Skip to main content

    Ang TB PRACTECAL Clinical Trial ng Doctors Without Borders at ng mga katuwang nito ay isasama sa bagong bersyon ng pandaigdigang gabay sa paggamot ng WHO

    Dilaram, 33, a former TB-PRACTECAL clinical trial patient in Nukus, got cured from TB in 2018. On the clinical trial regimen her treatment lasted only 6 months (a quite short period of time compared to the standard 20-24 months DR TB regimens).

    Si Dilaram, 33, isang pasyenteng dumaan sa TB-PRACTECAL clinical trial sa Nukus, ay gumaling mula sa TB noong 2018. Sa clinical trial na ito, ang paggamot sa kanya ay tumagal lamang ng 6 na buwan (napakaikling panahon nito kung ikukumpara sa karaniwang itinatagal ng mga DR TB regimen na 20-24 na buwan). Uzbekistan, 2021. © Victoria Gendina/MSF

    Batay sa mga resulta ng Doctors Without Borders' trial, inirerekomenda na ngayon ng WHO ang programmatic na paggamit ng 6 na buwan na BPaLM regimen – kung saan ibinibigay ang bedaquiline, pretomanid, linezolid (600 mg) at moxifloxacin sa mga pasyenteng may MDR-TB bilang kapalit ng mga mas matatagal na regimen. Inirerekomenda rin ng WHO ang isa pang mas mabilis na paggamot, ang BPaL combination, para sa mga pasyenteng di na gaanong tinatalaban ng mga gamot. Parehong kinakitaan ng tagumpay ang dalawang regimen na ito.

    Ang TB-PRACTECAL, na inilunsad noong 2017, ay ang kauna-unahang multi-country, randomised, controlled clinical trial na nag-ulat tungkol sa pagiging epektibo at ligtas ng 6 na buwan na all-oral regimen para sa MDR-TB. Sa kabuuan, may 552 na pasyente na galing sa pitong lugar sa Belarus, South Africa at Uzbekistan. Napag-alaman sa phase II/III ang clinical trial na ang mas maikling BPaLM treatment regimen ay lubhang epektibo laban sa rifampicin-resistant TB. Ang 89 na porsyento ng mga pasyente mula sa BPaLM group ay gumaling, kumpara sa 52 porsyento na nasa standard of care na grupo.  

    Noong sinimulan namin ito siyam na taon na ang nakararaan, ang mga pasyenteng may MDR-TB sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay kinakailangang sumailalim sa matagal, di-epektibo at nakahahapong paggamot na pabigat sa kanilang buhay. Kinukuwento ng mga pasyente kung gaano kahirap ituloy-tuloy ang gamutan, pero walang gaanong nadidiskubreng mas madaling paggamot dahil ang mga sakit na pinaka-karaniwan sa mga low at middle-income na bansa ay hindi nakakaakit ng mamumuhunan. Kaya naman, napilitan kaming sumubok ng mga bagong paraan ng paggamot. Ang mga resulta nito ay magbibigay sa mga pasyente, sa kanilang pamilya, at maging sa mga healthcare worker sa iba’t ibang bahagi ng mundo ng pag-asa para sa kinabukasan ng MDR-TB treatment. Aming malugod na tinatanggap ang desisyon ng WHO na baguhin ang gabay sa paggamot. Ngayon, kinakailangang tiyakin ng mga programa para sa TB ng bansa, ng mga ministro ng kalusugan, at ng iba pang mga stakeholder na maibibigay ang paggamot sa mga taong may MDR-TB sa lalong madaling panahon.
    Bern-Thomas Nyang’wa, Medical Director

    “Magiging makahulugan para sa pasyente ang pagkakaroon ng mas maikling panahon ng paggamot, dahil kadalasan, kapag ika’y ginagamot, may mga bahagi ng iyong buhay na tila nakabitin,” sabi ni Awande Ndlovu, isa sa mga nakasali sa trial sa THINK Hillcrest Clinical Trial Unit sa South Africa. “Bago ako nabigyan ng pag-asa ng trial na ito, hindi ko naiisip na maaari pa akong gumaling mula sa MDR-TB.”  

    Habang ang bagong regimen na ito ay nagbibigay ng pag-asa sa 500,000 na taong nagkakaroon ng MDR-TB taun-taon, ang pinakamababang halaga ng 6 na buwan na treatment course ng BPaLM ay US$800 (mga PHP 42,349.30). Masyado pa ring mataas ang halagang ito at maaaring makabagal sa paggamit ng BPaLM regimen sa mga bansang may mataas na bilang ng mga may TB.

    Ang pretomanid—na nilikha ng TB Alliance at Viatris (dating Mylan) sa tulong ng pondong pampubliko—ay nagkakahalaga ng $336 (PHP 17,786) para sa anim na buwan na gamutan. Bukod pa rito, ang isa sa mga mas bagong gamot para sa TB, ang bedaquiline—na gawa ng Johnson & Johnson—ay prinesyuhan ng $270 (PHP 14,292.38) para sa parehong haba ng panahon. Sa dalawang gamot na ito napupunta ang ¾ ng ibinabayad para sa buong lunas, kahit na ayon sa mga tagapagsaliksik ng Unibersidad ng Liverpool, ay mga generic na bersyon na maaaring magawa sa pamamagitan ng hindi hihigit sa $210 (PHP 11,116.38) para sa anim na buwan ng pretomanid, at hindi hihigit sa $102 (PHP 5,399.38) para sa anim na buwan ng bedaquiline.

    Sa pamamagitan ng mga resulta ng TB PRACTECAL, napag-alaman na ang anim na buwan na regimen ng bedaquiline, pretomanid, linezolid at moxifloxacin (BPaLM) ay mas epektibo at ligtas kung ikukumpara sa standard of care para sa mga taong apektado ng mga rifampicin-resistant form ng TB, pero makakakita lang tayo ng mga makahulugang pagbabago kung abot-kaya ang presyo nito. Kung ating isasaalang-alang ang mga pondong pampubliko na inilaan para sa pagbuo ng pretomanid at bedaquiline, dapat lang na mabili ang mga ito sa murang halaga, at nang hindi nahihirapang makakuha ang sinumang nagngangailangan nito. Nananawagan kami sa TB Alliance, Viatris, at sa Johnson & Johnson na ibaba ang presyo ng pretomanid at bedaquiline upang matiyak na ang presyo ng isang kumpletong MDR-TB treatment course ay di hihigit ng $500 (PHP 26,469.76) kada tao. Kailanma’y di dapat maging balakid ang presyo sa pagkamit ng lunas na maaaring makasagip ng buhay.
    Christophe Perrin,TB advocacy pharmacist

    Doctors Without Borders at TB   

    Ang Doctors Without Borders ay isa sa pinakamalaking non-government organization na tagapagbigay ng gamot para sa TB sa buong daigdig. Noong 2020, sinimulan ng Doctors Without Borders ang paggamot sa 13,800 na taong may TB. Kabilang na rito ang 2, 100 na may drug-resistant TB.   

    TB-PRACTECAL  

    Ang TB-PRACTECAL ay isang multi-arm, multistage, open label, randomised controlled trial na may tatlong investigational regimens sa Unang Yugto: B-Pa-Lzd-Mfx, B-Pa-Lzd-Cfz, B-Pa-Lzd at isang control arm. Ang Ikalawang Yugto naman ay naka-enroll sa B-Pa-Lzd-Mfx investigational arm at sa standard of care arm lang. Sa pangkalahatan, 552 pasyente ang naka-enroll sa trial, at 301 sa kanila ang kasali sa yugtong ito. Ang mga pasyenteng kasalukuyang bahagi ng trial ay babalik-balikan hanggang Agosto 2022 at isasara ang trial sa Disyembre 2022. Balak ng Doctors Without Borders na ilathala ang mga datos tungkol sa lahat ng pasyente at sa mga arms sa puntong iyon. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa TB-PRACTECAL kasama na ang primary outcome measures, ito ang maaari mong tingnan: Pragmatic Clinical Trial for a More Effective Concise and Less Toxic MDR-TB Treatment Regimen(s) - Full Text View - ClinicalTrials.gov.   

    Ang Doctors Without Borders at ang mga katuwang nito sa TB PRACTECAL ay patuloy na nagbibigay ng pangangalaga at mga checkup para sa mga pasyenteng tinatapos ang kanilang pagagamot sa trial. Ang huling follow-up ay nakatakda sa Agosto 2022.