Ang pagpapanatili ng pangangalagang pangkalusugan sa gitna ng matinding karahasan sa Haiti
Pinakahuling Ulat
Dalawampung armadong lalaki ang marahas na pumasok sa ospital ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Tabarre, Haiti, at sapilitang tinangay ang isang pasyenteng naroon dahil sa mga tama ng baril.
Mariin naming kinokondena ang panghihimasok na ito, kung saan pinagbantaan ang aming mga staff, at kami’y nananawagan sa lahat ng sangkot sa alitan sa Port-au-Prince na igalang ang mga pasilidad medikal. Sa kasalukuyan, ang lahat ng mga aktibidad ng Doctors Without Borders sa ospital sa Tabarre ay suspindido dahil sa insidente.
Dumarami ang mga pangangailangang pangkalusugan sa Haiti. Nasasagad na ang kanilang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan dahil sa kawalan ng katatagan sa pulitika, sa lindol na naganap noong Agosto 2021, sa krisis sa gasolina, at sa talamak na karahasan. Nagsusumikap ang Doctors Without Borders na punan ang mga pagkukulang sa pangangalagang pangkalusugan sa Haiti, isang bansang nagdurusa dahil sa lumalalang karahasan at dahil sa muling paglaganap ng nakamamatay na cholera.
Noong Abril 2023, ang kabisera ng Haiti at ang mga nakatira roon ay nakaranas ng panibagong bugso ng matinding karahasan na kumitil sa buhay ng mahigit 600 na tao. Noong Abril 24, ang ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders sa loob lamang ng isang araw ay mga 50 na taong nabaril o nasaksak. Marami sa mga biktima ang hindi nakapunta sa isang pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan dahil masyadong delikado na ang lumabas mula sa kanilang mga tahanan. Noong Pebrero at Abril, napilitan ang Doctors Without Borders na suspindihin ang mga aktibidad sa ospital nito sa Cité Soleil dahil sa sa armadong labanan sa kalyeng malapit dito. Sa loob ng dalawang taon, natamaan ang ospital ng 65 na ligaw na bala.
May mga 90 na armadong grupo ang naglalabanan sa mga kalye ng Port-au-Prince, at mahigit 80% ng siyudad ang kontrolado nila. Ayon sa CARDH, isang grupo sa Haiti na nagsasagawa ng pananaliksik ukol sa karapatang pantao, may 389 na insidente ng pagkidnap ang naitala noong unang tatlong buwan ng 2023. Mahigit 173% ang itinaas nito mula 2021, at 72% naman kung ikukumpara sa bilang noong 2022.
- Pangangalaga para sa may trauma
Patuloy na naaapektuhan ng mga armadong labanan ang mga komunidad sa kabisera ng Haiti, ang Port-au-Prince. Bagama’t isang hamon ang pagpapanatili ng mga tumatakbong istrukturang medikal sa gitna ng mga labanan, at sa harap ng mga laganap na mga pagkidnap at mga armadong pagnanakaw sa Port-au-Prince, patuloy pa rin ang pagbibigay namin ng pangangalaga para sa mga may trauma. Sa ilang pasilidad medikal sa kabisera ng bansa ay ginagamot ng ng aming mga team ang mga taong nabaril o nasaksak, mga nakaranas ng grabeng pagkasunog, at mga biktima ng aksidente sa daan.
- Pangangalaga para sa mga nakaranas ng karahasang sekswal at ng karahasang batay sa kasarian
Ang pagiging laganap ng sexual and gender-based violence (SGBV) ay isa pa rin sa mga nakababahalang suliranin sa Haiti. Sinusuportahan namin ang ilang pasilidad pangkalusugan sa pagbibigay sa mga biktima ng SGBV ng pangangalagang medikal, pangangalagang sikolohikal, at social care. Upang mabawasan ang mga hadlang sa pagkamit ng pangangalaga, binigyan namin sila ng telephone helpline. Sa pamamagitan nito’y nabibigyan ang mga biktima ng suportang sikolohikal at maaari silang isangguni sa mga health centre kung kinakailangan.
- Sexual and reproductive care
Ang sexual and reproductive care ay nananatiling mahalagang bahagi ng aming ginagawa sa Haiti. Binibigyan namin ang mga kababaihan ng tamang prenatal at neonatal care upang makamit ang aming layuning mabawasan ang mga namamatay na ina at sanggol. Nagsasagawa rin kami ng mga nakalilibang na aktibidad na nagbibigay rin ng kaalaman ukol sa pagpaplano ng pamilya at sa pagpigil at paggamot ng mga sexually transmitted disease.
- Emergency response
Dahil sa katagalan ng mga armadong labanan at kalimitan ng mga natural na kalamidad, ang aming mga team ay nagsasagawa ng emergency operations sa Haiti. Binibigyan namin ng suporta para sa kanilang water and sanitation ang mga komunidad na apektado ng karahasan sa Port-au-Prince. Matapos ang paglindol noong Agosto 2021, nagbigay kami ng emergency care para sa mga biktima. Kasama rito ang surgery, water and sanitation support, at pagpapadala ng mga mobile clinic sa mga lalawigan.
Ang pagtugon ng Doctors Without Borders sa Haiti
Nagbibigay kami ng sexual and reproductive care, at pangangalaga sa mga biktima ng trauma, karahasng sekswal, at karahasang batay sa kasarian. At dahil pangkaraniwan sa bansang ito ang mga natural na kalamidad, ang emergency response ay nananatiling mahalagang aspeto ng aming ginagawa sa Haiti.
Emergency
Maaari kayong makatulong sa pagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal para sa mga biktima ng karahasan sa Haiti, at maging sa iba pa naming mga pasyente sa mahigit 70 na bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ipakita ang inyong pagsuporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon.