West Bank: Sa pagdami ng insidente ng karahasan,ang Palestino sa Hebron ay nabubuhay nang laging may takot
Mahigpit ang kapit ng isang babaeng Palestino sa kanyang anak na babae. Dalawampu’t limang taon na siyang nakatira sa siyudad ng Hebron, isa sa pinakahinihigpitang lugar sa West Bank, Occupied Palestinian Territories. West Bank, Palestinian Territories, Disyembre 2023. © Laora Vigourt/MSF
“Ilang taon nang masama ang sitwasyon dito. Ginagalugad ng mga sundalong Israeli ang aming mga bahay, araw man o gabi. Naninira rin sila ng mga kagamitan at nag-aaresto ng mga tao nang walang babala,” sabi ni Alma*, isang babaeng Palestino mula sa Hebron, ang pinakamalaking Palestinong siyudad sa West Bank sa Occupied Palestinian Territories, habang nilalarawan ang sitwasyon simula noong pumutok ang digmaan sa pagitan ng Israel at Gaza noong Oktubre 7.
Ang apartment ni Alma sa Hebron ay winasak ng mga sundalong Israeli ilang araw pa lang ang nakalilipas. “Mula Oktubre 7, mas lumala pa ang sitwasyon. Wala silang awa. Ang mga miyembro ng aming komunidad ay lubhang naapektuhan at nabubuhay nang takot,” sabi niya.
Ang bugso ng karahasan at pang-uusig ng mga sundalong Israeli at mga dayo
Ang Hebron ay nagsisilbing malagim na larawan ng pagdurusa ng mga Palestino sa digmaang ito: ramdam dito ang laganap na klima ng paninindak at pamimilit. Ang araw-araw na realidad ng buhay ng mga tao ay panay paghihigpit sa pagkilos, sapilitang pagpapaalis sa kanilang mga tirahan, paggiba ng kanilang mga bahay, search-and-arrest operations, pagkaantala ng pagpasok ng mga bata sa paaralan at ang patuloy na presensiya ng mga militar na Israeli at ng mga dayo.
Ang paglala kamakailan ng digmaan sa pagitan ng Israel at Gaza ay nagresulta sa mas maraming insidente ng karahasan at mga paghihigpit na itinatakda sa mga Palestinong nakatira sa West Bank. Noong Enero 2, ang United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA) ay nagtala ng hindi bababa sa 198 na kabahayang Palestinong kinabibilangan ng 1,208 na tao, kasama rito ang 586 na bata, ang nawalan ng tirahan sa gitna ng karahasan mula sa mga dayo, at sa mga paghihigpit sa access sa mga pangunahing serbisyo sa West Bank mula noong Oktubre 7. Kinakatawan nila ang 78% ng mga displacement na bunga sa karahasan ng mga dayo at mga paghihigpit sa access mula noong simula ng 2023.
Pagkatapos ng Oktubre 7, napansin agad namin kung paano lumala ang sitwasyon. Nagkaroon ng matinding paghihigpit sa access ng mga tao sa pangunahing serbisyo, tulad ng mga tindahan at pangangalagang pangkalusugan. Naantala rin ang pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan. Dahil sa mga mahigpit na pagbabawal at sa panganib ng karahasan laban sa aming mga pasyente at medical staff, napansin namin ang 78% na pagbawas ng mga konsultasyong medikal na isinasagawa ng aming team noong Oktubre 2023, kumpara sa nakalipas na buwan.Simona Onidi, Project Coordinator
Isang nakasarang silid-aralan sa siyudad ng Hebron sa West Bank. Dahil sa paglala ng karahasan at sa paghihigpit sa pagkilos mula noong Oktubre 7, isinara ang mga paaralan at kinailangan ng mga batang Palestino na mag-aral na lang online kahit na ilang daang metro lang naman ang layo nila mula sa kanilang mga paaralan. West Bank, Palestinian Territories, Disyembre 2023. © Laora Vigourt/MSF
Sa lumang siyudad ng Hebron, na nasa lugar na kilala bilang (H2) at kontrolado ng mga Israeli, ang mga paghihigpit sa pagpasok at paglabas ay pabago-bago, at ito’y nakaapekto sa lahat ng aspeto ng pamumuhay ng mga Palestinong nakatira roon. Matagal nang isa ang H2 sa pinakahinihigpitang lugar sa West Bank. Sa katunayan, may 21 na mga permanenteng checkpoint na pinatatakbo ng mga puwersang Israeli upang kontrolin ang pagkilos ng mga residenteng Palestino at hadlangan ang mga healthcare worker na nais magkaroon ng access sa lugar.
Sa mga unang linggo ng digmaan sa pagitan ng Israel at Gaza, lalong pinigilan ng mga puwersang Israeli ang mga pagkilos, sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga checkpoint ng isang oras lang sa umaga at isang oras sa hapon, ilang araw lamang sa isang linggo. May mga pagkakataon pang hindi pinapayagang lumabas ang mga Palestino mula sa kanilang mga tahanan sa loob ng apat na magkakasunod na araw, kahit na para lamang ilabas ang basura o magbukas ng kanilang mga bintana.
“Hindi ko maikukumpara ang pinagdadaanan namin ngayon sa aming buhay bago ang digmaan. Tila wala nang limitasyon ang mga dayo at militar sa kanilang mga ginagawa,” sabi ni Aliyah*, isang babaeng Palestino na mula sa Tel Rumeida sa H2.
"Ako’y nagdadalang tao. Kaninang umaga, tatlong beses akong pinapadaan ng mga sundalo sa x-ray machine [sa checkpoint]. Nakiusap ako na huwag dumaan sa may x-ray machine para sa kaligtasan ng aking dinadala, pero ayaw nilang makinig – parang hindi pa sila naniniwala na buntis ako," sabi ni Aliyah.
“Lahat kami’y takot na takot. Iniisip ng mga tao na ang sitwasyon sa Gaza ay mangyayari sa West Bank. Kami na ba ang susunod? Hindi lang namin alam kung kailan,” sabi ni Salma*, isa pang residente sa H2 sa Hebron.
Isang mobile clinic ng Doctors Without Borders sa maliit na nayon ng Umm Qussa. West Bank, Palestinian Territories, Disyembre 2023. © Laora Vigourt/MSF
Ang mga paghihigpit sa pagkilos ay hadlang sa pangangalagang pangkalusugan
Habang ang pagkaantala ng medical access ay nadadagdagan nitong nakaraang dalawang buwan dahil sa karahasan at paghihigpit sa pagkilos, unti-unting pinalalawak ng aming mga team ang aming pagtugon upang makapagbigay ng pangangalagang pagkalusugan sa mga taong hindi makapunta sa mga pasilidad medikal.
Pagdating ng Nobyembre 2023, anim na lugar na ang nadagdag ng mga Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) mobile clinic sa aming mga binibigyan ng serbisyo. Sa kabuuan, sampung lugar na sa loob at labas ng lumang siyudad ng Hebron ang aming natutulungan, pati na rin sa mga liblib na nayon ng Masafer Yatta sa Southern West Bank. Ang aming mga mobile clinic team ay nagsasagawa ng mga pangkalahatang konsultasyon, nagbibigay ng mga serbisyo para sa reproductive health, at suporta para sa kalusugang pangkaisipan. Noong Nobyembre at Disyembre 2023, nagsagawa kami ng 1,900 na konsultasyon sa iba’t ibang lugar.
“Dahil sa pagdami ng mga checkpoint at pagpapatupad ng mga curfew, naging mas delikado para sa mga tao ang pumunta sa mga pasilidad medikal,” sabi ni Juan Pablo Nahuel Sanchez, ang project medical referent ng Doctors Without Borders sa Hebron.
“Kasabay nito, ang pagbibigay ng mga serbisyong medikal ay naging mas mapanghamon para sa mga organisasyong medikal, habang ang mga paghihigpit sa pagkilos ay nakakaapekto rin sa abilidad ng mga healthcare worker na makarating sa mga pasilidad medikal. Bilang resulta, naaantala ang mga serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan,” sabi niya.
Sa H2 sa Hebron, may isa lamang na pasilidad medikal na pinapatakbo ng Palestinian Ministry of Health para sa mga pasyenteng may mga kondisyong acute at chronic, ngunit mula noong Oktubre 7 ay hindi pinahihintulutang pumasok ang mga staff ng Ministry of Health sa lugar, kung kaya’t hindi makakuha ang mga tao ng pangangalagang pangkalusugan. Para sa mga pasyenteng may talamak na kondisyon, ang kawalan ng follow-up consultation upang tiyakin ang pagpapatuloy ng pangangalaga ay nakababahala. Sa ngayon, walang ibang organisasyon bukod sa Doctors Without Borders ang maaaring magtrabaho roon.
Walang sasakyan, kahit mga ambulansya, ang pinapayagan sa loob ng H2. Paano kung buntis ka at manganganak ka na? Kailangan mong maglakad hanggang sa pinakamataas na mga checkpoint at magdasal na padaanin ka ng mga sundalo. Hindi dahilan ang pagkakaroon ng isyung medikal para magkaroon ka ng mga karapatan.Nadia*, residente ng H2, Hebron
Sa labas ng siyudad ng Hebron, sa liblib na bulubunduking disyerto ng Masafer Yatta, kung saan ang mga tao ay itinutulak ng mga awtoridad na Israeli at mga dayo na iwan ang lugar, ang pagpapaalis, paggiba ng kanilang mga bahay at mga pagpigil sa kanilang pagkilos ay naging mas agresibo na rin mula noong lumala ang alitan at ito’y lubhang nakahadlang sa access ng mga tao sa pangangalagang pangkalusugan.
“Ang mga pasyenteng pumupunta rito ay ilang linggo o ilang buwan nang hindi nakakakonsulta ng doktor. Ang mga pinakakaraniwang kondisyon ay mga respiratory infection at mga talamak na sakit. Mahal ang mga gamot, kung wala silang health insurance, wala silang paraan upang makapagbayad,” sabi ni Juan Pablo Nahuel Sanchez.
Kasabay nito, ang mga serbisyo para sa kalusugang pangakaisipan tulad ng psychological first aid, counselling at psychotherapy ay patuloy na inaalok sa mga apektado ng sitwasyon. Ang aming mga sikolohista ay nakakakita ng malinaw na pagkasira ng kalusugang pangkaisipan ng mga tao.
Sinusuri ng isang doktor ng Doctors Without Borders ang isang pasyente sa isa sa mga mobile clinic ng Doctors Without Borders. West Bank, Palestinian Territories, Disyembre 2023. © Laora Vigourt/MSF
“Ang kapansin-pansin dito ay hindi lang post-traumatic stress disorder ang aming ginagamot, kundi pati na rin ang patuloy na trauma. Nakararanas ang mga inibidwal ng patuloy na pagkalantad sa mga pangayayaring nagbigay ng trauma araw-araw, kung kaya’t nahihirapan silang makahanap ng kaginhawaan,” sabi ng sikolohista ng Doctors Without Borders.
Ang pagkasira ng kalusugang pangkaisipan ng mga tao ay hindi lamang nararanasan ng nakatatandang kaya nang maintindihan ang sitwasyon. Kahit mga sanggol at maliliit na bata ay nagpapakita ng sintomas ng pagkabalisa, gaya ng pag-ihi sa kama, pagkakaroon ng mga bangungot, at pakiramdam ng pagkabukod.
“Nadudurog ang puso ko na pinapalaki namin ang aming mga anak sa ganitong klaseng mundo,” sbi ni Aliyah. “Alam n’yo ba kung anong sinabi ng anak ko noong isag araw? ‘Inay, takot na takot ako’ – at siya’y dalawang taong gulang lamang”
Mula 1988 pa ang Doctors Without Borders sa West Bank. Sa kasalukuyan, may mga aktibidad ang organisasyon sa Hebron, Nablus, at Jenin. Ang aming mga team ay nagpapatakbo ng mga programa para sa kalusugang pangkaisipan nang may mga kasamang mga outreach activity, naghahatid ng mga serbisyong medikal at pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng mga mobile clinic, at nagsasagawa ng mga capacity-building activity, sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay sa mga pasilidad pangkalusugan at mga ospital ukol sa mass-casualty plans, emergency response at patient triage.
Bukod sa pagpapalawak ng aming mga aktibidad medikal mula Oktubre 7, dinagdagan din ng aming mga team ang mga health promotion activity sa komunidad, at ang pamamahagi ng mga relief item, mga hygiene kit at mga pakete ng pagkain para sa mga internally displaced na Gazan, at mga residente ng West Bank na apektado ng karahasan at sapilitang displacement.
**Pinalitan ang mga pangalan ng mga nakapanayam, at ang ibang mga detalye ukol sa kanilang buhay na maaaring makatulong sa pagtukoy kung sino sila ay tinanggal para sa kanilang kaligtasan.