Skip to main content

    Kailangang-kailangang mapabuti ang access sa TB testing bilang suporta sa paglabas ng mas mabuti, mas ligtas, at mas mabilis matapos na paggamot ng drug-resistant TB

    A patient with her granddaughter in the waiting room on the women's side of our drug-resistant tuberculosis (DR-TB) hospital in Kandahar city, Kandahar Province. Afghanistan, 2022. © Lynzy Billing

    Sa isang ospital ng Doctors Without Borders para sa drug-resistant tuberculosis (DR-TB) sa siyudad ng Kandahar, sa probinsiya sa Kandahar, kasama ng isang pasyente ang kanyang apo sa waiting room sa bahagi ng ospital na para sa mga babae. Afghanistan, 2022. © Lynzy Billing

    Naglabas ang WHO ng mga bagong alituntunin noong Disyembre 2022 na nagrerekomendang ilabas na sa publiko ang mas ligtas at mas maikling BPaLM* regimen upang gamutin ang mga mayroong DR-TB. Bahagi ng naging basehan nila ang mga resulta ng isang pag-aaral ng Doctors Without Borders—ang TB PRACTECAL trial, isang randomized, controlled clinical trial na ginawa sa iba’t ibang bansa. Ipinapakita ng trial na ito na ang bagong all-oral BPaLM based treatment, na kakailanganin lang ng pasyente sa loob ng anim na buwan, ay mas ligtas at mas epektibo sa paggamot ng DR-TB kaysa ang mga kasalukuyang ginagamit na treatment regimen, na kailangang gamitin sa mas mahabang panahon, na nagdudulot ng mga nakasasamang side effect, at nakakapagpagaling ng 60% lang ng mga taong may DR-TB.  

    "Para sa akin, ang lahat-lahat nitong nakaraang dalawang taon ay umiinog sa TB," sabi ni Maria (hindi niya tunay na pangalan). Dalawang taon siyang ginamot para sa DR-TB, pero hindi pa rin siya gumaling. Sa kalaunan ay ginamot siya sa Belarus, gamit ang BPaLM regimen. "Ang mamuhay nang ganoon ay imposible. Sa lumang paggamot, hindi ka makakakilos nang maayos dahil ang sama ng pakiramdam mo habang ginagamot. Kung mas maaga lang akong nakapagpagamot gamit ang bagong treatment regimen, siguro’y iba ang naging buhay ko."

     

    Access sa diagnostic testing at mas maikli, mas ligtas, at mas murang regimen 

    Ang access sa diagnostic testing para sa resistance ay isa sa mga pangunahing kinakailangan para magamit ang mga mas ligtas at mas maiikling DR-TB treatment regimen. Sa kasalukuyan, ang GeneXpert MTB/RIF test na ginawa ng Cepheid, isang korporasyon sa US, ay ang pinakamadaling makuha na rapid molecular diagnostic test sa mga bansa kung saan maraming kaso ng TB upang malaman kung ang sakit ng pasyente ay di tinatalaban ng first-line drug na rifampicin. Kahit na malakas naman ang benta nila sa mga bansang maraming kaso ng TB, at bagama’t ayon sa pag-aaral ng Doctors Without Borders ay wala pang US$5 ang ginagastos ng Cepheid para sa paggawa ng bawat test, mahigit isang dekada nang pinanatili ng korporasyon ang presyo nito sa US$9.98 kada test.

    Kailangan nang simulan ng mga bansa ang pagpapagamit ng BPaLM regimen na para sa anim na buwang paggamot ng DR-TB, at tiyaking maaaring makabili o makakuha ng GeneXpert MTB/RIF tests, sa anumang bahagi ng bansa, o kung saan man posible, ng mga alternatibong inererekomenda ng WHO tulad ng Truenat MTB/RIF test, upang malaman agad kung may TB nga at rifampicin resistance ang mga tao, at makatanggap agad sila ng paggamot sa lalong madaling panahon.

    "Mahalagang mapadali ang pagbili o pagkuha ng mga test upang matiyak kung TB nga ang karamdaman, at kung ito ang klase ng TB na di tinatalaban ng mga gamot na karaniwang ginagamit para sa sakit na ito, upang matukoy ang mga taong nangangailangan ng paggamot, at ilabas na ang mas maikli at mas ligtas na mga all-oral treatment regimen."

    "Muli kaming nananawagan sa Cepheid na babaan ang presyo ng mga TB test sa di hihigit sa $5 ang isa, upang mas maraming taong may drug-resistant TB ang matutukoy nang maaga, at mabigyan o makakuha ng pinabuti at nakakasagip-buhay na paggamot," pagpapatuloy ni Stijn Deborggraeve, Diagnostics Advisor ng Doctors Without Borders' Access Campaign.

    Kailangan ding babaan pa ang presyo ng mga gamot. Makakatulong kung ilalabas ng mga pambansang programa para sa paggamot ng TB ang mga bagong regimen  na ito sa mas maraming tao upang umakyat ang pangangailangan, at upang dumami ang tagatustos ng mga mas murang generic na katumbas ng bedaquiline at pretomanid. Ang pinakamababang presyo ng bagong DR-TB treatment regimen ay $570 pa rin. Hinihingi ng Doctors Without Borders na ibaba ang halaga ng kumpletong kurso ng DR-TB, kasama na ang BPaLM regimen, sa presyong di hihigit sa $500. Sinimulan na ng limang bansa kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders sa pagpapatupad ng mas maikling regimen. Ang mga bansang ito ay ang Belarus, Uzbekistan, Tajikistan, Sierra Leone at Pakistan. Kung mas mapapababa pa ang presyo, mailalabas at maipapatupad ang ganitong paggamot sa mas maraming bansa. 

    "Sa isang bansang tulad ng Afghanistan, kung saan ang mga tao’y kapos sa pambili ng pagkain, walang pera para maglakbay, at hirap makabayad kapag naospital, ang paggamot sa drug-resistant TB sa loob lamang ng anim na buwan sa halip na dalawang taon, na siyang kinakailangan para sa lumang treatment regimens , ay isang biyaya. Malaking hamon din para sa Afghanistan at sa ibang mga bansa sa rehiyon ang makakuha ng mga murang diagnostic tests, at nananatiling mataas ang presyo ng mga ito. Ang mga pamahalaan, mga donor, at mga korporasyong parmasyutiko ay kinakailangan nang kumilos ngayon upang matiyak na may murang mga test at paggamot sa TB upang mas maraming buhay ang masagip."
    Dr Geke Huisman, Medical Coordinator

    *Ang anim na buwang BPaLM regimen ay binubuo ng bedaquiline (B), pretomanid (Pa), linezolid (L) at moxifloxacin (M). Hindi angkop ang regimen na ito sa mga taong may TB na di tinatalaban ng bedaquiline, linezolid, pretomanid o delamanid. Kasabay ng pagpapatupad ng BPaLM regimen, kailangan ding paunlarin ang kakayahang makakuha ng drug susceptibility testing para sa mga ginagamit na gamot sa pagpapagaling ng DR-TB.