Skip to main content

    Sudan: Karahasan sa mga pasilidad medikal sa West Darfur

    El Geneina Teaching Hospital front entrance. No weapons allowed.

    Ang daan sa harap ng El Geneina Teaching Hospital. Bawal ang magpasok ng sandata sa pasilidad. West Darfur, Sudan, Marso 2022. © Nargiz Koshoibekova/MSF

    Ang mga karahasan sa Kreneik ay nagsimula noong katapusan ng linggo. Ang aming mga team ay nakatanggap ng balita na ang ospital sa Kreneik na sinusuportahan namin ay sinalakay. Tatlong tao—dalawa roon ay medical workers—ang pinatay. Ninakawan din ang parmasya ng ospital. Walang team ng Doctors Without Borders ang nasa pasilidad noong panahong iyon, dahil lahat sila’y bumalik na sa permanenteng tanggapan namin sa El Geneina noong ika-19 ng Abril.

    Kahapon, nagkaroon ng insidente ng karahasan sa El Geneina Teaching Hospital sa kapitolyo ng West Darfur kung saan nagtatrabaho ang ilang staff ng Doctors Without Borders. May namaril sa loob ng pasilidad, kasama ang ER, at isang hospital staff ang pinatay. Ang mga health worker, kabilang na ang mga taga Doctors Without Borders, ay inilipat sa ibang lugar.

    Kami ay nababahala sa mga karahasang ito at ipinaaabot namin ang aming pakikiramay sa mga pamilya ng nasawi. Mariin naming tinutuligsa ang mga pangyayaring ito. Sa isang tunggalian, ang mga istrukturang medikal at ang staff nito ay pinoprotektahan. Dapat itong igalang sa lahat ng oras ng mga partidong kabilang sa alitan.

    Bilang resulta ng patuloy na karahasan at kawalan ng seguridad sa iba’t ibang bahagi ng West Darfur, kasama na ang mga pagsalakay sa dalawang ospital, nawalan ng komunikasyon ang mga team ng Doctors Without Borders at ang mga pasilidad pangkalusugan na aming sinusuportahan. Hindi rin kami makapagdaos ng aktibidad kaugnay ng mobile clinic sa El Geneina at hindi rin kami makabalik sa Kreneik. Nag-aaalala kami sa epekto nito sa mga tao na marami nang naranasang karahasan, na humahadlang sa kanilang makamit ang pangangalagang medikal, at iniwan silang nangangailangan ng tulong kahit noong bago nangyari ang pagsalakay.

    Sinusubaybayan ng aming mga team ang seguridad ng sitwasyon kaugnay ng seguridad upang matiyak na maaari na kaming muling magsimula sa pagbibigay ng pangangalagang medikal at humanitarian assistance, at na ligtas nang gawin iyon.

    May iba’t ibang proyekto ang Doctors Without Borders sa estado ng West Darfur. Nagbibigay kami ng humanitarian assistance at ng serbisyo para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan ng mga nawalan ng tirahan at ang mga lokal na komunidad sa pamamagitan ng mga nakatayo at mobile na klinika sa loob at labas ng siyudad ng EL Geneina. Sinusuportahan din namin ang El Geneina Teaching Hospital at kamakailan lang ay nagsimula rin kaming tumulong sa mga nawalan ng tirahan at sa mga host community sa Kreneik sa pamamagitan ng mga mobile clinic at sa pagsuporta sa pangunahing pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa bayan ng Kreneik. 

    Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho na sa Sudan mula pa noong 1978. Nitong mga nakaraang taon, nakatuon ang aming mga operasyon sa Khartoum, Gedaref, Blue Nile, Kassala, East Darfur, West Darfur, at sa mga estado ng South at Central Darfur, at magpapadala rin kami ng mga emergency team sa ibang mga lugar kapag kinakailangan.

    Categories