Skip to main content

    Haiti: Ang pangangalagang medikal ay lubhang naapektuhan ng mga sagupaan sa Cite Soleil

    Entrance door of the Doctors Without Borders Emergency Center of Turgeau located in the center of Port-au-Prince. Haiti, March 2023. © MSF/Alexandre Marcou

    © MSF/Alexandre Marcou

    Sa kasalukuyan, ang Cité Soleil Emergency Hospital ng Doctors Without Borders ang tanging pasilidad medikal na nakakapaggamot ng mga pasyente sa lugar pagkatapos magsara kamakailan lang ng Fontaine Hospital, na di konektado sa Doctors Without Borders. Hindi tiyak kung hanggang kailan mananatiling nakasara ang pribadong pasilidad na ito, pagkatapos nilang maipit sa gitna ng mga sagupaan noong Nobyembre 15. Lahat ng mga pasyente at staff ng Fontaine hospital ay inilipat na sa ibang mga ospital sa Port-au-Prince, kung kaya’t nabawasan ng access sa pangangalagang medikal sa Cité Soleil.

    Ang mga nagdadalang-tao, pati na rin ang ibang mga pasyente, ay nasa delikadong sitwasyon ngayon. Dati-rati, isinasangguni ng mga team ng Doctors Without Borders na nasa Cité Soleil ang mga nagdadalang- tao sa Fontaine Hospital upang doon manganak. Ang Saint Damiens, isang maternity centre sa Port-au-Prince, ay nagsara na rin noong Oktubre dahil sa kawalan ng seguridad. 

    Napilitan din ang Doctors Without Borders na pansamantalang isara ang kanilang outpatient clinic,at bawasan ang mga medical team sa Cité Soleil upang malimitahan ang panganib sa staff, mga pasyente at mga istruktura habang nagaganap ang matindi at walang habas na karahasan. Gayunpaman, nananatiling bukas ang Cité Soleil Emergency Hospital upang maghatid ng emergency services.

    Muli, pinagbabayaran ng mga tao ang mga sagupaan sa pagitan ng mga armadong grupo. Ang ilang mga residente ay napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan para maghanap ng ligtas na masisilungan. Ang mga pasilidad medikal ay di na mapatakbo nang maayos, at di na makapunta rito ang mga may sakit na malamang ay maiiwan. Inuulit ng Doctors Without Borders ang panawagan nito sa lahat ng armadong grupo na wag nang idamay ang populasyon, at igalang ang mga ospital at mga pasilidad medikal, pati na rin ang mga nagtatrabaho at ang mga nagpapagamot doon.
    Mumuza Muhindo Musubao, head of mission

    Ang Doctors Without Borders ay isang pandaigdigang medikal at humanitarian na organisasyon na tumutulong sa nangangailangan, ano man ang kanilang pinagmulan, relihiyon, mga pinaniniwalaan at pulitikal na panindigan. Nagtatarabaho na kami sa Haiti mula pa noong 1990, at ang mga pinakamalaking pagtugon namin dito ay para sa lindol noong 2010 at sa mga sumunod na mga outbreak ng cholera. Sa kasalukuyan, nagbibigay kami ng pangangalaga para sa mga pasyenteng may traumatic injuries, burns o di kaya’y may emergency medical condition. Nagbibigay rin kami ng pangangalaga para sa mga nakaranas ng karahasang sekswal at karahasang batay sa kasarian, pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan, at ng maternity care.
     

    Categories