Haiti: Ayon sa mga nakatira rito, ang Port-au-Prince ay impiyerno sa lupa
Araw-araw, ang mga nakatira sa kabisera ng Haiti ay nanganganib na makidnap, masaktan, o mapatay sa mga alitan ng mga gang, mga civilian self-defence brigade, at mga pulis. © MSF
Dalawang taon matapos paslangin ang pangulo ng Haiti na si Jovenel Moïse, patuloy pa rin ang kaguluhan at karahasan sa siyudad ng Port-au-Prince. Araw-araw, ang mga nakatira sa kabisera ng Haiti ay nanganganib na makidnap, masaktan, o mapatay sa mga alitan ng mga gang, mga civilian self-defence brigade, at mga pulis. Ang araw-araw na karahasan ay ikinuwento ng labinlimang residente—karamihan sa knaila’y mga empleyado ng Doctors Without Borders—sa mga patotoo na tinipon para sa tatlong kabanata ng documentary series na pinamagatang "Haiti, caught in the crossfire". Sa isang internal survey na isinagawa ng Epicentre, ang epidemiology and research centre ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), nakumpirma ang mataas na antas ng pagkalantad sa karahasan ng mga nakatira sa kabisera ng Haiti.
Noong Abril, ang kabisera ng Haiti at ang mga nakatira roon ay nakaranas ng panibagong bugso ng matinding karahasan na kumitil sa buhay ng mahigit 600 na tao. Noong Abril 24, ang ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders sa loob lamang ng isang araw ay mga 50 na taong nabaril o nasaksak. Marami sa mga biktima ang hindi nakapunta sa isang pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan dahil masyadong delikado na ang lumabas mula sa kanilang mga tahanan. Noong Pebrero at Abril, napilitan ang Doctors Without Borders na suspindihin ang mga aktibidad sa ospital nito sa Cité Soleil dahil sa sa armadong labanan sa kalyeng malapit dito. Sa loob ng dalawang taon, natamaan ang ospital ng 65 na ligaw na bala.
May mga 90 na armadong grupo ang naglalabanan sa mga kalye ng Port-au-Prince, at mahigit 80% ng siyudad ang kontrolado nila. Ayon sa CARDH, isang grupo sa Haiti na nagsasagawa ng pananaliksik ukol sa karapatang pantao, may 389 na insidente ng pagkidnap ang naitala noong unang tatlong buwan ng 2023. Mahigit 173% ang itinaas nito mula 2021, at 72% naman kung ikukumpara sa bilang noong 2022.
Sa isinagawang survey ng Epicentre sa mga empleyado ng Doctors Without Borders at sa kanilang mga pamilya, nakita ang mataas na antas ng pagkakalantad nila sa karahasan. 14 na porsyento ng mga kabahayang kasali sa survey ang nagsabi na merong isa o higit pang miyembro ng kanilang pamilya ang naging saksi sa isang pangyayari ng matinding karahasan, gaya ng pagpatay o kaya ay pagsugod ng marami upang pagtulungan ang isang tao. Limang porsiyento ang nagsabi na may isa o higit pang miyembro ng kanilang pamiya na nakaranas ng pisikal na karahasan, kabilang na rito ang pagnanakaw at pagkidnap, at 30 porsiyento naman ang nagsabing may mga nasira silang kagamitan bilang resulta ng karahasan. 90 porsiyento ng mga tumugon sa survey ay nagpahayag na sa tingin nila, sobrang lumala ang seguridad noong 2023, kumpara noong 2022.
Ang karahasang nagaganap araw-araw sa Haiti ay tinalakay sa documentary series na "Haiti, caught in the crossfire". Sa loob ng tatlong kabanata, at sa pamamagitan ng 15 na panayam, sinubukan ng serye na ilarawan ang pang-araw araw na pamumuhay ng mga nakatira sa Port-au-Prince, kung saan ang bawat araw ay hitik sa pangamba at kawalan ng pag-asa sa harap ng patuloy at tila walang hangganang karahasan ng mga gang at ang mga maaaring epekto ng karahasang ito sa kinabukasan nila at ng kanilang mga pamilya.