Mga Kuwento ng Kababaihan sa Karagatan
Si Miriam ng Côte d'Ivoire ay isa sa mga survivor na nasagip ng Geo Barents. Mediterranean Sea, Disyembre 2022. © Mahka Eslami
Malungkot mang isipin, ang mga karanasang ikinuwento ng apat na survivors ay pangkaraniwan na sa mga babae at lalaking iniligtas ng Geo Barents, ang rescue ship ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Central Mediterranean. Dahil ang ika-8 ng Marso ay International Women's Day, nilalayon ng Mga Kuwento ng Kababaihan sa Karagatan na bigyan ng boses ang mga nasagip na kababaihan, at kasabay nito’y magbahagi rin ng mga kuwento ng mga lalaking survivor tungkol sa mga mahahalagang babae sa kanilang buhay. Sa pamamagitan ng mga paglalarawan at pagpapatotoo, malalaman natin mula sa mga survivor ang mga pangyayaring nagtulak sa kanila upang tawirin ang Central Mediterranean, ang pinakamapanganib na sea migration route sa buong mundo. Kalakip ng kanilang mga kuwento ang mga patotoo ng mga babaeng miyembro ng Doctors Without Borders staff, na magpapaliwanag kung bakit sila nagpupursigi sa mga gawaing kaugnay ng search and rescue, at ang naramdaman nilang pakikiisa sa mga nasagip ng Geo Barents.
Ang sinumang tumatawid sa dagat upang makatakas sa isang mapanganib na sitwasyon o upang makahanap ng mas mabuting buhay ay maraming haharaping panganib, ngunit mas marami ang kailangang malampasan ng mga kababaihan. Dumadagdag kasi ang diskriminasyon, at madalas ang karahasan, batay sa kanilang kasarian. Ang mga babae ay maliit na bahagi lang – mga limang porsiyento – ng kabuuang bilang ng mga sumusuong sa mapanganib na paglalakbay mula Libya patungong Italy.
Habang lulan ng Geo Barents, madalas magkuwento ang mga babaeng survivor ng kanilang mga pinagdaanan gaya ng puwersadong pagpapakasal at genital mutilation, o pagsira sa kanilang ari (na nakakaapekto sa kanila o sa kanilang mga anak) bilang mga dahilan kaya napilitan silang tumakas. May mga panganib din silang hinarap sa kanilang paglalakbay na partikular lamang sa kababaihan. Ayon sa mga medical team ng Doctors Without Borders, ang mga babae ay mas malamang na magkakaroon ng fuel burns habang tumatawid ng Mediterranean, dahil sa kadalasan, ipinupuwesto sila sa gitna ng barko dahil itinuturing iyong pinakaligtas na bahagi ng sasakyang pandagat. Marami sa mga nasagip na babae’y nagsabi rin na nakaranas sila ng iba’t iabng klase ng karahasan: sikolohikal, sekskwal, at maging sapilitang prostitusyon.
"Kababaihan, huwag tanggapin ang karahasan!" Tala mula kay Decrichelle, isang 32 taong gulang na taga-Cameroon. Mediterranean Sea, 2022. © Mahka Eslami
Kabilang sa mga babaeng nakausap namin si Decrichelle, na tumakas mula sa isang bayolenteng lalaking napilitan lang siyang pakasalan. Kasama ang kanyang anak, tumakas siya mula sa Nigeria, at dumaan sa Niger papuntang Algeria. Noong dumating sila disyerto, nagkasakit ang bata. Wala siyang nagawa dahil wala silang makuhang pangangalaga o gamot. Namatay ang kanyang anak, at kinailangan niyang iwan ito upang ipagpatuloy ang kanyang paglalakbay patungong Algeria: “isang napakalaki at hindi madadamayang kalungkutan” para sa kanya.
Sinubukan ni Decrichelle na tumawid sa karagatan ngunit inaresto siya at ikinulong. Pinalabas naman siya agad, ngunit mula sa kulunga’y dinalaa siya sa isang pugad ng prostitusyon. Buti na lang, tinulungan siyang makatakas ng ilang kaibigan mula sa Cameroon. Anim na buwan siyang tumira sa mga campos (mga abandonadong gusali o malalawak na lugar sa tabing dagat kung saan tinitipon ng mga trafficker ang mga migrante) bago siya nakaipon ng sapat na halaga upang mabayaran ang kanyang pagtawid.
Bukod sa paghihirap na hinaharap ng mga babaeng bumabaybay sa mga migration route at mga nasa Libya, nasaksihan ng mga team ng Doctors Without Borders sa Geo Barents ang pagbubuklod ng mga babaeng survivor. Nagtutulungan sila sa mga pang araw-araw na gawain at sa pangangalaga ng kanilang mga anak.
“Gusto kong sabihin sa mga babae: hindi n’yo kasalanan ito. Kung sino ka dati, ikaw pa rin naman iyon. Ang totoo niyan, mas malakas ka pa ngayon,” sabi ni Lucia, ang deputy project coordinator na kasama sa Geo Barents, na nakaranas din ng panggagahasa. “Nakakaantig ng damdaming makakita ng mga babaeng natakasan ang naranasan ko sa loob lamang ng isang oras sa aking buhay. Sa kanilang pakikibaka, nananatili silang malakas at puno ng pag-asa, hindi sila sumusuko,” dagdag pa niya.
Ipinapahayag ni Lucia, deputy project coordinator, ang kanyang paghanga sa katapangan at katatagan ng mga survivor at kung paano sila nagsisilbing inspirasyon sa kanyang buhay sa kabila ng kanyang sariling trauma. Mediterranean Sea, Enero 2023. © Nyancho NwaNri
Samantala, kapag tinatanong ang mga lalaking survivor tungkol sa mga taong napilitan silang iwan, o mga taong dahilan ng kanilang paglalakbay, laging may babae sa kanilang mga kuwento. Si Ahmed, 28 taong gulang, ay ipinanganak sa Sudan. Ang kanyang mga magulang ay mga Eritrean na lumikas sa Sudan upang makatakas sa digmaan. Sa kanyang buhay bilang refugee, hindi naramdaman ni Ahmed na talagang bahagi siya ng Sudan. Gusto man niyang umalis, hindi niya magawa, dahil wala siyang mga dokumento. Hindi rin siya makabalik sa Eritrea dahil sa takot na pupuwersahin siyang manilbihan bilang isang sundalo ng mapang-aping rehimeng diktatoryal, kung kaya’t nagdesisyon siyang pumunta na lang sa Libya, at tumawid sa Mediterranean Sea patungong Europa.
Nang napagpasyahan niyang talikdan ang Kristiyanismo at yakapin ang relihiyong Islam, sinuportahan siya ng kanyang ina sa kabila ng panliligalig ng mga ibang miyembro ng kanilang pamilya.
"Kung gusto mo, buhay, na hamunin ako, ako’y isang mandirigma na handang makipaglaban upang maabot ang kanyang mga inaasam." Tala mula kay Ahmed, isang Eritrean na ipinanganak sa Sudan at sinagip ng Geo Barents. Mediterranean Sea, Enero 2023. © Nyancho NwaNri
“[Ang pagiging Muslim] ay nakaapekto sa akin, nakaapekto sa aking mga pagkakaibigan … talaga namang [may mga hinarap akong isyu dahil doon]. Noong una, sinikreto ko ito. Pero nang nalaman ito ng aking pamilya, doon na nagsimula ang panliligalig nila sa akin. Buti na lang, tinanggap ako ng aking ina. Sabi niya, ‘Kung saan ka kumportable, doon ka.’” Ayon kay Ahmed, ang kanyang ina ay isa sa mga dahilan kaya naglakbay siya mula Sudan hanggang Egypt, papuntang Libya. “Malaking papel ang ginagampanan niya sa aking buhay. Lagi niya akong sinusuportahan at inuudyukan, wala siyang hinihiling kundi kabutihan para sa akin. Inspirasyon ko siya. Sana magkita kaming muli.”
Ipinaliwanag ni Nejma, isang cultural mediator na nasa Geo Barents, ang pagbubuklod ng mga survivor na tulad nina Decrichelle at Ahmed: “Ako’y African at ako’y Middle Eastern. Ako’y isang ina. Ako’y isang babae. Napakaraming nagbubuklod sa kanila. Kasama na riyan ang pangailangang makatakas mula sa kanilang tahanan. Malaking bahagi iyon. Nakatutulong sa akin iyon upang maintindihan ko ang kanilang pinanggagalingan sa sandaling nahanap namin sila; iyon ay isang pag-unawa na kailanma’y di ko matutunan mula sa mga aklat.”
Kinausap ni Nejma ang survivor na si Ekesili Emenike sa Geo Barents. Bukod sa nagsisilbi siyang tulay sa pagitan ng iba’t ibang wika at kultura, si Nejma, na isa ring refugee, ay naglalaan din ng oras para sa mga indibidwal na survivors at para sa kanila bilang isang grupo upang sagutin ang kanilang mga katanungan at bigyan sila ng kinakailangan nilang payo at suporta. Mediterranean Sea, Enero 2023. © Nyancho NwaNri
Bilang isang refugee, ibinahagi ni Nejma kung ano ang nakatulong sa kanyang mapabuti ang kanyang buhay sa mga lugar na pinuntahan niya. “Kailangang manatiling malakas ang mga survivor. Kahit nasa Europa na sila, hindi doon nagtatapos ang kanilang paglalakbay,” sabi niya. “Iba naman ang mga hamon doon: hindi sila dapat bumitiw sa kung sino sila, hindi nila dapat kalimutan kung sino sila, at kung saan sila nanggaling. Dapat nilang ipagmalaki ang kanilang pinagmulan. Dahil hindi mo malalaman kung saan ka pupunta kung hindi mo alam ang iyong pinanggalingan. Gusto kong isaisip ng mga kapatid nating mula sa Africa at Middle East, o kahit saan pa man, dapat ay lagi nilang tandaan kung sino sila. Sa ganoong paraan , mas magiging madali ang pag-usad ng kanilang buhay.”
Doctors Without Borders at ang mga search and rescue activity
Mula pa noong 2015 ay nagsasagawa na ang Doctors Without Borders ng mga search and rescue activity sa Central Mediterranean. Nagtatrabaho kami sa iba’t ibang search and rescue vessels. Minsa’y mag-isa naming ginagawa ito, at minsan nama’y nakikipagtulungan kami sa ibang mga NGO. Mula 2015, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakatulong nang masagip ang buhay ng mahigit 85,000 na tao sa karagatan. Naglunsad muli ang Doctors Without Borders ng search and rescue activities sa Central Mediterranean noong Mayo 2021, gamit ang sarili nitong barko, ang Geo Barents, upang sumagip ng mga taong nangangailangan ng tulong, magbigay ng emergency medical care sa mga taong nasagip, at upang bigyan ng boses ang mga survivor ng pinakamapanganib na sea crossing sa buong mundo. Mula noong Mayo 2021, ang Doctors Without Borders team na nasa Geo Barents ay nakasagip na ng 6,194 na tao, nakakuha ng labing-isang bangkay at nakatulong sa kapanganakan ng isang sanggol.