Gaza: May mga sugat na di maghihilom kailanman
Ang pagkawasak sa siyudad ng Gaza kung saan daan-daan ang namatay dahil sa mga airstrike ng mga Israeli noong Mayo 2021. Palestine, 2021. © MSF
Mula ika-10 hanggang ika-21 ng Mayo 2021, ang mga airstrikes at shelling na isinagawa ng mga Israeli sa Gaza Strip ay pumatay ng 256 na tao, kasama ang 66 na bata. May mga 2,000 Palestino ang nasaktan dahil sa pagbobomba, kasama ang mahigit sa 600 na bata at 400 na babae. Ang ilan sa kanila’y nagtamo ng mga pinsalang magbibigay sa kanila ng kapansanang dadalhin nila habambuhay, gaya ng pagkabulag o pagkakaroon ng putol na bahagi ng katawan. Sa Israel, 13 ang namatay at 700 ang nasaktan nang nagpaputok ng mga rocket mula sa Gaza Strip. Noong Mayo 21, 2021, sa tulong ng Ehipto ay nagkaroon ng ceasefire at tumigil ang pagbobomba.
Bago pa man ang mga pagbobomba nitong nakaraang taon, naranasan na ng karamihan sa mga Palestino sa Gaza ang trauma na hatid ng digmaan, lalo noong 2014 at noong Great March of Return ng 2018. Ang trauma–ng pangangamba para sa iyong buhay, ng pagsaksi ng pagguho ng iyong tahanan, at ang paghihirap sa mga araw-araw na gastusin—ay lalo pang pinalala ng mga pangyayari noong Mayo 2021. Ang krisis sa kalusugang pangkaisipan sa Gaza ay mas matindi na ngayon.
Sa dalawang milyong Palestinong nakatira sa Gaza, mahigit 40% ang mga batang edad 14 pababa. Buong buhay nila, ang mga batang ito’y lumaki nang nakapiit sa blockade ng mga Israeli. Napagdaanan nila ang tatlong pagsalakay ng Israel at paulit-ulit silang nakararanas ng trauma. Isang taon matapos ang pinakahuling pagbobomba, hindi pa rin ligtas ang pakiramdam ng mga Palestino sa Gaza Strip.
Ang sumusunod na tatlong pahayag, dalawa mula sa mga pasyente ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) at isa mula sa isang staff member ng Doctors Without Borders, ay nagpapakita ng panghabambuhay na epekto ng mga karahasan nitong mga nakaraang taon, pisikal man o pangkaisipan.
- Basahin ang kuwento ni Ahmad
Nagtamo ako ng pinsala noong unang araw ng mga pagbobomba. Nasa bahay ako noong pinasabog ito. Hindi namin malaman kung bomba nga ba iyon o may sumabog ba sa loob ng bahay. Nakarinig lang kami ng malakas na ingay at nayanig ang bahay. Doon ko lang napansin na nakalawit na lang ang kamay ko mula sa aking braso. Magkakasama ang buong pamilya noon para sa Ramadan. Nasira ang ilang mga bahagi ng aming bahay. Namatay ang dalawa kong pinsan, at nagkaroon ng kapansanan ang isa pa naming kamag-anak.
Sa sobrang lakas ng pagsabog, nagtamo rin ng pinsala ang aming mga kapitbahay. Ang siyam na taong gulang na anak ng aming kapitbahay ay nasa labas noon, at siya’y nabulag dahil sa pagsabog. Naglalaro lang siya sa labas, at sa isang iglap, hindi na siya makakita.
Dahil umuulan pa rin ng mga bomba, hindi kami mapuntahan ng mga ambulansya. Sinubukan ng mga taong isakay ang mga biktima sa mga kotse. Kasama ko sa isang kotse ang apat na kapwa ko biktima. Ang isa sa kanila ay anak ng aking kapitbahay. Papunta pa lang kami sa ospital ay namatay na siya sa tabi ko, sa kandungan ng kanyang ama. Hindi namin alam kung makararating kami sa ospital nang buhay, dahil tuloy-tuloy pa rin ang pagbobomba sa paligid namin.
Sa wakas ay nakarating ako sa Al Shifa Hospital, at pagkatapos ng isang linggo’y isinangguni ako sa Al Awda Hospital ng Doctors Without Borders. Sa dalawang ospital na iyon, ang lahat ay nangangamba na bobombahin rin kami. Kahit ang mga ospital ay hindi ligtas noong panahong iyon.
Inoperahan ako ng walong beses, at pinutol ang aking kamay. Habang nasa ospital ako, kinakabahan ako para sa aking pamilya. Ang kanilang kalusugang pangkaisipan ay lubhang naapektuhan, at ang dalawang mas bata kong anak ay umiiyak tuwing nakakarinig ng malakas na ingay. Ngunit ang pinakanagdusa sa aming lahat ay ang aking ina. Nagkaroon siya ng nervous breakdown, at ngayo’y pinangangalagaan siya ng mga mental health specialist. Hanggang ngayo’y hindi pa rin niya kayang ilahad ang mga pangyayari nang hindi nakararanas ng panic attack.
Ang pinakamasakit sa lahat ay na hindi na ako makapaghanapbuhay para sa aking pamilya. Dati akong drayber, pero paano pa ako ngayon makakapagmaneho? Hindi lang ang aking asawa at mga anak ang binubuhay ko, sinusuportahan ko rin ang aking mga magulang na may katandaan na.
Dapat daw ay makatatanggap ako ng isang prosthetic na kamay, pero dahil sa blockade, wala akong ideya kung kailan ito mangyayari.
Minsan, tinatanong ko ang sarili ko kung bakit ako nabuhay. Minsan, iniisip ko na sana namatay na lang ako tulad ng iba, upang makaalis na sa Gaza. Kamatayan lang ang tanging paraan para makaalis dito.
Ahmad*, 41 taong gulang. May asawa at apat na anak edad 18, 17, 7 at 3.
"Minsan, tinatanong ko ang sarili ko kung bakit ako nabuhay. Minsan, iniisip ko na sana namatay na lang ako tulad ng iba, upang makaalis na sa Gaza. Kamatayan lang ang tanging paraan para makaalis dito."
Naglalakad ang isang Palestino sa gitna ng mga labi ng mga gumuho sa gitna ng siyudad ng Gaza. Palestine, 2021. © MSF
- Basahin ang kuwento ni Mohammad
Unang araw noon ng pagbobomba. Nasa Iabas ako ng bahay kasama ang anak kong lalaki, nang biglang may missile na tumama sa kotse, wala pang isang metro ang layo sa amin. Di ko na maalala ang eksaktong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, pero nakita kong malubha ang pinsala sa dalawa kong binti. Pagtingin ko sa tabi ko, walang malay ang aking anak. Nawakwak ang kanyang tiyan at wala na siyang mga kamay. Nagsisisigaw ako. Ang aking asawa at dalawang anak na babae ay humangos palabas ng bahay. Nagsisisigaw rin sila. Napakaraming taong sugatan sa paligid namin, ngunit wala ni isang ambulansyang makikita.
Isinasakay ng aming mga kapitbahay ang mga namatay at nasaktan sa kanilang mga sasakyan upang dalhin ang mga ito sa ospital. Nang isinakay namin ang aming anak sa isang kotse, wala na siyang buhay. Wala nang lugar para sa akin sa sasakyang iyon kaya’t dinala ako sa isa pang kotse kasama ang tatlong taong malubha ang tama. Isiniksik lang ako sa trunk ng kotse nang nakalawit ang aking mga binti. Ang daan papunta sa ospital ay parang impiyerno. Saan ka man tumingin,panay mga gumuhong istruktura ang makikita mo. Napakaraming nasusunog, at tuloy-tuloy pa rin ang pagbagsak ng mga bomba.s Binomba ang kalahati ng siyudad ng Gaza.
Iba ito sa mga dati ko nang nasaksihang digmaan. Pinupuntirya nila ang mga sibilyan, at walang mapupuntahan ang mga tao. Umaapoy ang paligid. Pagkatapos nito, nasira ang aming pamilya. Iniwan ako ng asawa ko; nagkaroon siya ng mental breakdown. Sinisisi niya ako sa pagkamatay ng aming nag-iisang anak na lalaki. Ang naiwan na lang na kasama ko ay isa sa mga anak kong babae. Lagi siyang narito sa tabi ko.
Isang taon na ang nakalipas at di pa rin ako nakakabangon mula sa kamang ito. Hindi ko na mabilang ang mga operasyon at mga intervention na ginawa sa akin. Sa tingin ko, nalampasan ko na ang record para sa pinakamaraming operasyong pinagdaanan, sabi niya nang nakangiti. Ngumingiti ako kasi wala naman akolng ibang magagawa, kailangang ngumiti na lang
Mohammad*, 36 taong gulang. May asawa at tatlong anak, 2 babae at 1 lalaki. Namatay ang kanyang anak na lalaking walong taong gulang pa lang. Mayo 2021, pasyente sa panahon ng digmaan.
"Isang taon na ang nakalipas at di pa rin ako nakakabangon mula sa kamang ito. Hindi ko na mabilang ang mga operasyon at mga intervention na ginawa sa akin. Sa tingin ko, nalampasan ko na ang record para sa pinakamaraming operasyong pinagdaanan,” sabi niya nang nakangiti. “Ngumingiti ako kasi wala naman akong magagawa, kailangang ngumiti na lang.”
Ang klinika ng Doctors Without Borders sa siyudad ng Gaza kung saan ginagamot namin ang mga biktima ng trauma at pagkasunog ay napinsala dahil sa pagbobomba ng mga Israeli. Hindi na magamit ang isang sterilization room at nawasak din ang isang waiting area. Walang nasaktan sa aming klinika, ngunit may mga namatay dahil sa pagbobomba. Palestine, 2021. © MSF
- Basahin ang kuwento ni Ashraf
Noong Mayo 2021 ako unang nakasaksi ng karahasan bilang pamilyadong tao (may asawa ako at dalawang anak). Ngayon lang naging ganito kalapit ang pagbobomba sa amin. Takot na takot at nagtititili ang aking mga anak. Kahit anong sabihin namin ay hindi sila kumakalma. Sinubukan ko pang magsinungaling at sabihing mga paputok lang iyon, ngunit alam ng aking anak na hindi iyon totoo. Sabi niya, hindi ganoon kalakas ang ingay ng mga paputok at magandang tingnan ang mga ito; samantalang ang sumasabog ngayon ay napakaingay, at wala kang makikita rito kundi apoy.
Ang pinakamalaking pangamba ko ay ang mawala ang aking pamilya. Ako at ang aking asawa ay parehong mga health worker at kailangan naming magrelyebo sa pagpunta sa ospital at sa pagbabantay sa mga bata. Habang nasa ospital, lagi akong nag-aalala na anumang sandali’y makatatanggap ako ng tawag na magsasabing patay na ang aking pamilya.
Hindi magamit ang mga ambulansya ng Doctors Without Borders. Kailangan naming makisakay sa aming mga kasamahan nang walang katiyakan kung makakarating kami nang ligtas sa ospital. Pinupuntirya nila ang lahat. Pati ang ospital ay hindi ligtas. Habang nagsasagawa kami ng operasyon, pinauulanan kami ng bomba. Isa sa mga target ay isang gusaling nasa hilaga ng ospital, hindi sosobra ng 300 metro ang layo. Ang isa pa ay 100 metro pababa sa timog ng ospital. Tuloy-tuloy ang pagyanig ng operating theatre, na para bang lumilindol. Kinakabahan kami na baka kami ang susunod na pupuntiryahin.
Ngayon lang ako nakakita ng ganoon kalakas na bomba. Tila umuulan ng mga missile, bumubuhos ang ulan. Kada segundo’y may nahuhulog na bomba sa kung saan-saan. Tila nagliliyab ang buong Gaza. Papunta sa ospital, nakita namin ang mga nagkalat na bangkay sa kalsada at mga gumuhong gusali. Maraming mga pamilyang nakatira sa mga gusaling ito.
Dumadagsa sa mga ospital ang mga taong may iba’t ibang natamong pinsala. Napuspos kami sa dami ng nasaktan dahil sa ginawa ng Israel sa Gaza. Walang sapat na dugo para sa mga transfusion, at hindi sapat ang aming kapasidad sa ICU. Hindi namin kayang gamutin ang ganoon karaming tao nang sabay-sabay. Layunin naming makasagip ng pinakamaraming buhay sa abot ng aming makakaya. Kalat na kalat ang sepsis, mga posibleng kaso ng COVID at iba pang nakahahawang sakit.
Bagama’t kung ikukumpara sa iba’y mas maikling panahon ang nangyaring hidwaan, mas matindi ito. Wala kaming natutunan mula sa nakaraan na makatutulong sa sitwasyon. Lahat kami’y naghihintay lang kung kailan kami mamamatay. Sa mga nakalipas na hidwaan, may mga panahong walang pagbobombang nagaganap, may humanitarian corridors. Pero ngayon, wala—walang matatakbuhan, walang kaligtasan.
Dati’y mahilig ang anak kong pumunta sa tabing-dagat. Noon, araw-araw niyang hinihiling na pumunta kami roon. Pero pagdating ng Mayo 2021, kitang-kita namin mula sa aming bintana ang pagbomba sa dalampasigan. Ilang buwan ang lumipas bago siya nagyaya uli sa tabing-dagat. Tatlong taong gulang lang siya, ngunit alam na niya ang pagkakaiba ng mga tunog ng pagsabog, paputok at mga missile. Iyan ang naranasan nila bilang mga bata; hindi ito mabuting karanasan. Tanging Diyos lang ang nakakaalam kung anong magiging epekto nito sa kanilang buhay.
Ashraf*, 30 taong gulang. May asawa at dalawang anak. Miyembro ng medical staff ng Doctors Without Borders.
"Dumadagsa sa mga ospital ang mga taong may iba’t ibang natamong pinsala. Napuspos kami sa dami ng nasaktan dahil sa ginawa ng Israel sa Gaza. Walang sapat na dugo para sa mga transfusion, at hindi sapat ang aming kapasidad sa ICU."