Haiti: Galit na galit ang Doctors Without Borders sa pagsalakay sa ambulansya nito at sa pagpatay sa mga pasyente
Noong Nobyembre 11, isang ambulansya ng Doctors Without Borders na maghahatid sa tatlong kabataang nabaril ay pinahinto ng mga pulis ng Haiti nang ito’y mga isang daang metro ang layo mula sa ospital ng Doctors Without Borders sa Drouillard, Port-au-Prince, at napilitan silang ituloy na lamang ang paglipat ng mga pasyente sa isang pampublikong ospital. Matapos subukang arestuhin ang mga pasyente at magpaputok ng baril sa ere, sinabayan ng mga pulis ang ambulansya papunta sa Hôpital La Paix. Pagdating roon, pinalibutan ng mga pulis at mga miyembro ng isang self-defense group ang ambulansya. Nilaslas nila ang mga gulong ng sasakyan, at gumamit ng tear gas upang mapilitan ang mga staff ng Doctors Without Borders na bumaba mula sa ambulansya. Ang mga sugatang pasyente ay dinala sa di kalayuan, sa labas ng bakuran ng ospital, kung saan pinatay ang dalawa o higit pa sa kanila.
Ang mga staff ng Doctors Without Borders na nasa ambulansya ay ginawan ng karahasan, ininsulto, tinapunan ng tear gas, pinagbantaang papatayin, at ginawang mga bihag sa loob ng mahigit apat na oras bago sila pinahintulutang umalis. Ang ambulansya ng Doctors Without Borders ay hindi na umaandar, kaya’t umalis ang team lulan ng ibang sasakyan.
Ang pangyayaring ito ay isang kagulat-gulat na pagpapakita ng karahasan sa mga pasyente at sa mga medical personnel ng Doctors Without Borders, at nagiging dahilan upang pag-isipan ng Doctors Without Borders ang aming kakayahang ipagpatuloy ang paghahatid ng mahalagang pangangalaga sa mga Haitian, na lubos na nangangailangan nito. Kailangang matiyak ang kaligtasan ng aming mga team at ng aming mga pasyente upang maipagpatuloy namin ang pagbibigay ng pangangalagang medikal.Christophe Garnier, Head of Mission
Ang Doctors Without Borders ay isang organisasyong humanitarian na naglilingkod sa populasyon ng Haiti. Tinutugunan namin ang mga pangangailangang medikal sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, pangangalaga para sa trauma, at suporta para sa mga survivor ng karahasang sekswal. Nananawagan kami sa mga awtoridad at sa lahat ng mga stakeholder na itaguyod ang karapatan ng bawat taong makakuha ng pangangalagang medikal nang malaya sa diskriminasyon o anumang hadlang, at tiyakin ang kaligtasan ng mga pasyente, pati na rin ang paggalang sa mga medical personnel at mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa harap ng tumitinding karahasan.