Skip to main content

    Haiti: Mariin na kinondena ng Doctors Without Borders ang marahas na paglusob ng mga armadong lalaki sa ospital sa Tabarre

    MSB109690

    Ambulansiya ng Doctors Without Borders sa labas ng Tabarre hospital. Haiti, Pebrero 2021. © Pierre Fromentin/MSF

    Port-au-Prince, Hulyo 7, 2023 – Kagabi, may humigit-kumulang 20 na armadong kalalakihan na marahas na pumasok sa ospital ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Tabarre sa Port-au-Prince, ang kabisera ng Haiti, upang sapilitang kunin ang isang pasyenteng biktima ng pamamaril na inooperahan ng mga sandaling iyon. Mariing kinokondena ng Doctors Without Borders ang paglusob na ito, na muling nagpapakita kung gaano kalala ang kasalukuyang karahasan sa Port- au-Prince. Ang lahat ng aktibidad sa ospital sa Tabarre na kaugnay ng pangangalaga para sa mga pasyenteng may trauma o nasunog ay kasalukuyang suspindido dahil sa insidenteng ito. 

    Noong gabi ng Hulyo 6, isang pasyenteng may mga tama ng baril ang dumating sa ospital. Kitang-kita naman na malubha ang mga pinsalang natamo niya at nanganganib ang kanyang buhay, kung kaya’t mabilis siyang tinanggap ng ospital. Hhabang siya’y inooperahan, dalawang lalaki ang dumating at nagkunwang kailangan nila ng  agarang atensyong medikal. Ngunit nang bumukas ang trangkahan ng pasilidad, sumugod ang humigit-kumulang dalawampung mga lalaking nakamaskara na may dalang mga baril. Sapilitan nilang kinuha ang pasyenteng sugatan, at umalis silang kasama ito. 

    "Walang paggalang para sa buhay ng tao ang mga partidong sangkot sa mga alitan dito. Sa mga karahasan sa Port-au-Prince, kahit ang mga mahihina, may sakit at sugatan ay pinapatulan. Paano kami makapagpapatuloy sa pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa ganitong klaseng kapaligiran? Kailangan muna nating maunawaan ang mga pangyayari at pahingahin ang aming medical staff dahil pinagbantaan sila ng mga lalaking iyon, papatayin daw sila. Kaya naman nagpasya kaming pansamantalang itigil ang aming mga ginagawa rito, at pag-aralan ang mga kakailanganin namin para kami’y muling makakilos."
    - Mahaman Bachard Iro, head of programs in Haiti

    Dahil sa sunod-sunod na insidenteng nagdala ng panganib sa mga medical team ng  Doctors Without Borders, patuloy nilang tinatasa ang kanilang presensiya at ang kanilang mga ginagawa sa bansa. Ang medical staff, na araw-araw ay nakikipagbuno upang makasagip ng buhay, ay nagugulat pa rin sa pagpapatuloy ng karahasan at sa pang-aalipusta ng mga armadong grupo sa kanila. Samantala, sa ibang bahagi naman ng Port-au-Prince metropolitan area, kinailangan ding pansamantalang isara ng Doctors Without Borders ang ospital sa Drouillard noong Abril 2022. Ang emergency center sa Martissant ay permanente nang isinara noong Hunyo 2021, at sinuspinde ang pagbibigay ng suporta sa Raoul Pierre Louis hospital sa Carrefour mula noong Enero 2023 dahil sa kakulangan ng seguridad. 

    Muling nanawagan ang Doctors Without Borders sa iba’t ibang grupong sangkot sa mga alitan sa Port-au-Prince na respetuhin ang mga pasilidad medikal, upang maipagpatuloy ang mga gawain dito. Nananatiling determinado ang Doctors Without Borders na manindigan para sa mga mamamayan ng Haiti. Sila ang mga pangunahing biktima ng patuloy na pagkasira ng seguridad sa bansa nitong mga nakalipas na taon. Maliban sa ospital sa Tabarre,ipagpapatuloy ng Doctors Without Borders ang mga programang medikal nito sa Haiti. 

    Noong 2022, ang mga team ng Doctors Without Borders sa Haiti, sa pakikipagtulungan sa Ministry of Health, ay nagsagawa ng mahigit  4,600 surgeries, 34,200 emergency consultations at 17,800 mobile clinic consultations. Sila rin ay nakapaggamot ng 2,600 na taong nasaktan sa pamamaril, 370 sa pagkasunog, at 2,300 na biktima ng karahasang sekswal. Nagbigay rin sila ng pangangalaga sa 700 na panganganak.

    Categories