Palestine: Mga di masaway na dayo, nagdadala ng walang katulad na paghihirap sa mga Palestinian
Nakaupo si Hussam Odeh sa pangharang sa daan na inilagay ng mga sundalong Israeli soldiers sa kanilang kapitbahayan sa labas ng kanyang bahay sa Huwara. Palestine, Abril 2023. © Samar Hazboun
Habang lumalaki ang pamayanan ng mga Israeli sa West Bank, dumarami rin ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga naninirahan dito. Hindi napipigilan ng mga puwersang Israeli ang mga nagaganap na karahasan, minsan nga’y may kinalaman pa sila sa mga nangyayari. Dahil dito, ang mga Palestinian ay lantad na lantad sa kalupitan. Sa mga lugar kung saan maraming naninirahang dayuhan, pangkaraniwan na ang mga kuwento ng mga mararahas na engkuwentro. Ang bawat pamilya ay may kilalang naging biktima ng panliligalig o pang-aaway ng mga dayo. Ang iba sa kanila’y naaresto pa.
Ang anak ni Yasser Abu Markhiyeh na si Jana ay dalawa’t kalahating taong gulang lang noong tinamaan ang kanyang mukha at mga binti ng mga pinukol na bato. Nakaupo siya noon sa kandungan ng kanyang ama habang nagkakape ito sa terasa ng kanilang tahanan sa siyudad ng Hebron sa West Bank. Tapos, mula sa kalsada’y bigla silang pinagbabato ng mga Israeli na nakatira malapit sa kanila.
“Dati kasi, kitang-kita mo ang nasa labas kapag tinanaw mo. Pero nagtayo ang mga sundalong Israeli ng pader doon, kaya di ko agad napansin ang mga nasa kalsada,” sabi niya. Ang pader na iyon ay itinayo upang ibukod ang bahay niya mula sa kalsadang karaniwang ginagamit ng mga dayo.
Tinutulungan ng mga sikolohista ng Doctors Without Borders sina Yasser at Jana upang makayanan nila ang pangyayaring ito, pati na rin ang mga sumunod na paulit-ulit na panggugulo sa kanila, dahil lang malapit ang bahay nila sa pamayanan ng mga dayuhan.
Pitong taon na si Jana ngayon. Mayroon siyang strabismus,isang kondisyon kung saan ang dalawang mata niya’y di magkasabay na nakatingin sa iisang lugar o direksyon. Kinailangan niyang sumailalim sa operasyon nang ilang beses, at kakailanganin niya uli ng isa o higit pa sa mga susunod na taon.
Ipinapakita ni Yasser Abu Markhiyeh ang pinsala sa mata na tinamo ng kanyang anak noong apat na taong gulang pa lamang ito matapos silang pagbabatuhin ng mga dayo sa kanilang bahay sa Hebron. Palestine, Mayo 2023. © Samar Hazboun
Nakatira sina Yasser at Jana sa Tel Rumeida, isang lugar kung saan maraming dayo ang naninirahan. Ito ay nasa isang bahagi ng Hebron na kilala bilang H2, isang enclave na nasa ilalim ng pamumuno ng mga Israeli, at kung saan nakatira ang 700 na mga dayo malapit sa mga tahanan ng mga residenteng Palestinian.
Bagama’t bago pa man naging estado ang Israel ay naninirahan na sa Hebron ang isang maliit na populasyon ng mga Hudyo, bumilis lang ang pagdami nila simula noong 1967, nang inokupa ng Israel ang West Bank. Noong 1997, isang kasunduan ang nagbigay sa Palestinian Authority ng kontrol sa 80% ng siyudad. Ang 20%, ang H2 , ay pinanatiling nasa ilalim ng mga Israeli upang palawakin at protektahan ang mga dati nang mga pamayanan.
Makikita ang epekto ng mga pamayanan ng mga dayo sa Shuhada street sa di-kalayuang Old City. Dati’y buhay na buhay ito bilang sentro ng komersyo, ngunit unti- unti, ito’y naging mistulang ghost town dahil sa mga paghihigpit tulad ng pagtatayo ng mga checkpoints dito, ang pagtatakda ng pangangailangan ng mga Palestinian ng entry permit upang makapasok sa lugar, at ang isa-isang pagsara ng mga tindahan dito. Isa na rito ang ice cream shop ng ama ni Yasser. Nakasara na ito kahit may mga mamahaling kagamitan pa sa loob, matapos itong ikandado ng mga puwersang Israeli at pagbawalan ang kanyang amang bumalik dito.
Makikita sa H2 ang kalakaran sa buong West Bank: sa pag-akyat ng bilang ng mga dumadayo roon upang manirahan— mula 183,000 noong 1999 hanggang sa kasulukuyang 465,000 (bukod pa rito ang 220,000 sa East Jerusalem)–lumalaki rin ang bilang ng mga sundalong Israeli na itinatalaga roon para sa kanilang proteksyon, at dumarami rin ang mga paghihigpit na idinidulot ng kanilang presensya sa araw-araw na pamumuhay ng mga Palestinian.
Ang presensya ng mga dayo at ng mga sundalo ay kalimitang nauuwi sa mga insidenteng kadalasa’y marahas. At kadalasan din, ang talo sa sitwasyon ay ang mga Palestinian, dahil ang kahihinatnan noon ay sumasaklaw mula sa pagkasira ng mga ari-arian hanggang sa kamatayan. Ang pagdami ng pamayanan ng mga dayo sa West Bank ay naging sanhi ng pag-akyat din ng bilang ng mga insidenteng tinatawag na settler violence. Ayon sa UN’s Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA). Ayon sa UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA), mula sa 195 na nasaktan noong 2008, umakyat ang bilang sa 304 noong 2022. Ang bilang ng mga insidente ng pagsalakay ng mga dayo sa mga Palestinian mula Enero hanggang Setyembre 2022 ay umabot sa 1,049 – 170 % ang itinaas mula noong 2017, ayon sa Première Urgence Internationale, isang Pranses na NGO.
Ngunit mukhang hihigitan pa ito ng mga insidente ngayong taong ito. Noong Abril 2023, pinagbabato ng mga dayo ang mga pastol sa may Ramallah, pinutol ang 50 puno ng olivo sa may Nablus, at hinabol ang dalawang batang Palestinian na nagpapakain ng kawan ng kanilang mga alagang hayop sa South Hebron Hills. Bukod dito’y marami pang ibang insidente.
“Habang nagbibigay kami ng pangangalagang medikal at mga serbisyong kaugnay ng kalusugang pangkaisipan, nasaksihan namin ang maraming insidente ng pagsalakay ng mga dayo sa mga tagarito, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga pamayanan nila, gaya ng H2,” sabi ni Mariam Qabas, ang health promotion supervisor ng Doctors Without Borders sa Hebron.
Kapag pinagsama-sama, ang mga ito’y magdudulot ng mga suliranin sa kalusugang pangkaisipan, gaya ng “maraming kaso ng Post Traumatic Stress Disorder, pagkabalisa, matinding kalungkutan, mga batang natatakot pumasok sa paaralan, at marami pang iba.”
Si Mariam, 56, ay nakaranas na ring puntiryahin ng mga dayo nang pinagbabato siya at ang isa pang miyembro ng staff ng Doctors Without Borders habang sila’y naghihintay sa may pinto ng isang pasyente sa H2. Natatandaan pa niya ang naramdamang pagkabigo at kawalan ng kakayahang baguhin ang sitwasyon.
“Paano natin masusuportahan ang mga tao kung tayo mismo’y hindi maprotektahan ang ating mga sarili, kahit nakasuot tayo ng Doctors Without Borders na vest?”
Lalong lumalakas ang loob ng mga dayo dahil kinakampihan sila ng mga sundalong Israeli kahit na sila ang pasimuno ng kaguluhan. Kinuwento ni Mariam ang isang insidente kung saan kinuha ng isang grupo ng mga dayo ang plaka ng sasakyan ng Doctors Without Borders sa Hebron. Nakipagtalo siya upang ibalik nila ang plaka. Habang nagtatalo sila, lumapit ang isang sundalo. Ngunit sa halip na tulungan siya’y tinutukan pa siya at ang kanyang team ng baril kaya’t napiitan silang umalis.
"Ang problema rito’y magkasabay ang mga sundalo at mga maninirahan na naririto, at pinoprotektahan ng mga sundalo ang mga maninirahan," sabi niya.
Sa kaso ni Yasser, ang pagbibigay-alam niya sa mga pulis na Israeli ng ginawa sa kanyang anak ay nauwi rin sa wala. Madalas pa niyang makita sa H2 ang mga lalaking nambato sa kanila. “Nakikilala ko pa rin sila kahit na ilang taon na ang nakalipas.”
Ang ilan sa kanila’y nasa militar na, at meron ding nagtatrabaho para sa Megan David Adom (ang pambansang ambulance service). Kinausap niya ang isa sa kanila, na ngayo’y isa nang medic, tungkol sa ginawa nila sa kanyang anak. Ipinagkibit-balikat lang ito ng medic, at itinuturing ang insidente bilang tipikal na ginagawa ng kabataan.
Dating drayber ng taksi si Yasser. Dati’y ipinaparada niya ang kanyang sasakyan sa harap lang ng kanilang bahay, ngunit ngayo’y kailangan niya itong iparada sa may labasan dahil naglagay ang mga Israeli ng checkpoint malapit sa bahay niya. Naalala pa ni Yasser na noon, bukas lang ang kalyeng iyon. Ngunit nang dumating ang mga sundalo, may dala silang mga sako ng buhangin at barikadang gawa sa kahoy. Ngayon, may malaking bakod nang gawa sa bakal para sa mga sasakyan, at turnstile para sa mga pedestrian.
Araw-araw, kailangan ni Jana at ng kanyang mga kapatid na dumaan sa checkpoint at sa mga sundalong nagbabantay nito upang makapasok sila sa klase. Ang kanilang pamilya ay nakabukod mula sa komunidad. Hindi na sila binibisita ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak dahil sa takot sa presensiya ng mga dayo at militar, at sa karahasan na maaaring mangyari kapag naka-engkuwentro mo sila. Kaya naman masasabi nating nakakadagdag sa pasanin ang social isolation, bilang bunga ng karahasan ng mga dayo at mga sundalo.
Galit at pandadaluhong sa hilagang West Bank
Sa itaas ng mga burol sa mga kanayunan na nakapalibot sa hilagang West Bank sa siyudad ng Nablus ay may itinayong mga pamayanan na itinuturing na ilegal, ayon sa international law. Marami ring insidenteng kinasasangkutan ng mga dayo rito. Tila pinakamaraming insidente ang naitala noong 2022, habang ngayong 2023 naman nangyari ang pinakadramatikong paglusob ng mga dayo. Naganap ito sa bayan ng Huwara matapos barilin, at mapatay, ng isang Palestinian ang dalawang Israeli. Daan-daang dayo ang sumugod noong Pebrero sa Huwara, at ang ilan sa kanila ay may dalang mga punyal at baril. Puno ng matinding galit, nagwala at nandaluhong ang mga dayo, at naghasik ng walang pinipiling karahasan. Nang matapos ang lahat, naiwan ang isang patay na sibilyan, mahigit isandaang sugatan, at maraming napinsalang ari-arian, mula sa mga basag na bintana hanggang mga sunog na sasakyan.
Si Hussam Odeh ay bahagi na ng bagong henerasyon. Wala siyang alaala ng mundo na walang mga dayo. Nakatira siya malapit sa pangunahing kalye ng Huwara, kung saan lumala ang trapik nitong mga nakaraang buwan dahil naglagay ang mga sundalong Israeli ng malalaking bloke ng semento upang makontrol nila ang mga pumapasok sa bayan.
Sa pamamagitan ng mga Israeli security camera na tulad nito, namamatyagan ang mga Palestinian sa kanilang mga tahanan sa Tel Rumeida, Hebron. Palestine, Mayo 2023. © Samar Hazboun
Bagama’t 15 taong gulang lang, si Hussam ay may kaalaman na sa laro ng mga may kapangyarihan sa West Bank. Mula sa bintana ng kanilang apartment, natatanaw niya ang mga sundalo sa bubong ng katapat nilang gusali. Mula sa puwestong iyon, nakikita nila ang marami sa mga nangyayari sa lugar na iyon. “Kilala namin sila. Kaya naming matukoy ang mga pinagkaiba nila sa isa’t isa,” sabi niya sa staff ng Doctors Without Borders na bumibisita sa gusali kung saan sila nakatira upang mabigyan ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan ang kanyang tiyahin at mga nakababatang pinsan.
Ang paaralan ni Hussam, ang Huwara Secondary Boys School, ay malapit sa isang pamayanan ng mga dayo. Noong Oktubre 2022, naglalaro sina Hussam at ang kanyang mga kaibigan ng soccer sa courtyard ng kanilang eskuwelahan nang nakarinig sila ng mga nagsisigawan at mga tumitili. “Nalaman naming nilusob ng mga dayo ang paaralan. May mga dala silang baril at mga Molotov cocktail,” sabi niya. Sa kalauna’y may mga dumating na mga sundalo at pinauwi ang lahat maliban sa dalawang estudyanteng kinailangang ipa-ospital dahil sa mga natamo nilang mga sugat sa pambabato ng mga sumalakay.
Si Hussam ang right defender ng Nablus soccer team. Noon, lagi siyang naglalakbay ng 10 kilometro lulan ng pampublikong transportasyon para makapagpraktis kasama ang kanyang koponan. Ngunit dahil sa lumubhang tensyon dahil sa insidente at kinakabahan silang tumawid sa mga lugar na may checkpoint, ilang buwan nang di nakakapunta sa praktis si Hussam at ang iba pang mga taga-Huwara na miyembro rin ng koponan. “Kung ipahihintulot ng Diyos, makakabalik din ako sa paglalaro ng soccer,” sabi niya.
Si Mustafa Mlikat ay isang Bedouin na lumipat sa barangay ng Douma sa Jericho upang makatakas sa panliligalig ng mga dayo. Ikinalulungkot niya ang pagdami ng mga insidente ng karahasan, at di naman raw ganoon kasama ang sitwasyon dati, sabi ng limampung taong gulang na pastol. Natatandaan pa nga niya na noon ay pinapasakay siya at iba pang mga Bedouin sa mga sasakyan ng mga dayo para sabay-sabay na silang pumunta sa bayan pag kinakailangan. Ngunit nagbago ang lahat nang nagtayo ng bahay ang mga dayo katabi ng bahay ni Mustafa. “Lagi kami nilang binubulabog. Hindi lang sila nagtayo ng bahay sa tabi namin, pinag-iinitan din nila ang aming mga tupa, at pinagbawalan kaming gamitin ang lupa kung saan nanginginain ang aming mga alaga.”
Nakatayo si Mustafa Mlikat kasama ang kanyang mga anak sa tabi ng mga labi ng kanyang bahay sa Douma na giniba ng mga sundalong Israeli. Palestine, Abril 2023. © Samar Hazboun
Unti-unti, sinimulan na ng mga miyembro ng kanyang komunidad sa Muarrajat ang pagbebenta ng kanilang mga alagang hayop upang makaalis na sa lugar na iyon. At umalis na rin si Mustafa. Isinakay niya ang kanyang 50 na tupa sa kanyang pickup, pati na ang lahat ng kanilang mga kagamitan at lumipat sila sa isang lupaing pinili niya dahil sa malayo yun sa mga pamayanan ng mga dayo.
Ang kuwento ng Muarrajat ay hindi natatangi. Noong 22 May 2023, isang buong komunidad ng mga pastol na nakatira sa may Ramallah, Ein Samiya, ang nagdesisyong ilipat ang 178 na miyembro nito sa ibang lugar dahil sa paggiba ng kanilang mga bahay ng mga sundalong Israeli, at ang pang-aagaw ng mga pamayanan ng mga dayo sa kanilang mga pastulan.
Subali’t pagkatapos niyang magtayo ng bahay sa Douma, giniba iyon ng mga sundalong Israeli noong Pebrero 2023, diumano dahil sa kawalan ng building permit. Sa gitna ng mga labi ng dati niyang bahay, napilitan siyang tumira sa isang tolda na hindi maaaring tirhan pagdating ng tag-init. Hindi na niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Ngayong maulang araw ng Abril, malakas ang hampas ng hangin sa tolda habang tinutulungan nina Shireen at Mirella ng Doctors Without Borders si Jinan, ang anak ni Mustafa, na ipahayag ang kanyang naramdaman dahil sa paggiba sa kanilang tirahan.
“Ang kalusugang pangkaisipan ng mga Palestinian ay naapektuhan hindi lamang ng mga traumatikong pangyayaring ito, kundi ng pangangailangan din na maging laging alerto, ng pagkaabala sa napakaraming kailangang gawin at ng kakulangan ng pagkakataong makapagplano para sa kanilang kinabukasan dahil sa mga limitasyong ipinataw ng pagsakop sa kanila,” sabi ni Mirella, mental health activity manager ng Doctors Without Borders sa Nablus.
Ang Doctors Without Borders workers ay nagsasagawa ng mental health session para kay Jinan matapos giban ang kanilang bahay sa Douma ng mga sundalong Israeli. Palestine, Abril 2023. © Samar Hazboun
Dahil lagi siyang naiipit sa pagitan ng mga lumalaking pamayanan ng mga dayong hindi mo mapagtanto kung ano ang susunod na gagawin, si Youssef*, isang Palestinian mula sa Nablus, ay mas komportable pang humarap sa mga sundalo kaysa mga dayo. “Sa tingin kasi namin, ang mga sundalong Israeli ay may sinusunod na mga alituntunin kahit papaano. Iyon ang nakikita ko sa karamihan sa kanila,” paliwanag niya. “Ang mga dayo ay hindi ganoon mag-isip. Kapag nagalit sila, walang nakakaalam kung anong maaari nilang gawin.”
Limampung taong gulang na siya, at nasaksihan niya ang paglaki ng mga pamayanan ng mga dayo. Ito raw ay naging sanhi ng paghirap ng kanyang trabaho bilang drayber dahil sa pagkonti ng mga kalsadang maaaring gamitin ng mga Palestinian. Idinadaing niya ang kalakaran sa West Bank simula noong Oslo Accords ng 1993. “Ang pagsakop nila ay ang ugat ng lahat. Kung wala iyon, wala sanang karahasan at wala sanang patayan.”
Ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nasa West Bank na mula pa noong 1988. Sa Nablus, nagpapatakbo ang organisasyon ng proyektong nakatutok sa kalusugang pangkaisipan at mayroon din kaming outreach sa Qalqilya at Tubas. Ang Doctors Without Borders ay nagpapatakbo rin ng programa para sa kalusugang pangkaisipan sa siyudad ng Hebron, nagbibigay ng serbisyong medikal sa H2, at ng panimulang pangangalagang pangkalusugan sa Masafer Yatta sa pamamagitan ng mga mobile clinic. Isang proyekto sa Jenin ang binuksan kamakailan lang upang magbigay ng pagsasanay para sa mass casualty plans, emergency response at patient triage.
*Pinalitan ang kanyang pangalan para sa kanyang proteksyon