Skip to main content

    Palestine: Kinokondena ng Doctors Without Borders ang pagkakait ng access sa tulong medikal sa gitna ng pinakamalaking pagsugod ng militar sa Jenin

    Doctors Without Borders staff deliver emergency and trauma medical supplies in the Jenin refugee camp on June 6, 2023

    Palestinian Territories, 2023 © MSF

    Bukod sa mga namatay at nasaktang tao, nakaapekto rin ang raid sa mga istrukturang pangkalusugan, at nakasagabal sa pagtugong medikal sa emergency. May mga gas canisters na bumagsak sa bakuran ng Khalil Suleiman Hospital, kung saan ginagamot ng mga Doctors Without Borders staff ang mga pasyenteng biktima ng pamamaril mula pa noong alas-dos ng madaling araw.   

    "Padalas nang padalas ang mga raid sa Jenin, at tila mas tumitindi rin ang mga ito. Ilan sa mga pasyenteng sinuri namin ay nabaril sa ulo, at 55 pasyenteng sugatan na ang natingnan namin," sabi ni Jovana Arsenijevic, ang Doctors Without Borders Operations Coordinator sa Jenin. 

    Winasak ng mga bulldozer ng mga militar ang ilang kalsada patungo sa kampo ng mga refugee sa Jenin. Dahil tinanggalan ang mga kalsada ng semento, halos imposibleng makarating ang mga ambulansya sa mga pasyente. Habang nagaganap ang raid, napilitan ang mga Palestinian paramedic na maglakad sa mga lugar kung saan umaatikabo ang barilan at mga drone strike. Sa kabila ng mga pasyenteng nangangailangan ng pangangalaga sa loob ng kampo, ang lahat ng mga kalsada papasok sa kampo ay hinarangan at di madaanan habang nangyayari ang operasyon ng militar. 

    “Labinlimang oras na kaming nagtatrabaho at patuloy pa rin ang dating ng mga pasyente. Ngayon lang nagkaroon ng ganito katagal na operasyong militar at may mga biktima pang hindi namin mapuntahan. Kinakailangang pahintulutan ang mga health care staff na marating ang mga pasyente nang walang balakid," sabi ni Arsenijevic. 

    Dahil sa raid na ito noong Hulyo 3, umabot na sa 48 ang bilang ng mga nasawi sa gitna ng mga pagkilos ng puwersang Israeli sa Jenin ngayong taong ito. Sa pagdami ng mga raid ay dumarami rin ang mga hadlang sa pagbibigay ng pangangalagang medikal. 

    Habang tumatagal, mas gumagamit na ng pananalakay mula sa himpapawid ang mga puwersang Israel—isang nakababahalang pagbabago sa paggamit ng karahasan. Ngayong araw lang na ito’y hindi bababa sa sampung air attacks ang iniulat na naganap sa Jenin. 

    Dati, may pagkakapareho na ang mga raid sa kampo ng Jenin. Binabangga ng mga armored car ang mga ambulansya, at ang mga pasyente at health care staff ay laging di pinapayagang pumasok o lumabas ng kampo. Ngayon, ang paggamit ng mga attack helicopter at mga drone strike sa isang lugar na may malaking populasyon ay indikasyon ng pagtindi ng karahasan at halos di kapani-paniwala.
    Jovana Arsenijevic, Ops. Coordinator

    “Ang ospital kung saan ginagamot namin ang mga pasyente ay pinatamaan ng tear gas canisters. Ang mga istrukturang medikal, mga ambulansya, at mga pasyente ay kinakailangang irespeto.” 

    Mula 1989 pa ang Doctors Without Borders sa Occupied Palestinian Territories, at sa kasalukuya’y nagsasagawa ang organisasyon ng medical humanitarian operations sa Jenin, Nablus, Hebron, at Gaza. 

    Categories