pag-uugali. Palestine, 2025 © Joanne Perry/MSF

    Isang dahilan kung bakit dumadami ang mga sanggol na ipinanganganak nang maaga ay dahil sa pagkasira ng kalusugan ng mga ina. Sa pangatlo kong pagpunta sa Gaza nitong nakalipas na taon, nag-iba ang kondisyon ng mga nagdadalang tao—mababa ang kanilang mga timbang, at sila’y may malubhang anaemia. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng mga kumplikasyon sa pagdadalang tao, tulad ng maagang panganganak. Dagdag pa rito ang kahindik-hindik na kondisyon ng kanilang pamumuhay sa mga siksikang shelter o mga tolda, kung saan halos walang makukuhang malinis na tubig na panghugas. Marami sa kanila ang walang mapagkukunan ng pangangalaga bago manganak dahil sa limitadong gumaganang mga pasilidad at ang paulit-ulit na pagkawala ng kanilang mga tirahan. Ang mga panganib sa kanilang pagdadalang tao ay hindi natutuklasan hanggang magkaroon na ng mga kumplikasyon—at minsa’y huli na ang lahat.

    May mga nakikita kaming mga sanggol–premature at hindi–na ipinapanganak nang may mga isyung pangkalusugan na maaari namang pigilan gamit ang mga pinakapangunahing paraan ng pagsubaybay, gaya ng pagkilala ng mga sintomas ng pneumonia o pagtukoy sa mga cardiac abnormality, na maaari pang magamot. Ngunit sa NICU, wala kaming mga kagamitan –walang mga ultrasound, walang mga x-ray, at kadalasa’y wala ring mga gamit para sa mga kinakailangan naming blood test.

    MSF nurse attending to patients

    Ang paggamit ng iisang incubator ng ilang mga sanggol ay nakapagpapataas ng posibilidad ng impeksyon. Ang mga immune system ng mga bagong panganak, lalo na ng mga ipinanganak nang hindi pa sa takdang panahon, ay hindi pa buo. Palestine, 2025 © Joanne Perry/MSF

    Araw-araw, ang medical team sa Al-Helou ay humaharap sa walang katapusang mga hamon. Nangunguna sa mga hamong iyan ang kakulangan sa gasolina, sapagka’t ang lahat ng mga ospital ng Gaza ay tumatakbo gamit ang mga diesel generator. Ang kakulangan ng gasolina ay nagdudulot ng pagputol ng daloy ng kuryente, na nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga bagong panganak na sanggol na nakasalalay sa oxygen supply upang makahinga. Sa kasamaang-palad, noong Lunes ng gabi (14 Hulyo 2025), isang sanggol na mabubuhay pa sana ay nasawi dahil sa pagkawala ng kuryente na naging sanhi ng pagkaputol ng kanyang supply ng oxygen.

    Ang kakulangan ng supplies ay isa pang malaking isyu. Dahil sa matinding kakulangan, kailangan naming maghintay nang mahabang oras para palitan ang mga lampin, na maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng mga sanggol ng rashes. Lagi rin kaming nauubusan ng baby formula. Bagama’t itinataguyod namin ang pagpapasuso, at ipinagmamalaki namin ang aming pagiging isang breastfeeding-friendly na ospital, karamihan sa mga ina ay di maaaring magtagal sa ospital upang magpasuso kada ilang oras. Madalas ay kailangan nilang umuwi na upang asikasuhin ang ibang mga miyembro ng kanilang mga pamilya. Wala silang pera para sa pamasahe pabalik sa ospital, at aabutin naman sila ng ilang oras kung sila’y maglalakad lamang.

    Nakadudurog ng puso ang sitwasyon dito. Ang pagkakaroon ng anak ay dapat isang pangyayaring puno ng saya at pag-asa, ngunit ngayon, para sa maraming mga pamilya sa Gaza, ito’y nababalot ng pagkabalisa at takot. Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng mga balakid na ito, ginagamit ng aming team ang mga pakaunti nang pakaunting mapagkukunang-yaman upang makapagbigay ng pinakamahusay na pangangalagang posible para sa mga bagong panganak na sanggol."



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.