Mga Pangarap sa Paliko-likong Daan: Paano ako naging Nars ng Doctors Without Borders
© Ji Nacanaynay/MSF
Noong bata pa ako, ang lagi kong hinihingi sa aking ina ay mga laruan para sa mga kunwa’y doktor.
Mayroon akong mga plangganang hugis kidney o bato, mga forceps na magkakaiba ang laki at kulay, at mga stethoscope.
Kapag oras na ng paglalaro, kami ng mga kaibigan ko’y magkukunwaring nasa ospital kami, at dadaing sila ng mga gawa-gawang sakit na nararamdaman. Kailangan ko silang tingnan at pagalingin.
Gusto kong maging doktor. Iyon ang akala ko.
“Nandoon sa kung saan ko nais”
Nursing ang kinuha kong kurso sa kolehiyo dahil sa tingin ko noon, iyon ang pinakadirektang daan patungong medisina. Pero mayroong di inaasahang pagliko sa aking landas.
Nagsimula iyon nang una kong sinuot ang unipormeng pang-nars noong nasa nursing school pa ako. Nang makita ko ang sarili ko sa salamin, pakiramdam ko’y nandoon ako sa kung saan ko nais.
Nakadama ako ng matinding kasiyahan matapos ang paggugol ng apat hanggang anim na oras sa ospital, kasama ng aming mga pasyente. May pakiramdam din ng katuparan sa simpleng pagsuri sa kondisyon ng pasyente, o sa pagtiyak na iinumin nila ang niresetang gamot.
Ang isang taong hangganan
Sa orihinal na plano, balak kong tumuloy sa medical school pagkatapos kong maging isang registered nurse, ngunit naisip kong subukan muna ang pagiging nars ng isang taon.
Si Ji Nacanaynay kasama ang ilang bata sa Central African Republic. © Ji Nacanaynay/MSF
Ang mga una kong trabaho ay sa operating theater at delivery room, tumutulong sa mga surgeon sa mga ginagamit nilang instrumento habang nag-oopera, at tumutulong sa mga komadrona sa pagmamatyag sa mga manganganak.
Nakaka-stress pero kapana-panabik din ang mga sandaling iyon. Kaya naman pagkatapos ng isang taon, nagdesisyon akong pahabain ang aking pagsilbi bilang nars.
Pagpunta sa Libya
Pumunta ako sa Middle East. Noong panahong iyon, lahat ng kilala kong nars ay doon pumupunta. Kaya pumunta rin ako roon at muling ipinagpaliban ang mga plano ko para sa medical school.
Nagtrabaho ako sa isang surgical department sa Libya. Naging hamon ito sa aking kaalaman at mga kasanayan, pero tiningnan ko iyon bilang oportunidad na matuto at tumubo bilang isang propesyonal.
Ang gustong-gusto ko sa surgical department ay ang pagkakataong makipag-ugnay sa mga pasyente. Ito ay di ko gaanong naranasan sa operating theatre at delivery room dahil ang mga pasyente doon ay under sedation.
Nakakagana ang mga halik at walang katapusang pasasalamat ng mga pasyente. Naging mapalad din ako na makatrabaho ang mga masisipag kong kasamahan na itinuring akong kapamilya.
Pero noong 2011, nangyari ang pag-alsa.
Gusto ko sanang manatili roon, ngunit lubos na nag-alala ang aking ina. Kaya’t umuwi na lang ako upang mapanatag ang aking pamilya.
Pagkatapos ng ilang buwan, bumalik ako sa Libya at namalagi roon hanggang 2013.
Ang Bagyong Haiyan
Nilisan ko ang Middle East upang magsiyasat ng oportunidad sa Canada. Hindi ako gaanong interesado pero gaya ng dati, dahil gusto ng lahat na magtrabaho roon, nakisali na rin ako.
Ji Nacanaynay with her team mates while on assignment in 2016. © Ji Nacanaynay/MSF
Habang inaantay ko ang aking visa, hinagupit ang rehiyon ng Visayas sa Pilipinas ng bagyong Haiyan – isa sa pinakamalakas na tropical cyclone na tumama sa lupa.
Naghanap agad ako sa internet ng organisasyong nangangailangan ng mga volunteer, at doon ko nakita ang isang anunsiyo mula sa Doctors Without Borders. Sinubukan ko dahil gusto kong makita ang aking sarili bilang nars na naka-t-shirt at cargo pants.
At doon ko napagtanto: ito ang dahilan kung bakit hindi ako natuloy sa medisina. Gusto ko talagang maging nars.
Ito ako.
Isang mahirap na desisyon
Matapos ang isang linggo, tinawagan ako ng Doctors Without Borders. Labis-labis ang aking kaligayahan. Ngunit ang pamilya ko nama’y sinaklot ng takot.
Bumalik sa kanilang alaala ang kanilang pagkabalisa noong nasa Libya ako. Mahirap ang desisyong iyon, pero kailangan kong unahin ang aking pamilya.
Pumunta ako sa Canada upang mag-aral ng wikang Pranses at kumuha ng mga bridging course para sa nursing. Kinakailangan ang mga ito para makakuha ka ng permit at makapagtrabaho bilang isang nars doon. Upang matustusan ang aking pag-aaral, nagtrabaho ako sa mga nursing home at naging isang private help nurse din.
Napanatag ang isipan ng lahat maliban sa akin. Hindi ito ang ninais ko para sa aking sarili.
Huwag n’yo sanang masamain. May pagmamalasakit ako sa mga pasyente ko sa Canada at pinapahalagahan ko ang kanilang pasasalamat araw-araw. Pero hindi ako mapalagay. Ako’y nasa isang sangang-daan.
“Huwag mag-atubili”
Kinuwento ko ang aking suliranin sa aking paboritong pasyente, isang 86 na taong gulang na Jewish na babae na laging may magandang maipapayo.
Sabi niya sa akin: "Kung mayroon kang pangarap, ‘wag kang mag-atubiling gumawa ng hakbang para maabot iyon."
Pagkatapos ng siyam na buwan ng pagtahak sa isang daang walang gaanong balakid, nag-u-turn ako at sumali sa Doctors Without Borders noong 2015.
Mula noon, ako’y napadala na sa Democratic Republic of Congo, sa Central African Republic at sa South Sudan.
Nakapunta na ako sa mga liblib na lugar, nagtatrabaho, nagtuturo, gumagabay at humihimok sa iba na makita kami bilang higit pa sa aming suot na uniporme. Naging kontento na ako at patuloy pa rin akong natututo.
Naisip ko, na minsan kailangan mong lampasan ang mga hangganan ng iyong mga personal na plano at hayaan ang sariling tangayin ng mundo para sa isang paglalakbay kung saan malayo ang iyong mararating.
Nandito ako ngayon kung saan ko gusto, at hindi naman nagbago iyon.
Ji Nacanaynay works for Doctors Without Borders, based in the Hong Kong office. Before this, she was assigned to Doctors Without Borders projects in the Democratic Republic of Congo, the Central African Republic and South Sudan.