Ang pagsusumikap ng Doctors Without Borders na wakasan ang mga gawaing mapang-abuso
Ang nars mula sa Lotumbe General Reference Hospital ay papunta sa Ebola Treatment Centre (ETC). Ang ETC ay itinayo ng Doctors Without Borders matapos makumpirma ang ilang kaso ng Ebola sa lugar na ito. Lotumbe, Democratic Republic of Congo. 22 Oktubre 2020 © Caroline Thirion/MSF
Sa huling bahagi ng 2020, naibunyag ng isang imbestigasyong isinagawa ng media ang mga pang-aabuso ng mga empleyado ng mga organisasyong sangkot sa pagtugon sa ika-sampung Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo (DRC). Isa sa mga pang-aabusong ito ay iniugnay sa Doctors Without Borders / Medecins Sans Frontières (MSF), kung kaya’t kami’y kaagad na nagsagawa ng masusing imbestigasyon at ng mga kinakailangang hakbang.
Ang pakikipaglaban sa mga pang-aabuso ay di na bago para sa Doctors Without Borders. Sa loob ng mahigit 20 taon, isa sa aming prayoridad bilang institusyon ay ang pakikibaka sa mga mapang-abusong gawain. Taun-taon, naglalathala kami ng mga datos batay sa mga ulat at imbestigasyon na isinagawa ng aming mga abuse prevention and management unit. Naniniwala kami na mahalagang ilabas sa publiko ang aming pagtugon sa mga ganitong isyu, kaya’t amin ngayong isisiwalat ang mga resulta ng aming pinakahuling imbestigasyon sa DRC.
Kahit di na hinintay ng Doctors Without Borders ang mga nalaman noong huling bahagi ng 2020, ang pagkabahala ng mga tao dahil sa lawak ng pang-aabuso ay lalong nagpabilis sa pag-iibayo ng aming pagsusumikap. Tinukoy ng imbestigasyon ng media ang isang sistema ng malawakang pang-aabuso ng mga organisasyong kumikilos laban sa Ebola, ngunit walang natatanggap ang aming mga team ni isang ulat o pag-alerto, at wala ring nakararating na reklamo sa aming abuse prevention and management units gayong malaya ang kahit sinong empleyado na makipag-ugnayan sa kanila. Bagama’t ang aming mga mekanismo sa pagbibigay-alam ukol sa pang-aabuso ay itinuturing na epektibo ng humanitarian aid sector, lumutang ang mga mahahalagang katanungan ukol sa mga kakulangan ng aming mga mekanismo. At kung mayroon ngang kakulangan, ano ang gagawin para maremedyuhan ito?
Ang dalawang bahagi ng pagtugon
Upang masolusyonan ito, naglunsad ang Doctors Without Bordersng dalawang pagkilos. Una, ang isang team ay itinakda na magsagawa ng imbestigasyon batay sa impormasyong natanggap mula sa ibang mga pandaigdigang organisasyon. Nakumpleto ang imbestigasyong ito noong Oktubre 2021. Ikalawa, isang malalim na ‘ethical review’ ang isinagawa upang malaman kung ano ang mga ginagawa ng mga Doctors Without Borders staff sa mga emergency situation tulad ng Ebola outbreak; kung gaano ka-epektibo ang mga mekanismo para sa pagpigil at pagharap sa pang-aabuso; at sa pangkalahatan, ang mga isyung etikal na kinakaharap ng mga indibidwal at ng organisasyon sa mga sitwasyon ng krisis.
Upang mapadali ang ethical review, noong ikasampung epidemya na kaugnay ng Ebola sa Beni health zone sa North Kivu, DRC, 628 na empleyado ng Doctors Without Bordersang inimbitahang sumagot sa mga katanungan. 23 panayam ang isinagawa, 219 na questionnaire ang sinagutan (nang walang inilalagdang pangalan), ibinalik at ipinagtibay, at 90 komprehensibong panayam ang isinagawa sa Beni, Goma at Kinshasa.
Ang pagtugon na ito na may dalawang aspeto ang tumulong sa amin upang matukoy at masolusyonan ang 24 na ulat ng personal na karanasan ng pang-aabuso. 13 sa kanila ay may kinalaman sa pang-aabusong sekswal, at karamihan sa kanila ay kailangang makipagtalik upang mabigyan ng trabaho.
15 ulat ng personal na pang-aabuso—sekswal nman o hindi—ang naimbestigahan na. Tatlo roon ang napatunayang nasa katwiran, kung kaya’t pinatawan ng parusa ang mga salarin; isa ang may malakas na kaso, pero hindi tiyak ang tinutukoy na salarin dahil hindi na siya nagtatrabaho sa Doctors Without Borders; dalawa ang walang katibayan; pitong kaso ang isinara dahil sa kakulangan ng impormasyon o di kaya’y ipinasara ng mismong mga nagrereklamo; at ang dalawa naman ay kinasasangkutan ng ibang mga organisasyon, at naipasa na ang mga kasong ito sa kanila. Ang proseso ng internal investigation ng Doctors Without Bordersay patuloy pa rin para sa mga natirang ulat tungkol sa pang-aabusong personal at pang-aabuso sa ari-arian, at aabutin ng ilan pang buwan bago matapos ang mga ito.
Wangata Ebola Treatment Centre, Mbandaka, Democratic Republic of Congo, 05 Mayo 2022 © MSF
Suriin at baguhin ang sistema
Bukod sa pagtukoy at pagsasaayos ng mga iniuulat na kaso ng pang-aabuso, ninais din naming suriing mabuti ang aming mga karaniwang ginagawa upang pagtibayin ang kapaligiran sa pagpigil ng pang-aabuso sa Doctors Without Borders, at sa paglapat ng parusa sa pang-aabusong ito.
Malinaw ang mga aral sa pagsusuring ito. Ang paraan ng pagpapatakbo ng Doctors Without Borders ay itinuturing na nakatutulong dahil nakikita ng aming staff na inaako namin ang responsibilidad para sa panganib ng pang-aabuso, at sa pamamagitan ng aming mga gawain, sinusubukan naming bawasan ang ganitong mga pangyayari. Ngunit meron pa ring mga hadlang, partikular na ang pagdedesisyon ng mga tao kung isusumbong nila ang pang-aabuso. Bagama’t may mga isyung nasa loob lamang ng organisasyon at kailangan naming isa-isang harapin, may mga isyu ring kaugnay ng lokal na kapaligiran at ng aming mga ginagawa sa mga komunidad. Kailangang malaman namin ang mga isyung ito, at gumawa ng mga kinakailangang hakbang para ito’y masolusyonan.
Kailangan naming mas pagbutihin ang pagprotekta sa aming mga empleyado na pinaka-nanganganib, ang mga empleyadong mababa ang posibilidad na gagamit ng mga mekanismo sa pagbibigay-alam (halimbawa, iyong mga nasa posisyon na di gaanong nangangailangan ng kakayahan); maglunsad ng mga proyektong magpapataas ng kamalayan, na ibinabagay sa mga komunidad na aming tinutulungan; tiyaking may representasyon ang iba’t ibang kasarian at lahi, lalo na sa mga posisyong tagapamahala at sa mga recruitment team; maging mas mapagmasid sa proseso ng recruitment kapag maraming tao ang kinukuha dahil sa mga emergency situation; at magbigay-daan sa pakikipag-diyalogo sa mga organisasyong katrabaho namin sa isyu ng pang-aabuso.
Sa pagitan ng ika-25 ng Abril hanggang ika-25 ng Hunyo, 2022, ang mga aral na ito ang nagsilbing gabay sa pagtugon ng Doctors Without Borders sa Ebola outbreak sa Equateur Province. Bagama’t kokonting staff lang – mga 30 empleyado ng Doctors Without Borders – ang ipinadala sa probinsiya, may mga natatanging awareness at prevention sessions na idinaos para sa aming mga team, at para na rin sa mga health worker mula sa mga pasilidad na aming sinusuportahan. Isinama ang Doctors Without Borders Behavioural Commitments sa kasunduan sa pagitan ng Doctors Without Borders at Ministry of Health. Ang mga mekanismo sa pagbibigay -alam ng pang-aabuso ay ilang beses tinalakay at binigyang diin na kapag may nangyaring pang-aabuso, inaasahang ang sinumang nakakaalam nito ay kikilos agad.
Tinuturuan ng epidemiologist na si Gaston Musemakweli si Marguerite Bekayi Bonpango, ang supervising nurse sa "Le Temps du Soir" health center sa Mbandaka, Democratic Republic of Congo. 27 Oktubre 2020 © Caroline Thirion/MSF
Hinihikayat namin ang mga debate at pagpapalitan ng mga kuro-kuro sa mga Doctors Without Borders staff sa DRC at sa ibang mga lugar, upang makahanap ng mga konkretong solusyon na makatutulong sa aming pagpapabuti ng istruktura sa pagpigil, pagtukoy at pagparusa sa mga pang-aabusong di dapat mabigyang-lugar sa aming organisasyon.
Ang umiigting na debate nitong mga nakaraang taon tungkol sa mga pang-aabuso kaugnay sa mga pagtugon sa mga humanitarian crises sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay aming maluwag na tinatanggap. Nais ng Doctors Without Borders na makapag-ambag sa diskusyon sa isang paraang madaling maunawaan at makatutulong upang makalikha ng mga kondisyon kung saan mas maraming tao ang magkakaroon ng lakas ng loob upang maipahayag ang kanilang mga saloobin, tiyaking may mga magagamit na resources upang pigilan at parusahan ang mga nang-aabuso, at tanggalin ang kaisipang maaaring takasan ang responsibilidad para sa mga ganoong gawain.
Hindi namin sinasabing wala kaming pagkakamali, pero ang aming pagsusumikap na nagawa sa loob ng halos 20 taon—at patuloy na ginagawa—ay patunay sa aming paninindigan laban sa di katanggap-tanggap na asal.