Haiti: Pagkatapos ng lindol, hinaharap ng mga pasyente ang napakaraming hamon
Sinusuri ng isang medical team mula sa ospital sa Tabarre ang isang pasyenteng nasaktan noong lindol. © Steven Aristil
Mahigit isang linggo matapos wasakin ng lindol ang kanilang bahay at baliin ang mga buto sa kanyang binti, si Widnika, edad dalawang taon at pitong buwan, ay natutulog sa isang kama sa ospital ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Tabarre, Port-au-Prince habang binabantayan siya ng kanyang inang si Widline.
Ang 7.2 magnitude na lindol ay nagsimula noong umaga ng Agosto 14, 8:29 a.m. (local time) at natapos pagkaraan ng ilang minuto. Sa mga kahindik-hindik na sandaling iyon, gumuho ang mga pader at nagbagsakan ang mga bubong sa ilang mga lugar sa timog na bahagi ng Haiti. Mahigit 2,200 ang nasawi, at mahigit 12,000 ang nasaktan. Ang mga nakaligtas, tulad ni Widnika, ay nagsisimula pa lang sa kanilang mahabang paglalakbay tungo sa pagbangon mula sa pisikal at emosyonal na trauma.
Pagkatapos bumagsak ang kanilang bahay, tinulungan ang kanyang pamilya ng kanilang mga kapitbahay sa bayan ng Camp-Perrin upang maligtas siya mula sa gumuhong istruktura. Dinala siya ng kanyang ina sa isang lokql nq ospital, ngunit noong araw ring iyon ay inilipat siya sa ospital ng Doctors Without Borders sa Tabarre. Sa mga sumunod na araw, ang mga nakaligtas mula sa lindol ay nagsidatingan sa kabiserang siyudad ng Port-Au-Prince. Mula sa timog na bahagi ng Haiti, nakarating sila sa Port-Au-Prince sa pamamagitan ng national ambulance system, o di kaya’y gamit ang sarili nilang sasakyan. Mayroon ding ibang dumating lulan ng mga helicopter at eroplano na agad tinawag sa serbisyo.
Sa mismong araw ng lindol, nagbukas ang Doctors Without Borders ng isang emergency center sa Turgeau sa Port-au-Prince, upang mabigyan agad ng lunas ang mga pasyenteng galing sa timog. Sa unang walong araw, ginamot sa center ang 133 earthquake survivors at 152 na iba pang pasyente. 82 na pasyente ang isinangguni sa mga lokal na ospital para sa karagdagang paggamot, o di kaya’y operasyon. Dalawampu’t pito sa mga pasyenteng ito ang isinangguni sa ospital ng Doctors Without Borders sa Tabarre, kung saan may mga dalubhasa sa paggamot ng mga matitinding trauma at pagkasunog.
Inilipat ang ilang mga biktima ng paglindol sa Tabarre trauma center upang gamutin. © Steven Aristil
Noong niyanig ang Haiti ng lindol, karamihan sa mga kama sa ospital sa Tabarre ay okupado na ng mga biktima ng pagsunog, at ng mga pasyenteng may trauma. Ngunit pagkatapos ng lindol, nakatanggap agad sila ng 70 na pasyente sa loob lamang ng ilang araw. 48 sa kanila ang tinanggap upang maoperahan o upang makakuha ng ibang lunas. Kulang na kulang ang kapasidad ng ospital na pitumpung kama, kung kaya’t ipinatupad na nila ang kanilang disaster plan—ang paglagay ng 19 na karagdagang kama sa mga lugar sa hardin na may bubungan, at sa ibang mga bahagi ng gusali.
Samantala, sa Tabarre, inoperahan si Widnika. Ang mga buto sa ibabang bahagi ng kanyang binti ay nakapirmi na sa tulong ng external fixator—isang medical rod na ikinabit sa labas ng kanyang lulod, upang sabay at magkasamang tumubo ang mga buto. Nagpahayag ng pasasalamat si Widline para sa pangangalagang ibinigay sa kanyang anak. Ngunit kasabay nito ay ang lungkot na wala na silang tahanang mababalikan. Ang kanilang bayan, Camp-Perrin, ay limang oras ang layo mula sa Port-Au-Prince, at dahil maraming mga kalsada ang nasira dahil sa lindol, tiyak na mas matagal at mas mahirap bumiyahe.
Dahil sa maraming hamong hinaharap ng mga pasyente at ng kanilang mga pamilya—medikal, sikolohikal, praktikal—nagiging mahirap din para sa staff ng ospital na tuparin ang kanilang responsibilidad na tiyaking makakakuha ang mga pasyente ng kinakailangan nilang pangangalaga sa mga darating na linggo at buwan. Sa southern Haiti, maraming mga ospital ang nasira, kaya sa ngayon ay di sila makapagbigay ng the follow-up care na kailangan ng earthquake survivors.
"Kami'y nasa proseso ng pakikipag-ugnayan sa ibang mga organisasyon upang matiyak na maipagpapatuloy nila ang physiotherapy at ang pangangalagang sikolohikal kapag bumalik na ang mga pasyente sa kanilang mga tahanan. Mahalaga rin na ang mga pasyenteng nagkaroon ng bone fractures ay regular na kumonsulta sa doktor upang mabantayan kung gumagaling ba ang buto, at upang makagawa ng ibang hakbang kung kinakailangan. Kailangan din nating alamin kung may kapasidad ang mga ospital para sa radiography at sa iba pang aspeto ng pangangalaga."
- Dr. Kanoute Dialla, coordinator ng Doctors Without Borders sa Tabarre hospital
Marami ring hamon ang logistics nito. Mahirap bumiyahe mula sa southern Haiti papunta sa Tabarre, sapagkat malaki ang pinsala sa mga kalsada ng mga pagguho ng lupa. Dapat ding tandaan na marami sa mga earthquake survivors ay may pansamantala o permanenteng kapansanan dahil sa natamo nilang mga pinsala, kaya’t maaari silang mahirapan sa biyahe.
Tinutulungan ni Elvie Pierre, isang social worker na nagtatrabaho sa ospital sa Tabarre, ang mga pasyenteng mapanatili ang koneksyon sa kanilang mga pamilya, na mahalaga bilang mapagkukunan ng suportang emosyonal. "May nakakaalam bang nasa ospital ka ngayon?" Ito ang lagi niyang tinatanong. Naglalabas din siya ng telepono, sakaling may kailangang tawagan ang pasyente. Kapag bumuti na ang kalagayan ng pasyente, at naghahanda na sa paglabas ng ospital, tinatanong ni Elvie kung meron siyang mga kamag-anak sa siyudad, at kung maaari siyang doon muna mamalagi upang maipagpatuloy ang outpatient treatment.
Ginagamot sa ospital sa Tabarre ang isang biktima ng lindol noong Agosto 14, matapos siyang ilipat mula sa timog na bahagi ng Haiti, na pinakanaapektuhan na sona sa bansa. © Steven Aristil
Para sa ibang mga pasyente, hindi maituturing na posibilidad ang mamalagi sa Port-Au-Prince nang pangmatagalan. Marami sa kanila’y nakatira sa mga lugar na ilang oras ang layo mula sa kabisera ng bansa, at wala silang kakilala sa siyudad na ito. Ang mga paupahan sa Port-Au-Prince ay kalimitang napakaliit kung kaya’t, napansin ni Pierre na mahirap para sa mga tao, kamag-anak mo man o hindi, na tumanggap ng isa pang titira sa kanila. Nagtayo ang Doctors Without Borders ng tolda sa loob ng compound ng ospital para sa mga pasyenteng gumaling na pero walang mapupuntahan.
"Dahil alam naman natin na ang pangangalaga sa mga pasyenteng may trauma ay dapat ipagpatuloy sa pamamagitan ng maayos na postoperative follow-up, physiotherapy, at suportang sikolohikal, gusto lang ng aming mga team makasiguro na nakaayos na ang lahat sa timog bago bumalik ang aming mga pasyente doon," paliwanag ni Dr. Alain Ngamba, ang Doctors Without Borders medical coordinator sa Haiti. "Bago kami maghanap ng mga pangmatagalang solusyon, plano muna naming panatiliin ang ilang mga pasyente dito sa Port-au-Prince sa pamamagitan ng pagbibigay ng matutuluyan upang maipagpatuloy ang pangangalaga sa kanila sa aming ospital sa Tabarre."
Ngayon, ginagamot na rin ng mga emergency team ng Doctors Without Borders ang earthquake survivors sa mga apektadong lugar sa timog, tulad ng mga siyudad ng Jérémie at Les Cayes. Ang mga team na ito ay tutulong rin sa pagtasa kung kaya ng mga pasilidad medikal sa rehiyon na magbigay ng follow-up care, sabi ni Ngamba.
Para kay Widnika, ang mga katanungan tungkol sa kanyang pagbabalik sa Camp-Perrin at kung ano ang maabutan nila roon ay maaari munang ipagpabukas. Sa kanyang pagkakahiga sa silid sa ospital, saglit na mumulat ang kanyang mata, at titingin siya sa paligid, tila may hinahanap. Makikita niya ang kanyang inang nakatitig sa kanya, at muli na siyang mahihimbing.
Gaya ng maraming earthquake survivors, nagsisimula na ang proseso niya ng paggaling, ngunit maaaring mahaba pa ang kanyang pagdadaanan. Upang maging ganap ang kanyang pagbangon, kailangan niya ng maraming uri ng suporta, at ng pagtitiyaga.