Larawan ng aming health promoter na si Aisha. Siya ay isang refugee mula sa El Geneina na tumakas patungo sa Adré, Chad noong nagsimula ang digmaan sa Sudan noong Abril 2023. Sa El Geneina, nag-aral siya ng Community Studies at Rural Development. Chad, Agosto 2024. © Ante Bussmann/MSF
Ang digmaan sa Sudan ay nagdulot ng isa sa mga pinakamalaking displacement crisis sa mundo, kung saan napuwersa ang mahigit 12 milyong taong lisanin ang kanilang mga tahanan. Daan-daang libong tao ang tumawid papunta sa Chad, naghahanap ng matutuluyan sa mga kampo sa disyerto kung saan lubhang limitado ang makukuhang pangunahing pangangailangan at mga serbisyo.
Isa sa mga nawalan ng tirahan ay si Aisha B., isang health promoter at Sudanese refugee mula sa El Geneina sa rehiyon ng Darfur sa Sudan. Sa isang taos-puso niyang liham, binigyang-liwanag niya ang isang krisis na humanitarian na hindi gaanong nabibigyan ng atensyon ng mundo.
Isang liham mula sa isang Doctors Without Borders staff na Sudanese:
Habang sinusulat ko ito, mahigit 700,000 na tao mula sa Sudan ang lumikas na upang makahanap ng masisilungan sa Chad—kabilang ako at ang aking pamilya.
Marami sa amin ang nakapagdala lamang ng kaunting gamit: mga damit, marahil ay isang larawan, kaunting pera. Tila isang bangungot ang aming paglalakbay. Nakita naming sinunog ang ilang mga barangay, nakarinig kami ng mga putukan, nagtago kami mula sa mga armadong kalalakihan at dumaan kami sa napakaraming mga checkpoint. Pagdating namin sa silangang bahagi ng Chad, halos lahat ng dala-dala namin ay nawala na.
Mahigit isang taon na ang nakalipas mula noong tumawid ako sa hangganan kasama ang aking kapatid na lalaki at ina. Naglakad kami ng mahigit 30 na kilometro, tiniis namin ang matinding init at ang palagiang pangamba na may sasalakay o may pipigil sa amin. Ang pamilya ko ang nagbigay sa akin ng lakas na magpatuloy.
Nang sa wakas ay makarating kami sa transit camp malapit sa bayan ng Adré, halos wala kaming naabutan doon kundi ilang mga tolda sa gitna ng isang malawak at maalikabok na kapatagan na may ilang mga palumpong. Unti-unti, nagtayo ng mga palikuran at mga water station, at nagsimulang magpaabot ng tulong ang ilang mga aid organization sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain. Kung iisipin, napakahirap talaga kapag biglang dumating sa isang lugar ang napakaraming tao na umaasa lamang sa humanitarian aid upang mabuhay.
Ang populasyon ng Adré ay umakyat nang mahigit sa anim na beses mula noong nagsimula ang digmaan sa Sudan. Marami sa mga dumating na refugee ay pagod na pagod at may sakit, ang iba sa kanila ay nagtamo pa ng seryosong pinsala. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay naroon na sa transit camp. Doo’y nagtayo sila ng klinika kung saan isinasagawa ang mahahalagang aktibidad para sa mga refugee. Nagbigay rin sila ng ibang mga serbisyo gaya ng mga mobile clinic, suportang sikolohikal, at water supply. Doon ko nakilala ang mga team ng Doctors Without Borders.
Sinasamahan ng health promoter na si Aisha B. ang isang 80 na taong gulang na pasyente sa klinika ng Doctors Without Borders sa Adré transit camp, sa silangang bahagi ng Chad. Chad, Hulyo 2024. © Ante Bussmann/MSF
Sino ako sa gitna ng kaguluhang ito?
Magpapakilala ako sa inyo: Ako si Aisha B, 28 na taong gulang. Dati akong taga-El Geneina, West Darfur. Binago ng digmaang ito ang lahat. Maayos ang buhay ko noon. Noong makumpleto ko ang aking pag-aaral ng kursong Sociology at Urban Development, nagtrabaho ako para sa isang NGO ng ilang taon. Ngayon, ako’y nagtatrabaho na para sa Doctors Without Borders bilang health promoter. Sa trabaho kong ito, ibinabahagi ko ang mga kaalaman tungkol sa kalusugan at kung anong mga serbisyo ang maaaring makuha sa Adré transit camp.
Tuwing umaga, kapag magsisimula na akong magtrabaho, maraming mga pasyente na ang naghihintay sa harap ng aming klinika. Tinatanong ko sila tungkol sa kanilang mga hinaing at ginagabayan ko sila kung saan silang ward dapat mapunta. Ang komunikasyon ay isang malaking hamon dahil sa maraming iba’t ibang wika ang ginagamit dito, kaya’t ako’y kumikilos upang pag-ugnayin ang mga medical team at mga pasyente.
Pagkatapos mabigyang-lunas ang unang malaking grupo ng mga pasyente, lilipat ako sa ward para sa mga batang may acute malnourishment. Doon, kakausapin ko ang kanilang mga kamag-anak— na kadalasa’y ang kanilang mga nanay— ukol sa pangangalagang ibibigay sa mga bata. Ipapaliwanag ko rin kung paanong nagiging epektibo ang therapy, kung paano nila maaalagaang mabuti ang kanilang mga anak, at kung paano mapigilan ang pagkakaroon ng relapse, o pagbabalik sa dating kondisyon. Namamahagi rin ako ng kaalaman tungkol sa mga sanhi ng malnutrisyon at kung paano mapoprotektahan ang mga bata mula sa mga sakit na gaya ng diarrhoea o malaria.
Minsan, nakatutulong na ang pakikinig. Ang bawat isang tao ay may sariling kuwento. Ang lahat ay nakaramdam ng pait ng pagkatalo sa digmaan sa Sudan. Ako man ay nakaramdam no’n. Lahat kami’y nagkaroon ng mga kahindik-hindik na karanasan at kinailangan naming iwan ang aming mga tahanan.
Kamakailan lamang, isang babae ang dumating sa klinika ng Doctors Without Borders kasama ang kanyang sanggol na anak. Makikita mo sila, si Manahil M. at ang kanyang anak na si Sabah sa kasunod na larawan. Mataas ang lagnat ng babae at pagdating pa lang nila sa klinika ay nawalan na siya ng malay. Kailangan naming may makausap sa kanyang pamilya.
Habang sinusuri ng aming doktor si Manahil, natawagan ko ang kanyang asawa gamit ang kanyang mobile phone. Nagmamadali siyang pumunta sa klinika. Samantala, inaalagaan ko at ng aking kasamahan ang limang buwan na sanggol na si Sabah, na sa kabutihang palad ay nasa maayos na kalagayan na.
Ayon sa aming doktor, si Manahil ay may malaria at matinding dehydration. Binigyan siya ng mga intravenous fluid at ng gamot para sa malaria. Sa loob lamang ng 20 na minuto, nagkamalay na siya, bagama’t nanghihina pa rin siya at nahihilo. Naroon naman ang kanyang asawa upang hawakan ang kanyang kamay at bantayan ang kanilang anak.
Buti na lang gumana ang ibinigay na lunas. Pagsapit ng gabi, nasa maayos na kalagayan na si Manahil at maaari nang lumabas ng klinika. Nakahinga na ako nang maluwag. Kung hindi siya gumaling, isang malaking trahedya iyon para sa kanyang asawa’t anak. Sa mga ganitong pagkakataon, mas lalong nakikita ko ang halaga ng pamilya.
Ang aming klinika sa Adré transit camp: Nakaupo ako sa tabi ng kama ni Manahil M. – isang ina na nagkasakit ng malaria at nawalan ng malay pagdating sa aming klinika. Katabi niya ang kanyang anak na sanggol, na inalagaan namin habang hindi pa dumarating ang kanyang asawa. Hindi nagtagal at nasa mabuting kalagayan na si Manahil, salamat sa paggamot.
Bakit walang tumutulong?
Isa lang ito sa maraming pamilyang nakasasalamuha ko araw-araw. Marami sa kanila ang wala pang maayos na masisilungan o tolda man lang. Nadudurog ang aking puso sa mga kondisyon ng kanilang pamumuhay.
Base sa malaking bilang ng mga taong dumarating, masyadong mabagal ang pagbabago sa dami ng ipinapaabot na pandaigdigang tulong. Hindi sapat ang mga rasyon ng pagkain. Maraming mga bata ang may acute malnourishment, at ginagamot namin sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng therapeutic food sa aming mga pasilidad.
Ang sitwasyon sa Sudan ay mas malala pa. dumurugo ang puso ko sa tuwing nakatatanggap ako ng balita mula sa amin, at naiisip ko ang aking mga kaibigan at kamag-anak na naroon pa rin. Ayon sa UN, may mga 25 na milyong tao sa Sudan na nakararanas ng krisis sa pagkagutom—kalahati ng populasyon ng bansa.
Sa kabila ng matitinding labanan, ginagawa ng Doctors Without Borders ang lahat ng magagawa nito upang makapagbigay ng tulong sa maraming bahagi ng Sudan. Naalala ko noong nag-umpisa ang digmaan, maraming mga sugatan ang tumawid sa hangganan patungong Adré. May mga pinsala silang tinamo mula sa pagbobomba at sa barilan. Noong panahong iyon, nagtayo ang Doctors Without Borders ng inflatable hospital na may operating theatre. Kumikilos ang aming mga team nang lampas-lampas sa oras ng pagtatrabaho, kung kaya’t maraming buhay ang nasagip.
Bagama’t kumaunti ang mga taong sugatan na dumadating sa Adré dahil sa pagbabago sa mga frontline, patuloy ang labanan. Lagi kong inaalala ang aking mga kamag-anak na nasa Sudan pa, ngunit wala akong ibang magawa kundi ang pagtuunan ang aking trabaho. Nalilibang ako ng aking mga pang-araw-araw na gawain. Ang kinikita ko ay sapat para suportahan ang aking pamilya, pero higit pa roon ay nakatutulong pa rin ako sa iba. Mapalad ako na maging bahagi ng isang team na matiyagang nagtatrabaho upang suportahan ang lahat ng tao rito.
Ito ay mga mahirap na panahon para sa atin. Ngunit, sa pamamagitan ng pakikinig at sa pag-alaga natin sa isa’t isa, marami tayong maaaring magawa. Tayong mga refugee ay mistulang isang malaking pamilya, nagbibigay ng lakas sa isa’t isa.
Naniniwala ako na may isang bagay na nagbubuklod sa ating lahat, kahit saan ka man nakatira: lahat tayo’y nangangailangan ng mga tao sa ating buhay na malapit sa atin at puwede nating asahan—lalo na kapag tayo’y nasa isang gipit na sitwasyon.
Hindi ko alam kung sino ang makababasa ng mga salitang ito o saan. Subali’t, gusto kong ipadala sa inyo ang pinakamainit na pagbati mula sa Chad – at mula sa aking puso, pagbati rin galing sa Sudan.
Paalam,
Aisha B.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.