Skip to main content

    Ukraine: Paano nagsusumikap ang Doctors Without Borders na marating ang mga lugar na pinaka-apektado ng mga tunggalian

    Hundreds of people trying to escape the on-going conflict in Ukraine wait for a train to Poland at the central train station in Lviv.

    Hundreds of people trying to escape the on-going conflict in Ukraine wait for a train to Poland at the central train station in Lviv. Ukraine, February 2022. © Emin Ozmen/Magnum Photos 

    Ipinaliwanag ni Bérengère Guais, deputy head ng emergency programmes sa Paris, ang mga hamong hinaharap at ang mga hirap na pinagdaraanan ng mga pinadalang team sa Ukraine. 

    Paano nakakakilos ang Doctors Without Borders sa Ukraine?  

    Matagal nang nasa Ukraine ang Doctors Without Borders—maraming taon na kaming nagbibigay ng pangangalaga sa mga populasyong apektado ng tuberculosis at HIV, kung kaya’t may mga lokal at dayuhang staff kami na nasa loob na.  Ngayon, sa konteksto ng digmaan, kailangan muna naming suspindihin ang mga programang ito at i-reorient ang aming mga gawain upang matugunan ang mga pangangailangang medikal na dulot ng isang malawakang operasyong militar. Gagawin naming emergency intervention ang isang nakagawiang proyektong medikal. Kaya naman, kailangan namin ng angkop na human resources. Magtatawag kami ng mga emergency specialist na maaaring tumulong sa mga populasyon na naaapektuhan ng tunggalian sa mga lugar na nagtamo ng pinakamalalang pinsala. Ito ang aming tinututukan sa ngayon.

     

    Ano ang iyong pangunahing hamon? 

    Ang pinakamahalagang hamon ngayon ay ang pagtukoy ng mga access point sa mga rehiyon na pinakaapektado ng mga tunggalian. Mula pa noong Lunes, ika-28 ng Pebrero, mayroon na kaming mga team sa lahat karatig-bansa – Poland, Moldova, Romania at maging sa Russia at Belarus. Dahil sa magulong sitwasyon sa mga border ng Ukraine at daan-daang libong mga tao ang tumatakas mula sa kaguluhan, mahirap matukoy kung saan ang pinakaligtas na daanan papasok sa bansa. Nilalayon naming makapagpasok ng mga kagamitan at tauhan – kabilang na ang mga surgeon – para masuportahan ang staff na naroon na, at magsimula na ang aming pagtugon sa lalong madaling panahon. 

    MSF mobile clinics met their patients at their villages. At the picture is MSF team on the way to village Opytne. Ukraine, 2019. © Iveta Polochova/MSF

    Pumunta ang mga Doctors Without Borders mobile clinic sa mga nayon sa rehiyon ng Donetsk. Ukraine, 2019. © Iveta Polochova/MSF  

    Sa usapin ng logistics, paano kayo nakakapagpasok ng mga kagamitan at mga gamot sa bansa? 

    Kasalukuyan kaming naghahanda ng mga kit na may mga kagamitang medikal at mga gamot sa aming mga logistical bases, partikular na sa Brussels at Bordeaux, na dadaan sa mga karatig-bansa bago ipasok sa Ukraine. May mga binibili rin kaming mga kagamitan at materyales mula sa Poland upang makabuo ng mga kit para sa ilang lokal na asosasyon na nagpasabi na kung ano ang mga kulang sa kanilang mga supply.   

    Nag-aayos kami ng bodega sa kanlurang bahagi ng Ukraine upang tumanggap ng mga order mula sa iba’t ibang lugar sa bansa. Susubukan naming magkaroon ng mga karagdagang bodega sa iba pang bahagi ng Ukraine upang palawakin pa ang aming kapasidad sa pagbibigay ng supply.

    Paano ninyo tinatasa ang mga pangangailangan sa mismong lugar? 

    Mabilis ang pag-usad ng mga combat zone, oras-oras itong nagbabago. Mahalaga sa aming maunawaan ang galaw ng mga sumasalakay upang matukoy namin ang kakailanganin, at para rin hindi malagay sa panganib ang aming mga team. May Doctors Without Borders staff sa kabisera ng Kyiv at sa ilang pangunahing siyudad, gaya ng Zhytomyr, Severodonetsk, at isang network ng mga medic sa iba’t ibang lokasyon, na nagbibigay sa amin ng kakayahang unti-unting buuin ang larawan ng kanilang mga pangangailangan. Kami ngayo’y nangangalap ng impormasyon tungkol sa bilang ng mga taong nasaktan at kung paano. Inaalam din namin ang kapasidad nila para sa pangangalaga upang kami’y makapaghanda ng angkop na pagtugong medikal. 

    Mayroon bang forward medical posts? Paano ginagawa ang pagsangguni ng mga nasugatan? Posible bang mailipat ang mga pasyente sa ibang ospital? Saang ospital kami mabilis na makakapag-umpisa ng aming mga gawain, partikular na ng mga surgery? Ito ang mga pangunahing katanungan na itinatanong namin sa aming sarili, at nagsusumikap kaming makakuha ng mga mapapagkatiwalaan, malinaw at detalyadong sagot.

    The first shipment of @MSF emergency medical supplies is now going to #Ukraine. This shipment departed from Brussels with 3 trucks and 120m3 of medical kits, including:
    ➡️surgical kits
    ➡️trauma kits
    ➡️chronic disease medications
    ➡️mass casualty supplies pic.twitter.com/yypkX92gqD

    — MSF in Southeast Asia (@MSF_seAsia) March 3, 2022

    Anong suporta ang ibinibigay ninyo sa mga refugee na nasa mga border area? 

    Nakapagbigay na kami ng mga essential item sa isang reception centre sa Poland at nagsusumikap kaming pag-ibayuhin pa ang aming pagtugon. Balak naming magpadala ng suportang medikal at magbigay ng mas maraming mga kumot at mga hygiene kit. Ngayon pa lang ay nakakita na tayo ng pagkakaisa sa mga refugee, lokal man o internasyonal.  Ibig sabihin, sa ngayo’y natutugunan nang mabuti ang kanilang mga pangangailangan. Prayoridad namiin ang pag-aalaga sa mga nasugatan sa Ukraine.

    Categories