Tigdas sa DRC: Ang walang katapusang pakikibaka laban sa isa sa mga pinakanakahahawang sakit sa mundo
Isang vaccination point na itinayo ng Doctors Without Borders sa Bangabola health zone. Sa emergency intervention na ito, ang aming team ay nakapagbakuna na laban sa tigdas ng mahigit sa 33,000 na bata edad 6 hanggang 59 na buwan. Democratic Republic of Congo, 2022. © Pacom Bagula/MSF
Kada dalawa hanggang tatlong taon, naaapektuhan ng mga outbreak ng tigdas ang sampu-sampung libo, o baka nga daan-daang libo pang mga bata sa Democratic Republic of Congo (DRC). Nitong nakaraang taon, mahigit sa 148,600 na kaso ang naitala at 1,800 ang naiulat na namatay dahil sa naturang sakit. Paano maipapaliwanag ang paulit-ulit na emergency na ito? At higit sa lahat, paano natin ito wawakasan?
Kapag pinag-uusapan ang emergency sa DRC, ang problema ng tigdas ay hindi ang una mong maiisip. Ngunit ang sakit na ito’y madalas na nagpapahirap sa mga maliliit na bata—ang mga pangunahing biktima ng tigdas—at siyang pangunahing dahilan ng ilang taong pagkilos ng mga emergency team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa DRC.
"Meron kaming limang emergency team na pinakikilos anumang oras upang tumugon sa mga outbreak ng tigdas sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kaya lang, sa tuwing may napupuksa kaming apoy, liliyab na naman iyon sa ibang lugar," sabi ni Dr. Louis Massing, ang medical referent ng Doctors Without Borders sa DRC. "Noong 2022, nakagawa kami ng 45 measles-related emergency interventions; iyon ay higit pa sa tatlong kapat ng aming emergency response sa DRC."
Nag-organisa ang mga awtoridad pangkalusugan ng mga malawakang kampanya sa pagbabakuna, na sinuportahan ng mga pangdaigdigang organisasyon tulad ng Doctors Without Borders, kung kaya’t malaki ang ibinaba ng bilang ng mga kaso noong 2021.
"Ngunit nitong nakaraang taon, halos kalahati ng mga health zone sa bansa ay nalagay na naman sa sitwasyon ng epidemya," hinaing ni Dr. Massing. "At hindi pa ito tapos. Noong Enero 2023 lamang, 20,000 na ang mga pinaghihinalaang kaso ng tigdas na iniulat sa DRC. Ang aming mga team ay tumugon na sa mga outbreak ng tigdas sa mga probinsya ng Tshopo, Maniema, South Kivu, North Kivu, Lomami at Lualaba."
"Hindi maaaring may mahinang kawing"
Ang tigdas ay isa sa mga pinakanakahahawang sakit sa mundo. Buti na lang may bakuna, laban dito na makapagbibigay ng halos kumpletong proteksyon kapag ang isang tao ay dalawang beses nang naturukan. Dahil ang isang taong may dala ng virus nito ay maaring makahawa sa 90 porsiyento ng mga hindi pa bakunadong kanyang nakakasalamuha, ang pagtiyak ng kumpletong pagbabakuna ay napakahalaga. Kaya naman nangangailangan ng malaking pondo para sa routine vaccination, surveillance at catch-up campaigns.
Ang pakikibaka sa tigdas ay parang kadena na na ipupulupot sa virus: kapag naputol ang isang kawing, makakatakas ang virus. Kaya’t una, kailangang tiyakin ng bansa na may sapat na bakuna upang maiwasan ang pagkaubos ng mga stock ng pasilidad pangkalusugan. Kinakailangan ding tiyakin na ihahatid ang mga bakuna sa mga pasilidad pangkalusugan at mayroon silang kapasidad na mag-imbak nito sa tamang kondisyon. Kailangan ding may staff sa lugar upang bakunahan ang mga bata habang sila’y sumasailalim sa konsultasyon, at kinakailangan ding may kakayahan ang mga pamilyang pumunta sa lugar ng pagbabakuna. At ang pinakahuli, kailangang mag-organisa ng regular na catch-up campaigns upang maprotektahan ang mga batang hindi nabakunahan. Dahil sa bagsik ng tigdas, hindi maaaring may mahinang kawing.Dr. Louis Massing, Medical Referent
Sa kasamaang palad, marami sa mga kawing ay mahina sa DRC, at ang sitwasyon ay lalong pinalalala ng mga paghihigpit sa seguridad, ng mga hamon upang maabot ang iba’t ibang lugar, at ng mataas na birth rate ng bansa—mahigit sa 2 milyong sanggol ang ipinapanganak kada taon at kailangan silang protektahan mula sa sakit.
Bilang resulta, kahit na may mga emergency campaign na isinagawa sa bawat outbreak, hindi pa rin sapat ang immunization coverage o ang bilang ng mga nabakunahan. Bagama’t ang mga pagtantiya sa bilang ng mga nabakunahan ay maaaring magkakaiba depende sa pinagkunan ng impormasyon, ang pinakahuling datos na galing sa UNICEF at World Health Organization (WHO) ay nagbibigay ng indikasyon na pagdating ng 2021, 55 porsiyento lang ng mga bata ang nabakunahan ng isang beses. Upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na ito, dapat ay 95 porsiyento ng mga bata ang mabakunahan ng dalawang beses.
Si Didier, logistics supervisor, ay siyang namamahala sa pagdala ng mga bakuna mula sa Doctors Without Borders base sa bayan ng Bangabola papunta sa mga pampang ng ilog ng Ngiri. Ang mga bakuna ay isasakay sa mga bangka upang dalhin sa Lisombo, isang health area na 65 kilometro ang layo at mararating lamang sa pamamagitan ng pagtawid sa ilog. Aabutin ng pitong oras ang biyahe kung de-motor ang bangka, at labing apat na oras naman kung magsasagwan lang. Democratic Republic of Congo, 2022. © Pacom Bagula/MSF
"May mga lugar na mararating lamang ng dugout canoe, o di kaya’y puwede ring lakarin, tatagos ka sa gubat," sabi ni Alexis Mpesha, logistics manager para sa isa sa mga emergency team ng Doctors Without Borders sa DRC. "Pangkaraniwan na para sa aming mga team na kami lamang ang nakakarating sa ilang barangay dahil ang mga lokal na awtoridad pangkalusugan ay salat sa gamit, fuel at mga tauhan upang makarating roon."
Gustuhin man ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, nakakapanghina ng loob ang layo nila sa health center, ang mataas na pamasahe, at ang minsa’y malaking sinisingil sa kanila para sa konsultasyon. "Ang pangangalaga ay mahal at limitado ang aming mga resources," sabi ni Anne Epalu, isang katutubo mula sa Bangabola, kung saan tumugon ang Doctors Without Borders sa isang outbreak ng tigdas noong 2022. "May mga batang namatay dahil walang pera ang kanilang mga magulang para ipagamot sila."
Ang aming mga emergency team sa DRC ay nagbakuna laban sa tigdas ng mahigit sa dalawang milyong bata sa 14 na probinsiya, at gumamot ng 37,000 na batang may tigdas. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay ipinapadala upang suportahan ang Ministry of Health sa pag-organisa sa mga kampanya sa pagbabakuna at magtayo ng mga treatment centre kapag may naiulat na mabilis na pagdami ng mga kaso sa isang lugar kung saan limitado ang kapasidad ng komunidad, o kaya’y mahirap puntahan ang lugar. Bukod sa mga emergency intervention sa mga outbreak, ang Doctors Without Borders ay nagbibigay din ng logistical support para sa routine vaccination sa mga pasilidad pangkalusugan sa ilang probinsiya kung saan namamalagi ang ilang mga team.
Kailangang-kailangang palakasin ang programa sa pagbabakuna
Noong 2022, ang mga emergency team ng Doctors Without Borders sa DRC ay nagbakuna ng mahigit 2 milyong bata sa 14 na probinsiya at gumamot ng 37,000 na pasyenteng may tigdas. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay ipinapadala upang suportahan ang Ministry of Health sa pag-organisa sa mga kampanya sa pagbabakuna at magtayo ng mga treatment centre kapag may naiulat na mabilis na pagdami ng mga kaso sa isang lugar kung saan limitado ang kapasidad ng komunidad o kaya’y mahirap puntahan ang lugar. Bukod sa mga emergency intervention sa mga outbreak, ang Doctors Without Borders ay nagbibigay din ng logistical support para sa routine vaccination sa mga pasilidad pangkalusugan sa ilang probinsiya kung saan namamalagi ang ilang mga team sa buong taon.
Ngunit kailangan ng mas matinding pagsusumikap at mas malaking pondo mula sa mga awtoridad pangkalusugan at sa kanilang mga katuwang upang paunlarin ang immunization coverage sa DRC at mapigilan ang walang katapusang siklo ng epidemya.
Kailangang madaliin ang pagsama ng pagbibigay ng pangalawang bakuna sa routine measles immunization activities. Kamakailan lang ay ginamit ng mga awtoridad ang ganitong pamamaraan at ito’y nagdulot ng malaking pagkakaiba. Ang pag-aalok ng systematic catch-up vaccination activities sa mga pediatric consultation na isinasagawa sa mga pasilidad pangkalusugan ay makatutulong rin upang madagdagan ang immunization coverage sa DRC.Dr. Louis Massing, Medical Referent
Samantala, dahil walang humpay ang mga outbreak sa bansa, at maraming bata ang nalalagay sa panganib araw-araw, mahalagang mag-organisa ng mga mass catch-up vaccination campaign (na plinano noong pagtatapos ng 2022) at agarang ipatupad ito sa buong bansa.
"Samantala, ang aming mga team ay naninindigang patuloy kaming tutugon sa mga flare-up ng tigdas sa DRC at susuporta sa mga awtoridad pangkalusugan sa abot ng aming makakaya. Ngunit para magawa namin iyon, mahalagang magkaroon ng sapat na emergency vaccines sa bansa," paliwanag ni Dr. Louis Massing.