Haiti: Mga pangunahing pagsusuri at mga unang pakikisangkot matapos ang lindol
Mapa ng lindol noong Agosto 2021, at mga lugar sa Hait na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. © Carrie Hawk/MSF
Sabado, Agosto 14, 8:30 ng umaga, nanginig ang lupa sa timog na peninsula ng Haiti. Isang 7.2 magnitude na lindol ang nagdulot ng matinding pinsala sa mga gusali, bahay at mga pangunahing kalsada sa tatlong probinsiya: Grand'Anse, Nippes at Sud. Ayon sa mga awtoridad, itinatayang ang provisional death toll ay umabot sa mahigit 1,300 at ang mga nasaktan naman ay humigit-kumulang 5,700.
Sa ngayo’y mahirap pang makakuha ng kumpletong larawan ng sakunang ito, ngunit naglunsad ang Doctors Without Borders ng mga misyon upang galugarin ang ilang bayan. Nagsimula na ang kanilang pakikisangkot sa mga siyudad ng Port-Salut, Les Cayes at Jérémie at naghahanda para sa mas maraming aktibidad sa mga susunod na araw, katulad ng pagpapadala ng medical equipment, mga essential items, at human resources tulad ng medical teams na mangangalaga para sa mga sugatan
Mga Unang Pakikisangkot
Sa mga unang oras pagkatapos ng lindol, isang medical team mula sa aming reproductive health project sa Port-à-Piment ay mabilis na pumunta sa General Hospital of Les Cayes upang matasa ang sitwasyon at simulan ang pagtulong. Isa pang team ang titingin din sa sitwasyon at sisimulan ang pakikiisangkot. Isa pang team ang pinadala sa Port-Salut Hospital, kung saan 26 na sugatan ang isinangguni. Sila’y galing sa Port-à-Piment, Les Anglais at Les Cayes.
Sa probinsiya ng Grand'Anse, isang surgical team at mga gamit para sa sterilization ang ipinadala sa St. Antoine's Hospital sa siyudad ng Jérémie. Sa probinsiya naman ng Nippes, binigyan ang Sainte Thérèse hospital sa Miragoâne ng materyal na tulong.
“Ang mga prayoridad namin sa kasalukuyan, bago ang lahat, ay ang makakuha ng malinaw na ideya ukol sa sitwasyong medikal, at magbigay ng direktang pangangalaga sa mga nasaktan hangga’t makakaya, o kapag natiyak naming maayos-ayos na ang kanilang kondisyon, isangguni sila sa mga ginagamit na istrukturang medikal,” sabi ni Alessandra Giudiceandrea, head of mission ng Doctors Without Borders sa Haiti.
Sa kasalukuyan, may ilang pagsusuri nang isinasagawa sa Baradères, Petit Trou, Les Anglais, Corail at Pestel. Depende sa realidad na masasaksihan namin sa mga lugar, maaaring magpadala ang Doctors Without Borders ng ibang medical teams, magsimula ng pamimigay ng essential items o di kaya’y umpisahan na ang water and sanitation activities.
Hangga’t maaari, tumutulong ang Doctors Without Borders medical teams na magsangguni ng mga nasaktan sa mga bukas na pasilidad pangkalusugan.
Mga Pangunahing Hamon
Ang paglakbay ng mga medical team at ang pagdala ng mga kagamitan ay isa sa mga pangunahing hamon ngayon. May ilang kalsada na kinailangang ipasara, partikular na ang mga nasa pagitan ng Les Cayes at Jérémie, at ng Port-à-Piment at Les Anglais. Ang pagguho ng lupa, na siyang dahilan ng mga pinsala sa access roads, ay nakakapagpabagal din at ginagawang kumplikado ang pagpapadala ng relief supplies at ang paghahatid ng tulong. Magrerenta ang Doctors Without Borders ng helicopter upang mas mabilis marating ang mga liblib na pook, makapagdala ng mga kagamitan, at magsangguni ng mga taong nasaktan. Ang paglalakbay sa dagat ay isa ring posibilidad.
Isa pang nakababahala ay ang pagdating ng isang bagyo, na pinangalanang Grace. Inaasahang dadaan ang bagyo sa pinangyarihan ng lindol sa gabi ng Agosto 16, Lunes hanggang sa Agosto 17, Martes.
"Napilitan ang ilang pasilidad pangkalusugan na ilipat ang kanilang mga pasyente mula sa mga gusali dahil sa mga nasirang istruktura, o dahil sa pangamba sa posibilidad ng aftershocks, gaya ng St. Antoine Hospital sa siyudad ng Jérémie, kung saan kami nagtatrabaho. Maraming pasyente ang nasa labas lang, ang iba’y nasa mga tolda. At ngayong gabi, inaasahang uulan nang malakas. Napakaraming Haitian ang nawalan ng tahanan," sabi ni Michel-Olivier Lacharité, head of emergencies ng Doctors Without Borders.
Ang sitwasyon ng seguridad sa Haiti ay hindi maaaring isantabi lamang. Ang pangunahing kalsada sa timog kanlurang bahagi ng Haiti ay dumadaan sa Martissant, isang pamayanan sa Port-au-Prince na lubhang naapektuhan ng karahasan sa pagitan ng mga armadong grupo. Bagama’t nagdeklara ang mga armadong grupo ng tigil-putukan doon, nagiging kumplikado ang pagdala ng mga relief supplies dahil sa kakulangan ng seguridad sa Haiti. Bago pa man lumindol, ang mga pasilidad pangkalusugan sa mga probinsiya ng timog na peninsula ng Haiti ay nakararanas na ng mga suliranin.
Sa Port-au-Prince
Sa kabutihang-palad, walang nasirang imprastruktura at mga gusali ang lindol sa Port-au-Prince. Ang mga Doctors Without Borders team na ilang taon nang nagtatrabaho sa Tabarre Hospital, ay tumanggap ng 12 na nasaktan mula sa lugar na pinangyarihan ng lindol. Sa pamayanan ng Turgeau, pinabilis ng Doctors Without Borders ang pagsimula ng mga aktibidad sa Integrated Diagnosis and Treatment Centre (CDTI), na mas kilala sa pangalang Sacré-Cœur Hospital. Layunin nilang mapabuti ang kalagayan ng mga nasugatan, at pagkatapos ay isasangguni ang mga ito sa ibang ospital. Sa loob lamang ng isang araw, 25 na sugatan ang tinanggap dito. Naglunsad na rin ng kampanya para sa blood collection, upang maghanda sa posibleng kakulangan ng maisasaling dugo.
Pagpapalakas ng aming Pagkasangkot
Sa mga darating na araw, ang ibang medical team, kabilang ang surgical team, ay inaasahang makapagsasanay ng ibang staff at makabibigay ng tulong sa ilang lokasyon sa tatlong probinsiyang pinaka-naapektuhan ng trahedya.
Ililipad patungong Haiti ang mga medical supplies, water and sanitation supplies, at mga basic essentials, tulad ng mga tolda. Ang aspetong ito’y mahalagang bahagi ng tugon ng Doctors Without Borders dahil sa tindi ng mga pinsalang naidulot ng lindol.