Haiti: Isususpindi ng Doctors Without Borders ang kanilang mga aktibidad sa metropolitan area ng Port-au-Prince
Isang tanawin ng Delmas 18, pagkatapos ng labanan sa pagitan ng mga armadong grupo at ng mga pulis. Haiti, Marso 2024. © Corentin Fohlen/Divergence
Port-au-Prince – Dahil sa sunod-sunod na pagbabanta ng mga pulis sa staff ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), napilitan ang organisasyong suspindihin ang mga aktibidad nito sa metropolitan area ng Port-au-Prince nang walang katiyakan kung hanggang kailan. Ilang ulit nang pinatigil ng mga pulis ang mga sasakyan ng Doctors Without Borders at binantaan ang mga staff ng organisasyon—kasama rito ang mga banta ng kamatayan at panggagahasa—sa linggo pagkatapos ng pagsalakay sa isang ambulansya ng Doctors Without Borders kung saan pinatay ang hindi bababa sa dalawang pasyente at sinaktan ang aming staff noong Nobyembre 11. Ang paulit-ulit na mga insidenteng ganito ang nagtulak sa organisasyon na tigilan ang pagtanggap at paglipat ng mga pasyente sa limang pasilidad medikal nito sa kabisera ng Haiti simula noong Nobyembre 20, sapagkat malinaw na pinupuntirya ang aming mga staff at pasyente sa Haiti.
Tinatanggap ng Doctors Without Borders na may mga pagkakataong kailangan naming magtrabaho nang walang seguridad, ngunit kapag ang mismong mga pulis na ang nagbabanta sa amin, wala kaming magagawa kundi ang suspindihin ang pagtanggap ng mga pasyente sa Port-au-Prince hanggang maging maayos na ang sitwasyon. Ang bawat araw na hindi namin magawa ang aming mga aktibidad ay isang malaking kawalan, dahil isa kami sa iilang nakapagbibigay ng maraming klase ng mga serbisyong medikal na nanatiling bukas ngayong napakahirap na taon. Subali’t hindi na namin kayang magpatuloy sa pagtatrabaho sa isang lugar kung saan ang aming mga staff ay maaaring salakayin, gahasain o patayin!Christophe Garnier, Head of Mission
Pagkatapos ng nangyari noong Nobyembre 11, sa loob lamang ng isang linggo, nakaranas ang Doctors Without Borders ng apat na insidente na nagtulak sa aming suspindihin ang aming mga aktibidad sa Port-au-Prince:
- Noong Nobyembre 12, dalawang ambulansya ng Doctors Without Borders ang pinatigil ng mga opisyal na Haitian National Police’s Brigade de Recherche et D’Intervention (BRI), at nagbanta na papatay sila ng staff ng Doctors Without Borders sa lalong madaling panahon.
- Noong Nobyembre 16, sa Delmas 33, isa sa aming mga drayber ay pinagsalitaan ng masama ng mga pulis na hindi nakauniporme at nagbanta rin na sasalakayin nila ang aming mga ambulansya.
- Noong Nobyembre 17, bago mag-hatinggabi, isa pang ambulansya ng Doctors Without Borders na maghahatid sa isang pasyente ay pinatigil malapit sa boulevard Toussaint Louverture ng isang SWAT team na nagbantang papatayin ang pasyente noong sandali ring iyon. Matapos ang matinding negosasyon, hinayaan na ang ambulansyang magpatuloy sa biyahe nito papunta sa ospital ng Doctors Without Borders sa Tabarre.
- Noong Nobyembre 18, sa Carrefour Rita, isang sasakyan ng Haitian National Police na minamaneho ng isang pulis na hindi nakauniporme at may baril ang nagpatigil sa sasakyan ng Doctors Without Borders na magdadala ng staff sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan. Pinagbantaan niya ang mga staff ng Doctors Without Borders na nasa sasakyan, at sinabing sa susunod na linggo ay sisimulan ng mga pulis ang pagpatay sa aming mga staff at pasyente, at pagsunog sa aming mga ambulansya.
Nagbibigay ang Doctors Without Borders ng pangangalaga sa lahat ng tao batay sa kanilang pangangailangang medikal lamang. Kada linggo, sa metropolitan area ng Port-au-Prince, ang Doctors Without Borders ay karaniwang nagbibigay ng pangangalaga sa mahigit 1,100 na pasyente bilang outpatient, 54 na bata na may mga emergency condition, at mahigit sa 80 na bagong survivor ng mga karahasang sekswal at karahasang batay sa kasarian. Sinususpindi ng Doctors Without Borders ang lahat ng serbisyong medikal maliban sa mga dati nang naospital na mga pasyente sa lima nitong pasilidad medikal at sa mga mobile clinic sa metropolitan area ng Port-au-Prince, na mananatili sa pangangalaga ng Doctors Without Borders. Magpapatuloy rin ang aming mga maternal health activity sa timog ng bansa, sa Port-a-Piment.
Mahigit 30 na taon na kaming nasa Haiti, at ang desisyong ito ay mabigat sa aming kalooban lalo pa’t ngayong napakalimitado ng mga serbisyong para sa pangangalagang pangkalusugan ng mga taga-Haiti. Maraming tao ang mawawalan ng access sa mga serbisyo ng Doctors Without Borders dahil hindi kami makapagtrabaho nang ligtas sa Port-au-Prince. Nananatili kaming naninindigan para sa mga tao ng Haiti, ngunit hindi kami maaaring tumanggap muli ng mga pasyente sa aming mga pasilidad sa Port-au-Prince maliban na lamang kung matitiyak ang aming seguridad at ang respeto para sa aming medikal at humanitarian mandate ng mga armadong grupo, mga vigilante at mga pulis.Christophe Garnier, Head of Mission