Skip to main content

    Sudan: "Ang mga pasilidad pangkalusugan ay nauubusan na ng supplies"

     Scenes from within South Hospital, El Fasher, North Darfur, where multiple people have been wounded in the fighting

    Mga eksena sa loob ng South Hospital, El Fasher, North Darfur, kung saan marami ang nasugatan dahil sa labanan © Ali Shukur/MSF

    "Sa ospital na sinusuportahan namin, nakatanggap na kami ng 279 na sugatang pasyente mula noong pumutok ang labanan noong Sabado.  Sa kasamaang palad, 44 na ang namatay. Ang sitwasyong ito’y isang malaking trahedya. Ang karamihan sa mga nasaktan ay mga sibilyan na natamaan ng mga ligaw na bala, at marami sa kanila ay mga bata. May mga bali sila nang dahil sa mga bala, may mga tama sila ng baril o di kaya’y may shrapnel sa kanilang mga binti, tiyan o dibdib. Marami sa kanila ang kailangang salinan ng dugo. Sa sobrang dami ng pasyente, ang iba sa kanila’y ginagamot na lang habang nakaupo sa sahig dahil kulang ang mga kama para sa lahat ng sugatan.  

    Hanggang nitong nakaraang linggo, ang South Hospital ay walang surgical capacity. Dati itong isang maternity hospital na sinimulan naming suportahan noong nakaraang taon upang mapababa ang maternal mortality, o mga namamatay na ina, sa rehiyon. Ngunit noong nagsimula ang labanan, kinailangan naming iangkop ang paggamit ng ospital upang mapagsilbihan ang mga sugatan. 

    Lahat ng ibang ospital sa siyudad ay kinailangang magsara dahil malapit sila sa labanan, o di kaya’y hindi makapasok ang staff dahil sa tindi ng kaguluhan. Ang mga surgeon mula sa mga ospital na iyon ay nagsipuntahan na rito sa South Hospital at nakapagsagawa na ng ilang surgical operations. Iyon nga lang, mabilis na nauubos na ang mga supply. Nakapunta kami sa ospital noong Martes dahil sa pansamantalang paghupa ng labanan at nakapagdala kami ng panibagong supplies. Pero kung hindi namin magagawang magpasok ng mas madami pang supplies sa Darfur – at kung patuloy pa rin kaming makatanggap ng napakaraming pasyente, sapat lang ang mga medical supplies na ito para sa tatlo pang linggo." 

    Cyrus Paye, MSF Project Coordinator in El Fasher, North Darfur
    Mahalaga na may access tayo sa lahat ng pasilidad pangkalusugan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa ganitong panahon, ito ang kinakailangan natin upang makasagip ng buhay.
    Cyrus Paye, MSF Project Coordinator

    Nauubusan na ng supplies ang mga pasilidad pangkalusugan, habang hindi naman makapasok ang mga staff 

    "Sa kasalukuyan, walang gumagalaw rito sa Sudan. Isinara ang lahat ng mga paliparan ng bansa mula noong nagsimula ang digmaan. Nagkakagulo na rin sa mga kalye, kung kaya’t hindi kami makapagpasok ng supplies sa North Darfur – o sa loob ng bansa. Isinara ng Chad ang kanilang border. Kung hindi magbabago ang sitwasyon at ang humanitarian access ay ipagkakait pa rin, mas marami pang buhay ang mawawala." 

    Sa sitwasyon ngayon, ang dalawang operating theatres na itinayo ay hindi sapat para sa walang humpay na pagpasok na mga pasyenteng may trauma at emergency OBGYN patients. Sa maternity ward, ang bawat kama ay may dalawang tao. Dati kasi, ang isang kalapit na ospital ginagawa ang lahat ng emergency caesarian sections – mga tatlo hanggang lima kada araw – at dagdag pa roon ang mahigit sa 30 normal deliveries sa loob ng 24 oras. Ngayon, ang lahat ng ito ay nangyayari na sa South Hospital, kasabay ng mga ginagawa ng mga trauma surgeon. Kagabi lang ay natanggap namin ang balitang ang Paediatric Hospital kung saan isinasangguni namin ang mga neonate o bagong panganak na sanggol ay nilooban. Ibig sabihin, wala na kaming puwedeng pagdalhan ng bagong panganak na may sepsis – o mga sanggol na isinilang nang kulang sa buwan. Walang mga incubator sa South Hospital, kaya’t mahihirapan kaming panatiliing buhay ang mga sanggol. Napupuspos na ang kasalukuyang team. Wala silang pahinga. Pinag-aaralan namin ang ibang puwedeng gawin, gaya ng pagpasok sa bansa ng supplies at ng mga trauma surgeon na malawak ang karanasan upang magbigay ng suporta, subalit sa ngayon, hindi ito posible. 

    Mahalagang magkaroon tayo ng access sa lahat ng pasilidad pangkalusugan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa ngayon, ito ang makakasagip ng mga buhay. Nauubusan na ng supplies ang mga pasilidad pangkalusugan at hindi makapagtrabaho ang staff. Ang mga health worker, relief worker at rescue worker ay hindi makagalaw dahil sa mga karahasan at marami ang namamatay dahil dito. Access ang makakapagpabago ng lahat ng ito. Iyon, at ang garantiya mula sa mga sangkot sa alitan na hindi nila idadamay ang mga sibilyan." 

    Categories