Mpox outbreak sa DRC: limang bagay na dapat malaman
Nagsasagawa ang mga team ng Doctors Without Borders ng health promotion session upang iangat ang kamalayan ukol sa epidemya ng Mpox. DRC, Mayo 2023. © MSF
Nitong mga nakaraang buwan, lumala ang sitwasyon at nagkaroon ng biglaang pagdami ng mga taong apektado nito. Nagkaroon din ng mutation o pagbabago ang virus, kung kaya’t maaari na itong maipasa ng tao sa tao. Nalaman din na may mga pinaghihinalaang kaso sa mga lugar para sa mga taong lumikas sa probinsiya ng North Kivu.
Ano ang sitwasyon sa bansa, at ano ang mga ginagawa ng mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) upang harapin ang emergency na ito? Nagbigay si Dr. Louis Albert Massing, ang Medical Coordinator ng Doctors Without Borders sa DRC, ng ilang kasagutan.
Ano ang mpox at ano ang mga panganib na dala nito?
Ang mpox ay isang sakit na dulot ng monkeypox virus. Ito ay naipapasa sa tao na nagkaroon ng close contact sa mga hayop na may impeksyon. Mula noong dekada sitenta, ang virus na ito ay katutubo sa Central Africa (strain I) at sa West Africa (strain II). Mabilis itong kumalat sa buong mundo mula 2022 hanggang 2023. Sampu-sampung libo ng mga kaso na naiugnay sa West African variant ang iniulat sa mahigit 110 na bansa.
Ang mga sintomas ng mpox ay mga pantal o rashes, mga sugat o lesions, at pananakit o pain. Ang lahat ng ito ay nangangailangan ng paggamot upang hindi lumala ang mga sintomas at maiwasan ang mga kumplikasyon. Ang karamihan sa mga nagagamot na pasyente ay gumagaling sa loob ng isang buwan, ngunit ito’y maaari ring makamatay kung hindi gagamutin. Sa DRC, kung saan ang mortality rate para sa strain ay higit na mas mataas kaysa West Africa, mahigit 479 na tao na ang namatay mula noong nag-umpisa ang taon. Ayon naman sa World Health Organization (WHO), may mga 89 na tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang namatay dahil sa mpox noong 2022.
Ano ang kasalukuyang sitwasyon sa DRC?
Ayon sa kasaysayan, ang sakit na ito ay katutubo sa 11 sa 26 na mga probinsiya ng bansa. Ngunit mahigit dalawang taon nang patuloy ang pag-akyat ng bilang ng mga kaso, kung kaya’t nagdeklara ng epidemya ang mga awtoridad pangkalusugan noong Disyembre 2022. Naging triple ang bilang ng mga kaso noong 2023: mahigit 14,600 na pinaghihinalaang kaso ang naipagbigay-alam at 654 ang naiulat na namatay. Lalong lumala ang sitwasyon noong 2024. Mula Enero hanggang kalagitnaan ng Hulyo, mahigit 12,300 na pinaghihinalaang kaso ang naiulat, at 23 na probinsiya ang naapektuhan.
Ang mabilis na paglaganap ng epidemya ay nakababahala, lalo pa’t natukoy na may genetic mutation ang virus sa probinsiya ng South Kivu, kung saan ilang buwan ng naipapasa ang sakit ng tao sa tao. Ito’y hindi pa nakikita sa Congo Basin strain, hindi katulad ng West African strain na naging sanhi ng epidemya sa mundo noong 2022. Bukod sa mutation, isa pang alalahanin kaugnay ng sakit na ito ay ang naiulat na pagkakaroon ng mga kaso sa mga kampo ng mga displaced na tao sa Goma, North Kivu, kung saan nagiging kritikal ang sitwasyon dahil sa makapal na populasyon. May totoong posibilidad na lalaganap ang sakit, lalo pa’t maraming tao ang labas-masok sa DRC.
Ang pagtukoy ng mga kaso, ang pagsubaybay sa mga pasyente, at ang pangangalagang makukuha ay nananatiling lubhang limitado, habang ang kakulangan ng mga bakuna ay lalong nagpapahirap sa sitwasyon. Sa ilang mga komunidad, nagiging kumplikado ang pagsunod ng mga tao sa mga panukalang para sa pampublikong kalusugan dahil sa paniniwalang may koneksyon ang sakit sa mistisismo o pangkukulam. Ito ay indikasyon ng pangangailangang makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga pinuno ng mga komunidad upang mapasunod ang lahat sa mga panukala. Nananawagan ang Doctors Without Borders na pakilusin na ang lahat ng sangkot sa pagtugon, at na ang mga pinakananganganib na komunidad ay protektahan na sa pamamagitan ng pagbabakuna sa lalong madaling panahon.
Ano ang sitwasyon ng pagbabakuna sa DRC?
Nabigyang-bisa na sa DRC ang dalawang bakuna, ngunit wala pang nakukuhang supply ng mga ito. Sa kasalukuyan, nakikipagnegosasyon pa sa ibang bansa, at tinutukoy ang mga lugar na dapat bigyan ng prayoridad. Umaasa kaming mareresolba ang lahat ng ito, at makakakuha ng sapat na bakuna para sa mga lugar kung saan pinakamabilis na lumalaganap ang epidemya.
Ano ang ginagawa ng mga team ng Doctors Without Borders sa ngayon?
Naghanda na kami ng ilang mga interbensyon para suportahan ang pagtugon sa outbreak. Hindi ito ang unang pagkakataong gagawin namin ito. Mayroon na kaming mga isinagawang emergency intervention noong 2021 sa lalawigan ng Mai-Ndombe, at sa lalawigan ng Équateur naman noong 2023 at nitong 2024. Dahil sa mga kaganapan kamakailan lang, dinagdagan pa namin ang aming pagsusumikap.
Mula kalagitnaan ng Hunyo, sinusuportahan ng isa sa aming mga team ang Uvira health zone sa South Kivu. Sinusuportahan namin ang pagbibigay ng pangangalaga sa mga taong may malalang sintomas sa Uvira general referral hospital, at ang pagsubaybay sa mga hindi gaanong malubha ang kondisyon bilang outpatient, habang ibinubukod ang mga pinaghihinalaang kaso. Nagbibigay rin ang aming mga team ng mga pagsasanay sa mga medical staff ukol sa medical management, at tumutulong rin sa pagpigil ng mga impeksyon, mga hakbang sa pagkontrol, at sa pag-angat ng kamalayan ng komunidad ukol sa sakit na ito. Sa Uvira, nitong nakaraang limang linggo’y mahigit 420 na pasyente na ang nagamot ng Doctors Without Borders, kasama rito ang 217 na malalang kaso. Binibigyan din namin ang mga ospital ng mga kit para sa paggamot at sa pagkuha ng mga sample.
Sa North Kivu, naglunsad kami ng mga aktibidad para sa pagmamatyag at sa pag-aangat ng kamalayan ukol sa sakit na ito sa mga kampo para sa mga taong napilitang lumikas sa mga lugar sa Goma kung saan naroon din kami. Pinalalakas din namin ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang triage, pagbubukod at pag-aasikaso ng mga pasyenteng kinakakikitaan ng mga sintomas ng mpox.
Sa hilagang kanlurang bahagi ng bansa, dalawa pang interbensyon ang inilunsad: isa sa Bikoro health zone sa Équateur, at ang isa nama’y sa Budjala health zone sa South-Ubangi. Ang mga interbensyong ito ay ipapatupad nang ilang buwan. Layunin nitong mabigyan ng pagsasanay ang medical staff ukol sa pangangalagang medikal at sikolohikal, mapabuti ang epidemiological surveillance, pagpigil sa mga impeksyon at ang pagpapatupad ng mga panukalang para sa pagkontrol, gaya ng pag-angat ng kamalayan sa komunidad, partikular na ang mga grupong minsa’y mahirap himuking makisangkot gaya ng mga taong may kapansanan. Sa Budjala, 329 na pasyente ang nagamot sa tulong ng aming pagsuporta mula kalagitnaan ng Hunyo hanggang kalagitnaan ng Hulyo. Sa lalawigan naman ng Équateur, magsasagawa rin kami ng operational research kasama ang mga awtoridad pangkalusugan upang mas maunawaan namin ang pagkilos ng virus at kung paano malalabanan ang sakit na dulot nito.
Ano ang mga dapat gawing prayoridad?
Ang epidemya ay kumakalat sa mga lugar na minsa’y magkaibang-magkaiba ang demograpiko at geograpiya, kung kaya’t ang pagtugon ay di lang dapat iangkop sa iba’t ibang sektor kundi pati na rin sa iba’t ibang konteksto. Habang di pa dumarating ang mga bakuna, dapat suportahan ng pinakamaraming posibleng katuwang ang ibang mahahalagang aspeto ng pagtugon gaya ng pagsusuri sa laboratoryo, pagmamatyag, suporta para sa ibinubukod at sa nagbubukod sa sarili, pag-angat ng kamalayan, at iba pa. At siyempre, nariyan din ang pangangalaga sa mga pasyente. Sa kasulukuyan, nagdurusa ang mga aspetong ito dahil sa mga kakulangan at nangangailangan ng maraming mapagkukunang-yaman upang makatakbo ang mga ito nang maayos.
Para naman sa iba, gaya ng aking sinabi, ang magagawa lang natin ay makiusap, gaya ng karamihan, upang ang mga bakuna ay dumating na sa bansa sa lalong madaling panahon at dumating nang maramihan, upang maprotektahan natin ang mga komunidad na naaapektuhan, partikular na ang mga grupong pinakananganganib gaya ng mga health worker na Congolese na nauuna sa maaaring magkaimpeksyon, pati na rin ang ibang grupong nasa panganib, gaya ng mga sex worker at mga taong napilitang lumikas at manirahan sa mga kampo.
Susuportahan mo ba kami?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon.