Doctors Without Borders, nananawagan sa Malaysia para sa ligtas at abot-kayang access sa pangangalagang pangkalusugan ng mga refugee
Inaalalayan ng isang miyembro ng Doctors Without Borders staff ang isang pasyente sa mobile clinic sa Penang, Malaysia.
KUALA LUMPUR: Ang abot-kaya at ligtas na access sa pangangalagang pangkalusugan para sa mga pasyente, lalo na sa mga refugee at asylum seeker gaya ng mga Rohingya, ay isang isyung dapat bigyang-pansin, sabi ng pandaigdigang medical humanitarian organization na Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF).
Sa isang pagbisita kamakailan sa Malaysia upang makipagpulong sa mga kinatawan ng Ministry of Health at Ministry of Foreign Affairs, sinabi ng presidente ng Doctors Without Borders International na si Dr Christos Christou na “ang mga refugee at asylum seeker na walang legal na estado at malinaw na mga dokumentong magpapakita ng kanilang pagkakakilanlan ay nangangambang kumuha ng pangangalagang medikal sa mga bansang gaya ng Malaysia dahil sa takot na maaresto o makulong”.
Ngayon na wala pang natatanaw na resolusyon para sa krisis sa Myanmar, kinikilala ng Doctors Without Borders ang pamumuno ng Malaysia at ang papel na maaari nitong gampanan sa mga pagsusumikap sa rehiyon na maghanap ng pangmatagalang at mapapanatiling solusyon para sa mga Rohingya upang sila’y mamuhay nang malusog, ligtas, at may dignidad.
Maaring maging mabuting halimbawa ang Malaysia sa pamamagitan ng kanilang pagpangako na bibigyan ng proteksyon ang mga Rohingya, at ang iba pang refugee at asylum seeker mula sa Myanmar na tumatakas mula sa pang-uusig at karahasan, hanggang sa dumating ang panahong ligtas na silang makakauwi.
Ang mga Rohingya ay isa sa pinakanawalan ng karapatan na komunidad sa buong mundo matapos silang tanggalan ng pagkamamamayan ng Myanmar noong dekada otsenta. Pinaalis sila sa iba’t ibang bahagi ng estado ng Rakhine at sa ibang bansa nang maraming beses nitong mga nakaraang dekada. Ayon sa 2023 na datos mula sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), may mga 630,000 na Rohingyang nananatili sa Rakhine, kasama rito ang mga 147,000 na mga Rohingyang ikinulong sa mga displacement camp o nakatira sa isang komunidad mula noong nagkaroon ng laganap na karahasan noong 2012. Mahigit dalawang milyong Rohingyang refugees ang nakatira bilang mga taong nawalan ng tirahan – karamihan sa iba’t ibang lugar sa Asya at sa Middle East.
“Nakita nating lahat kung ano ang nakakayang gawin ng mga organisasyon at mga awtoridad noong mga unang taon ng paghahatid ng emergency response sa mga Rohingya. Ngayon ay nakikita natin kung paanong dumarami ang mga pangangailangan ng populasyon, ngunit tayo’y nauupos na sa pagtulong kung kaya’t tumigil ang paghahanap natin ng solusyon para sa mga suliranin ng mga Rohingya. Kailangang ang mga awtoridad sa rehiyon ay makipag-ugnayan upang makahanap ng mapapanatiling solusyon para sa mga Rohingya,” sabi niya.
Ipinakita ng mga staff kay Dr. Christos Christou, ang International President ng Doctors Without Borders, ang mga gamot na ipinamamahagi sa mga pasyente sa mobile clinic na sinusuportahan ng organisasyon sa Sungai Dua, Penang, Malaysia © Intan Ali/MSF
Mula pa noong 2015 sa Malaysia, ang Doctors Without Borders ay nagbibigay na ng pangangalagang pangkalusugan sa mga refugee, mga asylum seeker, at sa mga komunidad ng mga migranteng walang dokumento. Ang presensiya ng Doctors Without Borders sa bansa ay nagsimula bilang bahagi ng mas malawak na pagtugon sa krisis ng mga refugee sa rehiyon.
Nagbibigay ng serbisyong medikal ang Doctors Without Borders sa mga refugee at mga asylum seeker sa nakatayong klinika sa Butterworth, Penang at mga mobile clinic sa mga liblib na bahagi ng Penang, at pati na rin sa mga detention centre. Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay ay ang pangunahing pangangalagang pangkalusugan, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, pagsangguni sa mga secondary at tertiary healthcare provider, at suporta para sa mga nakaligtas mula sa karahasang sekswal, kabilang na ang mga biktima ng human trafficking.
“Layunin naming matulungan ang mga refugee at mga asylum seeker na makuha ang kailangan nilang pangangalaga, at handa kaming suportahan ang pamahalaan ng Malaysia sa pamamagitan ng pagbibigay ng makataong pagtugon sa forced displacement crisis. Ang mga Rohingyang mula sa Myanmar ay nakararanas ng di pagkakaunawaan at matinding diskriminasyon kung kaya’t wala silang nakikitang maaari nilang gawin kundi ang umalis na lamang at maghanap ng proteksyon at mas maayos na buhay sa Malaysia o sa ibang bahagi ng rehiyon,” sabi niya.
“Mahalagang makakuha ng mas malakas at mapapanatiling suporta mula sa mga pamahalaang rehiyonal, mga nagbibigay ng donasyon at mga NGO. Para sa Doctors Without Borders, prayoridad ang pagtitiyak na ang komunidad na nawalan ng karapatan ay magkakaroon na ng access sa pangangalagang pangkalusugan. At isa sa mga maaaring gawin ng Malaysia ay ang pagbibigay ng legal na estado sa mga Rohingya hanggang sa dumating ang panahong maaari na silang umuwi nang may garantiya na mamumuhay sila nang may dignidad.”