Haiti: Inilantad ng isang bagong survey ang matinding karahasan sa Port-au-Prince
Port-Au-Prince. Av Gerard Téodard. © Pierre Fromentin/MSF
Port-au-Prince, Haiti/Paris, France, 29 Pebrero 2024 –Inilantad ng isang survey na naglalayong suriin ang epekto ng karahasan sa mortalidad ng mga taga-Haiti ang matinding karahasang nararanasan ng mga residente ng Cité Soleil, ang pinakamalaking lugar kung saan nakatira ang mga mahihirap sa kabisera ng Haiti, ang Port-au-Prince.
Ang retrospective mortality survey na ito ay isinagawa ng Epicentre, ang sangay ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na nakatuon sa epidemiology at medical research. Saklaw ng naturang survey ang panahon mula Agosto 2022 hanggang Hulyo 2023. Inilantad nito ang nakababahalang pagdami ng mga insidente ng karahasan, kumpara sa nakita ng Doctors Without Borders nang nagsagawa sila ng katulad nitong pag-aaral noong 2007 sa lugar ding iyon.
Ayon sa bagong survey, mahigit 40% ng mga pagkamatay ay maiiugnay sa karahasan, at ang crude mortality rate o bilang ng mga namamatay sa bawat sampung libong tao kada araw, ay 0.63. Ang ganitong antas ng mortalidad ay lumabas na rin sa mga nakaraang survey na isinagawa ng Doctors Without Borders sa North Syria noong 2017 sa mga taong nagdusa sa kahila-hilakbot na pamumuno ng Islamic State group at pambobomba ng pandaigdigang koalisyon. Ito rin ay nakita sa mga refugee na Rohingya noong mga buwan bago naglunsad ang hukbong Burmese ng isang kampanya ng karahasan laban sa kanila.
Bukod sa mataas na mortality rate, 13% ng mga residente ng Cité Soleil na tumugon sa survey ay nagbahagi na nakasaksi sila ng matinding karahasan sa kalsada, gaya ng pagpatay nang basta na lamang. 40% ng mga kababaihang nakibahagi sa survey ang nagsabing hindi na lang sila kumuha ng antenatal care upang makaiwas sa panganib ng bunga ng pagkalantad sa karahasan habang naglalakbay patungo sa ospital o klinika.
Sanay na akong makakita ng mga taong pinapatay. Sanay na akong makakita ng mga katawang nakahandusay sa daan. Sanay na akong makakita ng mga sunog na bangkay. Sanay na akong makarinig ng mga paputok. Minsan, kakilala mo ang pinatay. Ang pinag-uusapan po rito ay matinding takot, tungkol ito sa armadong karahasan. Pisikal na karahasan, sikolohikal na karahasan. Ang pinag-uusapan po rito ay kahirapan. Ang pinag-uusapan po rito ay mga pagpatay. Ang pinag-uusapan po rito ay karahasan ng mga gang laban sa mga tao.Staff member ng MSF mula sa Haiti
Ang survey ay nagpapakita ng malagim na larawan ng buhay sa kabisera ng Haiti – buhay na saklot ng kaguluhan, mga pagbabanta mula sa mga armadong grupo at panganib na maiipit sa mga labanan sa pagitan ng mga gang, pulis at mga self-defence brigade ng mga sibilyan.
Ayon sa Office of the UN High Commissioner for Human Rights (OHCHR), ang Enero 2024 ang pinakapuno ng karahasan na buwan sa Haiti nitong nakaraang dalawang taon. Hindi bababa sa 806 na tao ang pinatay, sinaktan o kinidnap sa bansa. Lalo pang lumalala ang sitwasyon at noong Pebrero 28 ang Port-au-Prince ay binalot na ng kaguluhan, at dose-dosenang mga taong nasaktan ang nagitgitan sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders.
Bilang isang padre de pamilya, nakagugulantang na makakita ng isang dalawang taong gulang na bata na nasugatan dahil sa pamamaril. Nakasisindak makita ang mga batang ito na walang kinalaman sa mga alitan ng mga gang na may mga bala sa kanilang katawan.Staff member ng MSF sa Haiti
Mula 2022 hanggang 2023, dumoble ang bilang ng mga pagpatay sa Haiti, habang 83% ang itinaas ng bilang ng mga kidnapping, ayon sa ulat ng UN Secretary-General. Ngunit, malamang na mas mataas ang mga totoong bilang, sapagkat ang mga resulta ng survey ng Epicentre ay higit na mataas kaysa sa mga opisyal na bilang. Halimbawa, noong 2023, iniulat ng UN na may mahigit 4,700 na biktima ng pagpatay sa iba’t ibang bahagi ng Haiti. Ngunit ayon sa Epicentre survey, mahigit 2,300 ang namatay dahil sa karahasan sa Cité Soleil lamang, kung saan 9% lang ng populasyon ng kabisera ang nakatira.
Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Haiti
Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho na sa Haiti mula pa noong dekada nobenta. Ang mga team namin ay tumugon sa malalaking emergency gaya ng lindol noong 2010 at mga epidemya ng cholera noong 2010 at 2011. Ngayon, nagbibigay ang MSF ng libreng pangangalagang medikal. Kasama rito ang emergency trauma care, burns treatment, maternity care, pangangalaga para sa mga biktima ng karahasang sekswal at pangunahing pangangalagang pangkalusugan para sa mga mahihirap na pamayanan sa Port-au-Prince.
Tungkol sa Epicentre
Ang Epicentre ang sangay ng Doctors Without Borders para sa pananaliksik. Nakatuon ito sa pagsasagawa ng mga epidemiological study at operational research upang mapabuti ang bisa at kalidad ng mga humanitarian medical programme.