Haiti: Pagpapanatili ng pangangalagang pangkalusugan sa gitna ng matinding karahasan at kawalan ng katiyakan
Patungo sa ospital ng Doctors Without Borders sa Tabarre, Port-au-Prince, puno ang mga kalsada ng makukulay na “tap-tap” – ang mga taxi ng Haiti. © Guillaume Binet/MYOP
Ang pagpaslang kay Pangulong Jovenel Moïse nitong nakaraang linggo ay nakatawag ng pandaigdigang atensyon sa kasalukuyang kaguluhang pulitikal sa Haiti, ngunit ang maaaring hindi napagtatanto ng lahat ay ilang buwan nang lubog ang bansa sa matinding krisis. Inilarawan ni Stéphane Doyon, ang program manager para sa Haiti ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF), ang lumalalang sitwasyong humanitarian sa Haiti at ang di-pangkaraniwang antas ng karahasang nagaganap ngayon doon.
Ano ang kasalukuyang sitwasyon sa Haiti?
Upang mailarawan ang pang-araw araw na pamumuhay sa Haiti, kailangan nating gumamit ng mga salitang karaniwang ginagamit lamang para sa digmaan. Ang kabisera, ang siyudad ng Port-au-Prince, ay nahahati ng ilang front lines. May mga kapitbahayan na kontrolado ng mga armadong grupo na nagbabago-bago ang inaangking teritoryo. Sa mga siksikan at mahihirap na lugar, nakabarikada ang mga kalye. Sa ilang lugar, may mga sniper na namamaril nang walang pinipili. Dahil sa mga sagupaan sa pagitan ng mga gang, libo-libong residente ang napilitang umalis sa ilang mga kapitbahayan. Sa iba naman, gaya ng Cité Soleil, hindi makalabas at makakilos ang mga residente dahil sa karahasan. Ayon sa UN, mga 18,000 na tao na amg napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan, at nakikitira na lang sa mga kamag-anak o di kaya;y namamalagi sa mga paaralan o simbahan. Ito ay bagong kaganapan, karamihan ay kamakailan laman, dahil sa mga tumitinding labanan. Kontrolado rin ng mga gang ang mga pangunahing dadaanan papasok o palabas ng Port-au-Prince, kung kaya’at ang pagpunta at pag-alis sa siyudad ay naging kumplkado. Bukod sa mga away, mataas din ang bilang ng mga krimen gaya ng pagnanakaw, pagkidnap, at pangingikil.
Ano ang ginagawa ng Doctors Without Borders?
Sa kontekstong ito, maraming mga biktima ng karahasan. Sa aming trauma hospital sa Tabarre, ang Doctors Without Borders ay nakapagbigay ng pangangalaga sa mahigit 600 na sugatan mula noong simula ng taon. Karamihan sa kanila ay galing sa mga distrito ng Martissant, Cité Soleil, Croix des Bouquets o Bel Air, kung saan naganap ang ilan sa pinakamalalang sagupaan. Mula Abril, kinailangan naming harapin ang maraming pasyenteng sugatan, kaya nagpasya kaming dagdagan ang kapasidad ng aming ospital. May mga araw na umaabot sa dalawampung pasyente ang tinatanggap ng aming team. Mahigit 60% ng aming mga trauma patients ay nabaril o nasaksak. Samantala, patuloy ang Doctors Without Borders sa paggamot sa mga biktima ng karahasang selswal at karahasang batqy sa kasarian sa Port-au-Prince at Gonaïves.
Pauwi si Wilfrid mula sa kanyang trabaho sa Tabarre noong Oktubre 2020 nang may nadaanan siyang mga nag-aaway na gang. Sakay siya ng motorsiklo nang nakaramdam siya ng sakit sa kanyang braso. Isang bahagi ng kanyang braso ay natamaan pala ng machete. Agad siyang pumunta sa Tabarre, ngunit hindi na maisalba ang kanyang braso, at kinailangang putulin ang isang bahagi nito. Dating mananahi si Wilfrid. Sa pagkawala ng kanyang braso, hindi na siya makapagtrabaho para sa kanyang limang anak ar sa kanyang asawa. Lumipat sila ng tirahan sa isang mas ligtas na lugar, ngunit ang kanilang nilpatan ay isang kuwarto lang, at magkakatabi silang lahat sa iisang kama. Sumasailalim si Wilfrid sa regular na physiotherapy sessions sa ospital ng Doctors Without Borders sa Tabarre. Nang sumunod na araw, binigyan siya ng prosthesis. © Guillaume Binet/MYOP
Ano ang epekto ng sitwasyon sa mga aktibidad ng Doctors Without Borders?
Bagama’t ilang taon nang nagdurusa ang Haiti mula sa talamak na karahasan, lumala ito nitong nakaraang taon. Kahit mga pasilidad pangkalusugan ay pinupuntirya na, at ang aming mga aktibidad ay ilang beses nang nagambala ng magkakasunod na kritikal na insidente. Noong Pebrero, isang ospital ng Doctors Without Borders na nakatuon sa paggamot ng mga biktima ng sunog sa distrito ng Drouillard ay kinailangang isara dahil sa mga labanan sa paligid nito. Ang humigit-kumulang na 20 pasyenteng naroon noong panahong iyon ay inilipat, at hanggang ngayo’y sarado pa rin ang naturang ospital. Mayroon lang kaming isang advanced medical post doon, kung saan maaari kaming magsangguni ng mga sugatan o biktima ng sunog. Nitong nakaraang buwan, dahil sa pagsabog ng karahasan sa Martissant, nalagay ang staff ng Doctors Without Borders emergency center sa pagsubok. Kinailangan nilang alagaan ang mga sugatan habang pinoprotektahan ang kanilang sarili mula sa mga ligaw na bala. Kasabay nito, ninakawan pa ang isa naming ambulansiya. Noong Hunyo 26, ang mismong ospital na ang naging target ng pamamaril, kaya’t nilikas na namin ang mga staff at pasyente.
Bukod sa mga kabanatang ito, nariyan din ang banta ng ordinaryong karahasan sa bawat isa sa amin. Tuwing lalabas kami sa kalye, ang aming health workers, tulad ng kahit sino rito, ay nangangambang matamaan ng ligaw na bala, o manakawan. Noong Mayo 25, isang empleyado ng Doctors Without Borders sa Tabarre ang pinatay ng mga armadong lalaki habang pauwi siya mula sa isang araw ng pagtatrabaho sa ospital.Stéphane Doyon, program manager
Ang Ambulatory Care Unit (ACU) ng Tabarre Hospital © Guillaume Binet/MYOP
Ano ang mga epekto sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan?
Dahil sa permanenteng kawalan ng seguridad, nalilimitahan ang access ng populasyon sa pangangalagang pangkalusugan. Ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay dati nang hindi patas. Ang pribadong pangangalagang pangkalusugan ay makakamit lamang ng mga may sapat na pambayad para rito, habang ang mga pampublikong pasilidad pangkalusugan naman ay kulang sa mga kinakailangan. Sa kontekstong ito, isang hamon ang magpatuloy sa aming mga gawain. Dapat, ang sinumang pasyente at medical staff ay makakarating nang matiwasay sa pasilidad pangkalusugan at makabalik mula rito nang ligtas. Ngunit walang makakagarantiya nito. Sa ganitong panahon, kung kailan dapat naming lawakan ang aming mga ginagawa upang matugunan ang dumaraming pangangailangang medikal ng populasyon, kasama ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19, talagang nahihirapan kaming panatiliing bukas ang aming mga pasilidad.
Ngayon, mahalagang mapagtanto natin na ang Haiti ay nalulugmok sa sitwasyon ng karahasan at kawalan ng seguridad na sinamahan pa ng malaking krisis sa kalusugan. Ang pagpaslang sa pangulo ay dumadagdag sa kawalan ng katiyakan sa isang bansang tila nasa bingit na ng sukdulang kaguluhan.