Skip to main content

    SUDAN: Sinusuportahan ng MSF ang 136 na sugatan sa North Darfur; mga medical team at sugatan, di makaalis sa gitna ng matinding sagupaan

    Doctors Without Borders medical work. © MSF/Laurence Hoenig

    © MSF/Laurence Hoenig

    Ayon kay Cyrus Paye, Project Coordinator para sa Doctors Without Borders sa El Fasher, "Karamihan sa mga sugatan ay mga sibilyang nadamay lang sa labanan. Kabilang rito ang maraming bata. Malubha ang kanilang mga tinamong pinsala. At, ang ospital na ito ay walang kapasidad para sa surgery. Lahat ng ibang ospital sa North Darfur ay sarado. Ang iba’y  nagsara dahil masyado silang malapit sa sagupaan, at ang iba nama’y di mapuntahan ng staff dahil sa karahasan. Walang ibang mapagdadalhan ng mga pasyente. Ang resulta nito ay ang pagkamatay ng labing-isang tao. Namatay sila dahil sa mga natamo nilang sugat sa unang 48 na oras ng labanan. Ngunit noong Sabado ng hapon, isang maliit na grupo ng mga surgeon mula sa mga nagsarang ospital ang nagsimulang magsagawa ng mga operasyon sa ospital na ito. Sa ngayon, nakagawa na sila ng anim na major surgeries sa mga nasaktan dahil sa karahasan."

    Kaya lang, mabilis na nauubos ang medical supplies ng ospital. Malapit na kaming mawalan ng mga gamot at ng dugo. At mula noong nagsimula ang labanan ay putol na ang kuryente, kaya’t paubos na rin ang gasolina para sa generator ng ospital. May listahan kami ng surgical items na kailangang-kailangan ng surgical team, kaya’t naghahanap kami ng ligtas na dadaanan upang maihatid ng dalawang ambulansiya namin ang mga kagamitan sa ospital. Dahil sa alitan, nakasara ang paliparan mula pa noong Sabado. Mahalaga sa aming magbukas uli ito para makapagpasok kami ng karagdagang medical supplies, at kung posible, magpasok din ng isang surgical team ng Doctors Without Borders upang mabigyan ng suporta ang mga surgeon na kasalukuyang nagtatrabaho rito. Kapag di namin nakuha ang mga kinakailangang supplies, madaragdagan ang mga buhay na mawawala.
    Cyrus Paye, Project Coordinator

    Sa ibang bahagi ng bansa, lalo na sa Khartoum, Darfur, at sa mga estado ng North Kordofan at Gedaref, nahaharap ang mga team ng Doctors Without Borders sa mga seryosong hamon. Ang Doctors Without Borders sa Nyala, South Darfur, ay nilooban at pinagnakawan – pati ang isa naming warehouse. Sa Khartoum, hindi makalabas ang karamihan sa mga team dahil sa tindi ng mga sagupaang nagaganap. Hindi rin sila makapasok sa mga warehouse upang kumuha ng medical supplies para sa ospital. Maging ang mga ambulansya ay hindi pinapadaan, kahit upang makuha mula sa kalsada ang mga  bangkay ng mga nasawi, o upang maghatid ng mga nasaktan sa ospital. 

    Nakipag-ugnayan na kami sa mga Sudanese medical team sa Khartoum at sa ibang bahagi ng bansa kung saan tinatanggap ang mga sugatan. Marami sa kanila ang matagal nang walang pahinga, nagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalaga sa gitna ng napakahirap na sitwasyon habang  isinasantabi ang posibleng mangyari sa kanila at ang magiging epekto nito sa kanilang mga pamilya.

    Handa kaming magbigay ng supplies at magtalaga ng medical personnel sa mahahalagang pasilidad pangkalusugan na nangangailangan ng suporta, ngunit masyadong delikado ang sitwasyon ngaon sa Khartoum at sa ibang mga siyudad. Kahit na mabuksan ang ilang pasilidad, marami ang di makakapunta sa mga ito dahil sa karahasang nagaganap—mangangamba lang sila para sa kanilang kaligtasan.

    Pananawagan para sa kaligtasan ng mga sibilyan  at mga pasilidad pangkalusugan

    Kami sa Doctors Without Borders ay nananawagan para sa kaligtasan ng mga sibilyan: dapat silang protektahan mula sa karahasang tila walang pinipili, walang kinikilala. Inuudyukan namin ang lahat ng sangkot sa alitan na garantiyahan ang kaligtasan ng mga medical staff at mga pasyente, upang makakuha sila ng pangangalagang pangkalusugan nang di nangangamba para sa kanilang buhay. Dagdag pa rito, hinihingi namin sa lahat ng sangkot sa alitan na tiyaking protektado ang lahat ng pasilidad pangkalusugan. Kabilang rito ang mga ospital, klinika, warehouse, at mga ambulansiya. Kailanman, ang mga pasilidad na ito’y di dapat gawing target o pagbuntunan ng karahasan. 

    Ang Doctors Without Borders sa Sudan ay nagbibigay ng pangangalagang medikal na sumasagip ng mga buhay nang walang kinikilingan. Binibigay namin ang pangangalagang ito sa sinumang nangangailangan, batay lamang sa pangangailangan. Ngunit sa kasalukuyan, hindi kami makagalaw dahil sa tindi ng sagupaan. Muli kaming nakikiusap sa lahat ng sangkot sa nangyayaring karahasan na igalang ang mga medical personnel, pasilidad pangkalusugan, at mga ambulansiya, at pahalagahan sana ang buhay ng mga sibilyan at ng mga humanitarian workers. 

    Categories