Lassa fever: Hindi lang napabayaang sakit, mga napabayaang pasyente rin
Ang mga health promoter ng Doctors Without Borders, si Joseph Ibeabuchi (lalake) at si April Ozibo Chinezon (babae), ay nagsasalita tungkol lassa fever in Abakaliki, Ebonyi State, Nigeria. Namamahagi sila ng kaalaman nila tungkol sa sakit upang matigil ang pagkalat at mabawasan ang stigma sa mga pasyente ng sakit. Nigeria, 2021. © MSF/Hussein Amri
Ang Nigeria ay isa sa ilang mga bansa sa Kanlurang Africa kung saan ang Lassa fever ay endemic, ngunit kakaunti ang nalalaman tungkol dito. Kahit na ang Lassa fever ay isang sakit na halos napapabayaan sa Nigeria, marami pa ring nahahawa sa iba-ibang estado sa buong bansa.
“Kakaiba ang lahat ng naramdaman ko,” kuwento ni Nneoma Okonogha, isang 14 na taong gulang na ginamot para sa Lassa fever – isang virus na nakukuha ng tao mula sa mga gamit sa bahay o pagkain na nadumihan ng mga daga. “Ang naisip ko’y binabangungot ako.”
Kapag ang tao ay may Lassa fever, maaari niyang ipasa ito sa iba sa pamamagitan ng kanyang body fluids. Sabay-sabay nagkaroon ng viral haemorrhagic fever sina Neoma, ang kapatid niyang si Ukamaka, at ang ina nilang si Priscilla. Ginamot silang tatlo sa Alex Ekweme University Teaching Hospital sa Abakiliki (AE-FUTHA), Ebonyi State, Nigeria.
“Sa sobrang tindi nito, nang nagsisisigaw ang mga bata dahil sa nararamdaman nilang sakit, di ko sila matulungan dahil sa bagsak din ako,” sabi ni Priscilla, na nagtatrabaho rin sa ospital na iyon bilang empleyado ng gobyerno.
Sa Nigeria, ang Lassa fever ay katutubong sakit. Halos taun-taon ay mga natutuklasan at naitatalang kaso. Ngunit matapos ang isang malalang outbreak noong 2018, nang mahigit 600 ang kumpirmadong nagka-impeksyon, at 171 ang namatay, nagpadala ang World Health Organization ng mga espesyalista mula sa Nigerian Centre for Disease Control (NCDC) at Nigeria Field Epidemiology and Laboratory Training Program (NFELTP)sa ilang mga estado, kasama ang Ebonyi.
Noong March 2018, nagsimula ang Doctors Without Borders / Médecins sans Frontières (MSF) sa pagsuporta sa Lassa treatment centre sa AE-FUTHA. Mula noon, ang aming mga team ay nakikipag-ugnayan na sa Ministry of Health (MoH) upang gamutin ang mga pasyenteng may Lassa fever.
Ang paggamot ay napatunayang mahalaga para sa komunidad kung saan mahigit sa 15 pasyente na may Lassa fever sa Abakaliki project ang ginamot sa unang buwan pa lang ng 2022. Sa buong Nigeria, 115 na ang kumpirmadong kaso at 26 na ang namatay sa 30 local government areas sa 11 estado ng bansa.
“Nagkaroon ako ng Lassa fever noong Pebrero 2021. Nagulantang ako noong nagpositibo ako,” sabi ni Anastasia, isang pasyenteng gumaling mula sa Lassa na taga Abakaliki. “Mistulang malaria ito, kaya bumili ako ng gamot sa malaria. Pero pagkatapos ng tatlong araw ng pag-inom noon, may sakit pa rin ako. Sa katunayan, lumala pa ang kalagayan ko.”
May Lassa fever na pala siya noon, pero salamat na lang at nakakuha si Anastasia ng anti-viral treatment na kinakailangan niya upang gumaling. Ang pag-aakala niya na malaria iyon ay pangkaraniwang pagkakamali.
- Anastasia Chigoziri Obiomarichi
-
Si Anastasia Chigoziri Obiomarichi, 24, ay isang make-up artist na nakatira sa Nkaliki, Abakaliki, Ebonyi State, Nigeria. Siya rin ay survivor ng Lassa fever. Noong una, akala niya’y may malaria at typhoid infection siya dahil dalawa sa kanyang mga kapamilya ay nagka-malaria bago siya dinapuan ng sakit. Sa kasamaang palad, lalo lang siyang napasama sa mga gamot na ininom niya. Hindi nagtagal, inilipat siya sa observation room ng Alex Ekwueme Federal University Teaching Hospital, Abakaliki kung saan natukoy na mayroong siyang lassa fever. Sabi niya, noon lang niya narinig ang lassa fever.
“Noong nagpositibo ako para sa lassa fever, nagulantang ako dahil hindi ko alam kung saan nanggaling iyon. Akala namin, ordinaryong malaria lang at typhoid”. Bago siya nagkasakit, naaalala ni Anastasia na siya at ang ilang miyembro ng kanyang pamilya ay uminom ng garri (cassava flakes). Ito ang pinagdududahan niyang naging sanhi ng kanilang sakit.
Salamat sa Doctors Without Borders, nagamot siya at gumaling.
“Malaki ang naitulong ng Doctors Without Borders. Hindi nila ako siningil. Dinisimpekta nila ang aming bahay upang matiyak na wala nang magkakasakit sa amin.”
Ngayon, si Anastasia, kasama ang ibang mga survivor ng lassa fever, ay nakikipagtulungan sa Doctors Without Borders sa pagbahagi ng kaalaman sa mga komunidad na ang lassa fever ay hindi kailangang mauwi sa kamatayan dahil ito’y may lunas.
- Okonagha Family
-
Ito si Priscilla Okonagha at ang kanyang pamilya. Noong Pasko ng 2018, nagdaos ang pamilyang Okonagha ng isang malaking selebrasyon, ngunit panandalian lang pala ang kanilang kaligayahan. Noong Enero 2019, si Priscilla Okonagha, isang civil servant na nagtatrabaho sa Alex Ekwueme Federal University Teaching Hospital (AE-FETHA) at ang kanyang dalawang anak na sina Diamond Ukamaka Okonagha at Priscy Nneoma Okonagha ay nagkaroon ng lassa fever.
Bago ito natukoy bilang lassa, binigyan sila ng gamot para sa malaria ng mga healthcare centre na kanilang pinuntahan, ngunit hindi ito nakatulong.
“Mula Enero 1, 2019, nagsimula akong magkaroon ng kakaibang pakiramdam. Akala ko, kailangan ko lang ng gamot para sa malaria. Tapos, nagkasakit na rin ang dalawa kong anak. May mga gabi na nagsisisigaw sila sa sakit, pero hindi ko sila madamayan dahil ako rin ay malala na ang kondisyon.”
Ang asawa ni Priscilla na si Mr. Martins, na nagtatrabaho para sa Federal Road Safety Corp ng Nigeria ay kinabahan ng napag-alaman na ang kanyang pamilya ay may lassa fever.
“Natakot talaga ako, pero naalala ko na sinabihan ako ng isang Doctors Without Borders staff na nagagamot ang sakit na ito, kaya’t hindi ako dapat mataranta.”
Ayon kay Priscy Nneoma Okonagha, isa sa kanilang mga anak, tila isang bangungot ang kanyang naranasan. “Kakaiba ang nararamdaman ko. Nanibago ako dahil ngayon lang ako naospital. Sabi ko sa nanay ko, gusto ko ng ice cream pero wala naman akong ganang kumain”. Bumuti ang kanyang disposisyon pagkatapos siyang gamutin ng Doctors Without Borders team.
Salamat sa Doctors Without Borders, wala nang may lassa fever sa pamilyang Okonagha. “Inasikaso kami nang mabuti rito. Noong sinimulan nila kaming gamutin, may nakita agad kaming magandang resulta. Kapuri-puri ang mga tao rito. Mula sa doktor hanggang sa pinakamababang staff, kitang-kita ang kanilang dedikasyon sa kanilang tungkulin.”
- Ikenna Ahaotu
-
Si Ikenna na taga Imo state southeast Nigeria ay nagtatrabaho para sa Federal Road Safety Corp.
Noong unang lumitaw ang sintomas ng Lassa fever, akala ni Ikenna na malaria ito at nagsimula siyang uminom ng gamot para rito. Subalit, lalo lang lumala ang kanyang sakit. Noong hindi siya tinulungan ng isang health centre bunga ng takot, nataranta siya noong sinabihan siyang maaaring ito’y lassa fever.
Binigyan siya ng test ng Doctors Without Borders team sa Alex Ekwueme University Teaching Hospital, sa Abakaliki kung saan nakumpirma na mayroon siyang lassa fever.
“Ang naalala ko na lang, matapos ang dalawang araw sa ospital, naging comatose ako. At kahit noong hindi na ako comatose, mahigit dalawang linggo pa rin akong walang malay. Pero hindi ako nawalan ng pag-asa dahil alam ko namang nagagamot ang lassa.”
Kahit na magaling na si Ikenna, alam niyang kung maaga siyang nagpa-test at naagapan ang sakit niya, hindi magiging ganoon ka-kumplikado ang pagdadaanan niya. Adbokasiya niya ngayon na kumbinsihin ang mga taong magpa-test habang maaga, at maging bukas sa posibilidad na malalagay sila sa quarantine.
“Totoong sakit ang Lassa. Kailangan tayong maging maingat na maingat. Laging maghugas ng kamay at maging maingat sa kalinisan. Tiyaking walang mga daga sa inyong mga bahay. Kung may mapapansin kayong kakaiba sa inyong nararamdaman, pumunta na sa ospital.”
Patient stories
Malaki ang pagkakahawig ng mga sintomas ng Lassa fever sa mga sintomas ng malaria, kaya’t mahirap itong tukuyin. Karamihan sa mga medical staff ay walang partikular na pagsasanay sa pagtukoy at paggamot ng Lassa. Kadalasan, ang resulta nito’y nakatatanggap lamang ang mga pasyente ng tamang diagnosis kapag malala na ang sakit at mas mahirap nang gamutin.
Magmula noong inilunsad namin ang aming pagkilos kontra-Lassa sa pakikipagtulungan sa MoH sa estado ng Ebonyi, layunin naming harapin ang sanhi ng Lassa fever at mapigilan ang pagkalat nito sa mga apektadong indibidwal. Ang isang rapid diagnostic testing (RDT) trial para sa Lassa fever ay kasalukuyang sentro ng pagsasaliksik sa AE-FUTHA. Kung mapatunayang epektibo ang isang RDT, makatutulong itong mabawasan nang malaki ang oras ng paghihintay para sa mga resulta ng laboratory test.
Ang team ng Doctors Without Borders ay nagsasagawa ng pampublikong health promotion activity tungkol sa lassa fever, sa Abakaliki, Ebonyi State. Nigeria, 2021. © MSF/Hussein Amri
“Gusto naming makita kung maaaring alternatibo ang RDT sa pangangasiwa o pagtukoy ng Lassa fever,” sabi ni Okereke Michael Uche, isang doktor mula sa Doctors Without Borders. “Mahalaga ang napapanahong pagtugon; ang isang pasyenteng banayad lang ang mga sintomas ay maaaring biglang lumala. At kapag ito’y malala na, mahirap na itong gamutin,” sabi niya.
Upang matiyak na patuloy ang pagsulong ng laban kontra-Lassa, ang aming mga team ay patuloy na nagbibigay ng mga gamot, lab supplies, at personal protective equipment (PPE). Binibigyan din namin ng pagsasanay ang AE-FUTHA staff tungkol sa clinical management at Infection Prevention Control (IPC) para sa Lassa fever. Nagbibigay rin ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan upang mabawasan ang epekto ng sakit na ito sa pag-iisip ng mga nagpositibo o pinaghihinalaang kaso at ng kanilang mga pamilya.
May mga nawalan ng trabaho, pinalayas sa kanilang komunidad, at naputulan ng mga ugnayan dahil sa Lassa fever, bilang pasyente man o tagapangalaga.
Sa pamamagitan ng isang team ng mga health promotor, nagsusumikap kaming bigyan ng edukasyon ang mga komunidad ukol sa sakit na ito. Nag-oorganisa ang team ng mga pagpupulong sa komunidad, health talks at mga kampanya para sa kabatiran tungkol sa sakit na ito sa mga barangay at lokal na government areas sa estado ng Ebonyi.
Ang layunin nito ay ang baguhin ang asal ng mga tao. Isa-isa naming kinakausap ang mga tao upang matiyak na naiintindihan ng lahat ang mga mensahe at nalalaman nila ang mga sanhi at gamot para sa Lassa.Benjamin Uzoma, health promotion spv.
Limang survivor ng Lassa fever ang kasalukuyang tumutulong sa mga health promotion team upang magbahagi ng kaalaman ukol sa sakit na ito na hango sa kanilang mga sariling karansan. “Ibinahagi ko lang ang aking naranasan,” sabi ni Anastasia, isang Lassa fever survivor. “Nakatutulong itong malaman ng mga tao na totoong may Lassa fever, pero maaari itong mabigyan ng lunas kung ito ay matukoy at magamot nang maaga,” dagdag ni Anastasia.
Ang Lassa fever ay malubhang sakit, ngunit kapag may sapat at tamang impormasyon ang mga doktor at mga komunidad, hindi lang ito nakababawas sa stigma, nabibigyan din ang mga pasyente ng napapanahong pangangalaga para sa maaga nilang paggaling.Luigi Sportelli, project med. referent