Press Release: Gawing mura ang mga gamot at diagnostic para sa hepatitis C upang mapakinabangan ng milyon-milyong may sakit
Tinutukan ng Infectious But Not Invincible campaign ng SEEAP project ang hepatitis C, tigdas at tuberculosis. Para sa bawat sakit, tinignan namin kung ano ba ito, ano ang sanhi at paano ito ginagamot, at paano ito tinutugunan ng Doctors Without Borders. © MSF
"Milyon-milyong pasyenteng may hepatitis C ang nahihirapan dahil sa mahal na mga gamot at mga diagnostic. Panahon na para ating tiyakin na may daan ang lahat para makakuha ng murang mga gamot at testing." Ito ang pahayag ng Drugs for Neglected Diseases initiative (DNDi) South-East Asia Director of Regional Office na si Jean-Michel Piedagnel sa isang webinar na inorganisa ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF).
Ayon kay Piedagnel, ang mga direct-acting antiviral medicine (DAA) ay mahusay na gamot para sa mga taong may HCV (hepatitis C virus), pero limitado ang nakikinabang rito dahil mataas ang presyong itinatalaga ng mga kumpanyang gumagawa nito kung kaya’t di makabili ang mga may HCV na pasyenteng nasa mahihinang populasyon. Sabi pa niya, ang mga patente ay ginagamit upang makapagtatag ng monopolyo, na nagiging sanhi ng pagtaas ng gagastusin sa pagpapagamot. Mababago lang raw ang sitwasyon kung bubuwagin ang monopolyo.
Ayon naman sa Singapore General Hospital Department of Gastroenterology and Hepatology senior consultant na si Dr. Chow Wan Cheng, bukod sa murang gamot, kailangan din ng murang diagnostic.
"Sa mga unang yugto ng sakit na ito, walang kapansin-pansing sintomas ang HCV, kaya’t mahirap itong matukoy at maagapan. Marami sa mga may ganitong impeksyon ay walang kamalay-malay na nasa katawan na nila ang HCV dahil maraming bansa ang walang screening mechanisms para rito. Maituturing itong isang sakit na di nabibigyang-halaga dahil ang mga pasyenteng meron nito ay di rin nabibigyang -halaga, batay sa kakulangan ng pagbibigay-lunas at diagnostic. Ang kagyat na pangangailangan para sa screening, at ang pagtiyak na makakakuha ang mga tao ng screening tests na lubhang sensitibo, ay kasinghalaga ng mga murang lunas, dahil kailangang malaman muna kung ano ang nilalabanan mo, “ sabi niya. Dagdag pa niya, dapat dagdagan ang mga oportunidad para sa screening.
Sang-ayon dito si Than Meak, ang project coordinator para sa Doctors Without Borders Hepatitis C project in Cambodia. Ayon sa kanya, bahagi ng masalimuot na proseso ng pagsusuri at pagmamanman sa virus ng maraming tests, kaya’t ito’y magastos at resource-intensive. Ibinahagi rin ni Than na sa Cambodia, may ginawang modelo ang Doctors Without Borders para sa diagnostic at paggamot ng HCV kung saan napapagaling ang pasyente sa loob lamang ng limang pagbisita.
Sabi niya, may epekto ang pandemya sa kakayahan ng mga pasyenteng magpagamot laban sa HCV. Maraming pasyenteng takot pumunta sa ospital at marami rin ang hirap bumiyahe dahil sa mga pinapatupad na lockdown ng pamahalaan.
Para kay Piedagnel, malaki ang magagawa ng paglikha ng kumpetisyon sa pamilihan upang matiyak na mababa ang presyuhan ng mga gamot at diagnostics. "Kailangan natin ng mga pagbabago mula sa Timog, at isang pagtutulungan ng Timog at Timog ang dapat mangyari. Ang mga bansa sa Timog ay kailangang magsama-sama at tumulong sa ibang bansa upang magpatupad ng epektibong stratehiya ng pampublikong kalusugan at maalis na ang HCV, “sabi niya. Noong Hunyo 2021, inaprubahan ng Malaysia ang paggamit ng Ravida® (ravidasvir), na kasama sa kumbinasyon ng mga gamot na maaaring gamitin upang gamutin ang HCV infection sa mga matatanda. Ang drogang ito ay ginawa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Timog at Timog. Ayon kay Piedagnel, maaring gamitin ng mga bansa sa Timog ang karanasan sa Malaysia upang magpatupad ng epektibong stratehiya ng pampublikong kalusugan para mawala ang HCV. Pero ang pinakamahalaga’y manguna at patuloy na maging katalista sa pag-usbong ng mga mamumuno sa timog ng daigdig ang mga bansang mababa at katamtaman ang kita, at huwag umasa lang sa tulong ng mayayamang bansa.”
_______
Itinatayang may 58 milyong tao na may HCV sa buong bansa. 72% sa kanila ang nakatira sa mga bansang may mababa at katamtamang kita. Ang HCV ay isang virus na nasa dugo, at maaaring mauwi ito sa cirrhosis, pagpalya ng atay, kanser sa atay, at mga systemic health problems. Ayon sa WHO, umaabot ng halos 300,000 ang mga taong namatay dahil sa HCV sa 2019, karamiha’y mula sa mga kumplikasyong dala ng sakit. Dagdag pa rito, sa bawat 100 taong may HCV, 5 hanggang 25 ang magkaka-cirrhosis sa susunod na 10 hanggang 20 taon.
Ginagamot ng Doctors Without Borders ang hepatitis C sa ilang mga bansa, at may mga proyektong nakatuon sa HCV sa Iran, Myanmar, Ukraine, Pakistan, India at Cambodia. Noong 2019, nagbigay ang Doctors Without Borders ng HCV treatment sa mga 10,000 tao sa buong mundo. Sa kasalukuyan, itinataguyod ng Doctors Without Borders ang mga DAA bilang ligtas at epektibo sa paggamot ng HCV infection. Pero itinatayang 9.4 milyong tao lang sa buong mundo ang nabigyan ng HCV treatment regimens noong 2019. 48.6 milyong tao pa ang naghihintay ng mas ligtas, mas kayang tagalan at mas epektibong direct-acting antivirals (DAAs) upang gamutin ang kanilang HCV infection.