Gaza: Naipit dahil sa ilang araw ng walang humpay na labanan, libo-libong sibilyan ang nanganganib na masawi, pati ang mahigit sa isang daang Doctors Without Borders staff at ang kanilang mga pamilya
Nagmamasid ang mga taong nakatayo sa rooftop ng isang gusali habang lumalaki ang isang bola ng apoy at usok sa taas ng Palestine Tower sa siyudad ng Gaza noong Oktubre 7, 2023, pagkatapos itong bombahin ng isang Israeli air strike.
Mula noong nag-umpisa ang karahasan noong Sabado, Oktubre 7 at pagkatapos ng mga Israeli air strike, ang sitwasyon sa Gaza Strip ay nakapanlulumo. Palestinian Territories, October 2023 © Mahmud Hams/AFP
Ang matindi at walang humpay na mga labanan at pagbobomba sa siyudad ng Gaza ay patuloy na pumipigil sa libo-libong tao upang makaalis nang ligtas mula sa lugar. Nitong nakaraang anim na araw, sinusubukan ng Doctors Without Borders na ilikas ang ilan sa mga staff nito at ang kanilang mga pamilya—137 na tao, 65 sa kanila ay mga bata – na kasalukuyang hindi makaalis mula sa istruktura ng Doctors Without Borders malapit sa Al-Shifa Hospital. Nananawagan kami para sa isang ceasefire, ang siyang tanging paraan upang magkaroon ng mga ligtas na dadaanan ang libo-libong sibilyan, kabilang ang mga Doctors Without Borders staff at ang kanilang mga kamag-anak, sa kanilang paglikas.
Mula pa noong Sabado, hindi nakakalabas ang staff ng Doctors Without Borders pati na rin ang kanilang mga pamilya dahil sa nagaganap na mga labanan. Noong Martes, Nobyembre 14, pinagbabaril ang guesthouse ng Doctors Without Borders. Mabuti na lang at walang nasaktan, ngunit kahapon, pinatamaan din ang aming opisina ng shrapnel at binomba ang tangke ng tubig sa guesthouse. Ngayong araw na ito, iniulat ng aming staff na papalapit nang papalapit sa kinaroroonan nila ang matitinding labanan.
Libo-libong sibilyan ang hindi makaalis mula sa mga ospital at sa iba pang mga lugar sa siyudad ng Gaza. Sila’y nanganganib na masawi sa mga susunod na araw, o baka nga sa mga susunod na oras lamang.
“Naririnig ng aming mga kasamahan ang walang tigil na ingay ng mga putok ng baril, pagbobomba, at mga drone. Naririnig din namin ang mga ito kapag kausap namin sila sa telepono. Ang ruta papunta sa timog ng Gaza ay nananatiling hindi ligtas,” sabi ni Ann Taylor, Doctors Without Borders Head of Mission sa Occupied Palestinian Territories.
“Takot na takot sila. Ilang araw na silang walang makain at nagkakasakit na ang mga bata dahil sa pag-inom ng tubig-dagat. Kailangan na silang mailikas,” dagdag ni Taylor.