Nagtatawag ng Atensyon ang Doctors Without Borders sa Patuloy na Krisis ng mga Rohingya
@Richard Swarbrick/PRESENCE
Ngayong araw na ito, inilunsad ng Médecins Sans Frontières (MSF)/Doctors Without Borders ang isang maikling animation film, "Lost at Sea (Nawawala sa Karagatan)", na nagpapakita ng malupit na realidad na tinitiis ng mga Rohingya habang sila’y naghahanap ng kaligtasan, at ng kanilang katatagan.
Ang pelikulang “Lost at Sea (Nawawala sa Karagatan)” ay batay sa karanasan ni Muhib, isang lalaking Rohingya na tumakas sa Myanmar at naglakbay sa mapanganib na karagatan upang makahanap ng kaligtasan sa Malaysia. Mahigit dalawang linggo siyang hindi makaalis mula sa isang bangkang pumalaot sa Andaman Sea. Ang bangka, na karaniwang ginagamit sa pangingisda, ay puno ng mga lalaki, babae at mga bata na tumatakas din mula sa banta ng kamatayan.Nasaksihan niya ang pagpanaw ng 27 na tao sa bangka. Walang magawa ang mga pasahero kundi ipaanod ang mga bangkay sa karagatan dahil walang dumarating na tulong. Sa pelikula, ang istorya ni Muhib ay ikinukuwento sa pamamagitan ng mga mala- panaginip na flashbacks o pagbabalik-tanaw. Hindi niya makalimutan ang isang awit na kinakanta sa kanya ng kanyang ina noong nasa Myanmar pa siya. Sinusubukan niyang maalala ang mga dahilan kung bakit napilitan siyang tumakas.
“Sa Myanmar, nangamba ako para sa aking buhay at napilitang maghanap ng matatakbuhan sa ibang bansa,” sabi ni Muhib. “Ang kawalan ng katiyakan at minsa’y masasamang kondisyon sa isang bagong lugar ay mas pipiliin ko pa kaysa mamatay sa isang lugar kung saan hindi ako trinatong tao mula noong ako’y pinanganak. Ang mga Rohingya ay desperado para sa kaligtasan at seguridad. Wala kaming mapupuntahan. Ang pagsakay sa bangka ay parang pagtalon sa dagat nang hindi mo nalalaman kung ano ang kahihinatnan. Madaling masawi sa mga bangkang tulad nito na hindi naman angkop para sa mga ganitong paglalakbay.”
“Ang mga Rohingya na naiwan sa Myanmar, at ang mga tumakas papunta sa Bangladesh ay nakikibaka para mabuhay,” sabi ni Paul Brockmann, ang regional director ng Doctors Without Borders. “Ang karamihan sa kanila’y nakatira sa mga kampong may bakod kung saan hinihigpitan ang kanilang paggalaw, may limitadong oportunidad para makapagtrabaho o makapag-aral, at walang pag-asa para sa isang magandang kinabukasan. Dahil sa mataas na antas ng karahasan sa mga kampo sa Bangladesh at sa mga patuloy na alitan sa Myanmar, pinupuwersa ng sitwasyon ang mga Rohingya na gumawa ng mga desperadong aksyon gaya ng pagsuong sa mapanganib na paglalakbay sa karagatan.”
@Richard Swarbrick/PRESENCE
“Mula 2017, nakapagbigay na ang Doctors Without Borders ng mga konsultasyon para sa kalusugang pangkaisipan sa mahigit 140,000 na pasyenteng Rohingya sa Bangladesh,” pagpapatuloy ni Brockmann. “Ang kakulangan ng mga hanapbuhay, ang pagkabagabag para sa kinabukasan, ang mahihirap na kondisyon ng pamumuhay, ang mga hadlang upang magkakuha ng pangunahing serbisyo tulad ng pormal na edukasyon, at ang kawalan ng kapanatagan sa mga kampo ay nakadadagdag sa mga traumatikong alaala ng karahasan na kanilang pinagdaanan sa Myanmar. Mula 2021, dumoble ang bilang ng mga dinadala sa aming mga ospital sa Bangladesh dahil sa pagtatangkang magpakamatay.”
Mula kalagitnaan ng 2022, lumala ang karahasan sa kampo. Nagkaroon din ng pagdami ng mga armadong sagupaan, mga pagpatay at pangingidnap. Nasaksihan namin ang matinding epekto nito sa buhay ng mga tao. Noong 2023, ginamot ng Doctors Without Borders ang dumadaming kaso ng mga nasasaktan dahil sa karahasan. “Ang pangingidnap ay naging pangkaraniwan nitong nakaraang labindalawang buwan,” sabi ni Brockmann. “Maraming indibidwal, partikular na ang mga bata, ang kinikidnap ng mga trafficker at ang kanilang mga pamilya ay hinihingan ng malaking kabayaran para ibalik sila sa Bangladesh o dalhin sa Malaysia.”
@Richard Swarbrick/PRESENCE
Lalong naging mahirap ang kalagayan ng mga Rohingya nang ipinagkait sa kanila ang pagkamamamayan sa Myanmar, kung kaya’t sila’y itinuturing na stateless o walang estado. Isa sa mga maraming implikasyon ng statelessness o kawalan ng estado ay hindi sila makakakuha ng mga I.D. at pasaporte. Ibig sabihin, walang legal na paraan upang makatawid ang mga Rohingya sa mga international border. Ang nagpapalala pa rito ay walang ligtas at legal na daan para sila’y makakuha ng asylum sa rehiyon. Ang mga maaari lang nilang gawin ay ang sumuong sa delikadong paglalakbay nang nakasalalay sa mga human trafficking network na nagdadala ng panganib ng kamatayan, karahasan, extortion at pang-aabusong sekswal.
Matapos makidnap sa Bangladesh at mapilitang mamalagi sa estado ng Rakhine, marami sa mga Rohingya ay pinipili pa ring bumalik sa Bangladesh, kaysa maglakbay patungong Malaysia. Inilarawan ng isang 18 na taong gulang na lalaki na kinidnap at ikinulong sa Myanmar nitong taong ito ang kanyang pakiramdam pagkatapos bayaran ng kanyang pamilya ang ransom upang makabalik siya sa Bangladesh:
Ang insecurity ay isa sa mga ilang sanhi ng stress sa araw-araw na pamumuhay ng mga Rohingya. Sa Bangladesh, binawasan ang rasyon nila ng pagkain na ngayo’y nagkakahalaga ng US$8 kada tao kada buwan. Ang UN Joint Response Plan ay kulang sa pondo at nakapagdala pa lang ng 46% ng pinag-usapang pondo ngayong 2023.
Dahil sa mahirap na sitwasyon ng ekonomiya at seguridad sa mga kampo sa Bangladesh, sinabi ng maraming pamilya sa Doctors Without Borders na ang tanging magagawa na lang nila ay ipakasal ang kanilang mga anak na babae sa mga lalaking Rohingya sa Malaysia. Para sa karamihan, ito’y nangangahulugang ipagkakatiwala nila ang kanilang mga anak na babae sa mga human trafficking network. Kung gayon, malaki ang posibilidad na hindi na nila makikitang muli ang kanilang mga anak.
Isang 19 na taong gulang na babaeng dumating sa Malaysia noong 2022 ay nagbalik-tanaw: “Ang buhay sa refugee camp ay terible. Hindi ligtas doon, lalo na para sa mga kababaihan. Maraming krimen ang nangyayari at maraming tao ang pinapatay araw-araw. Ipinasya kong umalis sa Bangladesh refugee camp at maghanap ng katuwang dahil pakiramdam ko, hindi ako ligtas sa siksikang kampo,” sabi niya.
Sabi naman ng isang 17 taong gulang na babae na dumating sa Malaysia noong Mayo 2022:
Ayon sa isang 30 taong gulang na babaeng Rohingya na dumating sa Malaysia noong Oktubre 2022, “ang paglalakbay mula sa Bangladesh patungong Malaysia ay napakahirap, may mga namatay sa bangka, may mga binugbog ng mga human trafficker. Sa Malaysia naman, may panganib na maaresto ng mga awtoridad ang mga walang dokumento mula sa UNHCR.”
"Walang mapupuntahan ang mga Rohingya,” sabi ni Brockmann. “Hindi sila ligtas at hindi sila binibigyan ng mga pangunahing karapatan kahit saan man sa rehiyon. Mahalagang kilalanin ng Malaysia at ng pandaigdigang komunidad ang kalubhaan ng Rohingya refugee crisis at kumilos para sa mga solusyon na rerespeto sa kanilang mga karapatan at dignidad sa mga lugar kung nasaan sila ngayon hanggang sa makabalik sila sa Myanmar. Karapat-dapat ang mga Rohingya na mamuhay nang ligtas, nang may access sa mga pangunahing serbisyo at mga oportunidad. Ginagamot namin ang mga taong may sakit, ngunit kung hindi magbabago ang mga kondisyon ng kanilang pamumuhay at magpatuloy ang pagbubukod sa kanila, walang posibleng lunas para sa kanilang sitwasyon."