Sampung taon pagkatapos ng Ebola outbreak sa West Africa: Limang mahalagang paalala
Dinala ng staff ng Doctors Without Borders sa morgue ang bangkay ng isang pasyenteng namatay dahil sa Ebola. Sierra Leone, Disyembre 2014. © Anna Surinyach
Si Dr Michel Van Herp, isang kilalang dalubhasa sa Ebola bago pa noong 2014, ay nagbalik-tanaw sa pinakamalaking outbreak ng Ebola sa kasaysayan, at sinagot ang limang mahahalagang tanong ukol sa kaganapang ito.
1. Ano ang nangyari noong 2014?
“Noong nabasa namin ang mga ulat tungkol sa mga taong namamatay dahil sa di matukoy na sakit sa Guinea noong kasisimula lang ng 2014, naisip na namin na malamang ay outbreak iyon ng Ebola, kahit na hindi iyon pangkaraniwang sakit sa West Africa. Pinadala namin doon ang aming mga Ebola team. Noong panahong iyon, ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay isa sa iilang organisasyong may karanasan sa pagtugon sa mga outbreak ng Ebola. Ngunit ang naabutan ng aming mga team ay isang outbreak ng sakit na ilang buwan nang tahimik na kumakalat, at nasa mga lugar na higit ang dami sa mga dating hinarap ng kahit sino sa amin.
Nangyari ang outbreak sa isang bahagi ng mundo kung saan hindi inaasahang susulpot ang Ebola,sa isang lugar na hindi interesado ang mga awtoridad at walang handang humarap ag sitwasyon. Napakatagal na panahon ang lumipas bago binigyan ng mga pamahalaan, mga ahensiya ng UN, at mga aid organization ang outbreak ng sapat na atensyon. Ilang beses pinatunog ng Doctors Without Borders ang alarma pero tila walang nakikinig.”
2. Ano ang kakaiba sa outbreak na ito?
“Noon lang nagkaroon ng magkakasabay na outbreak ng Ebola sa napakaraming bansa. Kumalat ang virus sa Guinea, Sierra Leone at Liberia, subali’t mayroon ding mga kaso sa Senegal, Mali at Nigeria. Iyon din ang kauna-unahang pagkakataon na ang mga bansa sa kanluran, katulad ng Italy, Spain, UK, at USA, ay nagkaroon ng mga kaso ng Ebola.
Ang dami ng naapektuhan ng epidemyang ito ay hindi mapapantayan. Nang natapos ang epidemya noong Marso 2016, mahigit 28,000 na tao ang naiulat na nahawaan, at 11,000 sa kanila ang namatay. Bago ang epidemyang ito, 425 lang ang nahawaan sa pinakamalaki nang outbreak ng Ebola. Ang lahat, pati ang Doctors Without Borders, ay lubos na napuspos ng outbreak na ito.”
3. Iba rin ba ang naging pagtugon sa outbreak na ito?
“Sa loob ng halos anim na buwan, hindi pinapansin ng mundo ang outbreak na ito. Sa wakas, pagkatapos ng tag-araw noong 2014, nagsimula nang tumulong ang ibang mga pamahalaan at ibang mga aid organization.
Noong panahong iyon, walang gamot para sa Ebola. TInatanggap ang mga pasyente sa isang klinika para sa Ebola para lang maiwasang makahawa sila ng ibang tao. Sa mga naunang outbreak, maaaring samahan ng isang miyembro ng pamilya ang pasyente. Ngunit noong 2014, dahil sa dami ng pasyente, kinailangang magtayo ng mga napakalaking istruktura para sa kanila. Mahigpit na ipinatupad ang mga patakaran para sa kaligtasan, at hindi na maaaring samahan ng kanilang mga kamag-anak ang mga pasyente. Ang ganitong patakaran ay nagdulot ng takot sa mga pasyente at sa kanilang mga pamilya.
Sa pagtatapos ng 2014, dose-dosenang mga aid organization, na ang karamiha’y walang karanasan sa pagharap sa Ebola, ang tumulong sa iba’t ibang aspeto ng pagtugon. Ang koordinasyon ng mga organisasyong nasa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang bansa ay lubhang mapanghamon. Ang ibang mga pamahalaan ay gumamit ng mga taktikang authoritarian upang mapilitang sumunod ang mga pasyente at ang kanilang mga pamilya, na lalo lang nagdulot ng takot.
Ang pagtuon sa mga pasyente at sa kanilang mga pamilya, na naging susi sa pakikibaka sa Ebola noong nakaraan, ay tila nawalan na ng kabuluhan sa laki ng pagtugon na kailangan sa outbreak na iyon.”
Kahit na napakahalaga ng mga malalaking ospital sa outbreak ng Ebola sa West Africa, nanatili pa ring makabuluhan ang pagsagawa ng mga outreach activity sa mga apektadong komunidad. Di nakakilos ang mga team sa kontroladong kapaligiran ng isang ospital, sa halip ay kinailangan nilang makibagay at umangkop sa sitwasyon kapag nagsusundo ng mga pasyente, nagbibigay ng suporta sa mga pamilya, at nagdidisimpekta ng mga bahay. Liberia, Disyembre 2014. © Yann Libessart/MSF
Sa dami ng mga bago at walang karanasang staff na sangkot sa pagtugon sa Ebola, kinailangan ng Doctors Without Borders na higpitan ang mga patakaran kaugnay ng seguridad. Ang tamang pagsuot at pagtanggal ng Personal Protective Equipment (PPE) ay mahalagang bahagi noon. Hindi ito kailanman maaring gawin nang mag-isa,kailanga’y laging may kasama upang matingnan ang PPE ng isa’t isa at tiyaking ligtas ang pagkakasuot nito. Guinea, Abril 2014. © Amandine Colin/MSF
Ipinapaliwanag ng doktor at epidemiologist na si Michel Van Herp sa populasyon ng Guinea kung ano ang Ebola at paano mapipigilan ang paglaganap nito, noong Marso 2018. Ang pagpunta sa mga apektadong barangay upang kausapin ang mga nakatira roon, ipaliwanag sa kanila kung ano ang Ebola, at alamin kung ano ang kanilang mga alalahanin ay itinuring na mahalaga sa mga outbreak bago ang epidemya sa West Africa. Guinea, Marso 2014. © Joffrey Monnier/MSF
4. May natutunan ba tayo mula sa nangyari?
“Marami sa itinuturing nating ‘mga aral na natutunan’ ay mga bagay na alam na natin bago ang taong 2014, nakalimutan lang natin. Ngunit mayroon din naman tayong natutunang mga bagong kaalaman. Halimbawa, natuto tayo kung paanong ang isang simpleng oral swab sa pumanaw ay makapagsasabi sa atin kung Ebola ang ikinamatay niya. Dahil sa kaalamang ito, mas naintindihan natin ang galaw ng epidemya.
Nakapagsagawa rin kami ng mga clinical study at nakatuklas ng epektibong bakuna laban sa Zaire strain ng Ebola. At dahil sa natutunan namin sa pag-oorganisa ng mga clinical study, naging mas mabilis ang aming pagkilos sa outbreak noong 2018 sa DRC. Sa DRC, nakatuklas kami ng gamot na may antibodies para sa Zaire strain ng Ebola.”
Si Jackson Naimah, isang team leader ng Doctors Without Borders sa Ebola Treatment Centre sa Monrovia, Liberia, ay nagbibigay ng pahayag sa UN Security Council sa New York ukol sa matinding pangangailangan na bigyan ng atensyon ang krisis na sanhi ng paglaganap ng Ebola sa rehiyon. Mahabang panahon ang lumipas bago ang UN, ang ibang mga pamahalaan at ang ibang mga aid agency ay nagsimulang tumulong sa Guinea, Liberia at Sierra Leone—ang tatlong bansang pinakaapektado ng epidemya. Liberia, Setyembre 2014. © Morgana Wingard
5. Ano ang kailangang mangyari para sa hinaharap?
"May mga konkretong bagay na maaari nating gawing mas mabuti. Dapat ay muling pahintulutan na samahan ang pasyente ng isang miyembro ng kanyang pamilya sa klinika para sa Ebola. Mas kaya na silang protektahan ngayon sa pamamagitan ng pagbabakuna at pagbibigay ng mga gamot para sa pre-exposure prophylaxis.
Ang mga pasyenteng malala ang kondisyon ay dapat makatanggap agad ng antibody treatment. Ang antibodies ay maaaring makasagip ng buhay. Mas epektibo ang paggamot na ito kapag mas maagang naibigay sa pasyente. Dapat gawing angkop ang aming mga modelo upang magamit ito sa pinakamabuting paraan. Kailangan ding patuloy ang paghahanap ng iba pang paggamot. Ang Ebola virus ay maaaring magbunsod ng inflammatory response na sa sobrang lakas ay maaari itong ikamatay ng pasyente. Kung mayroong gamot na makapagpapakalma ng inflammatory response, mas marami ang masasagip na mga pasyenteng may Ebola.
Kailangan din nating pagbutihin ang pagsubaybay sa mga pasyente matapos nilang gumaling. Ang virus ay maaaring manatili sa utak, sa mga mata, at sa testes ng mga survivor. Ito ay maaaring matanggal ng isa pang klase ng gamot, ang mga antiviral. At anim na buwan matapos silang ganap na gumaling, kailangang bakunahang muli ang mga Ebola survivor upang palakasin ang kanilang immune system.
Nitong nakaraang sampung taon, may mga pagkakamali kaming nagawa sa aming pagtugon sa mga Ebola outbreak. Ang ilang pagkakamali ay pinuwersa, ngunit meron din namang hindi. Sa pangkalahatan, malinaw naman na napaunlad namin ang sitwasyon, at marami pang nabuksang landas para sa karagdagang pag-unlad. Kung ihahambing sa nangyari noong 2014, mas mataas na ang posibilidad na maililigtas ang isang pasyenteng may Ebola sa susunod na outbreak.”