Skip to main content

    Doctors Without Borders, nagpakilos na ng tutulong sa Ukraine at mga karatig-bansa

    A temporary accommodation site in Korczowa, southeastern Poland

    Isang pansamantalang tirahan sa Korczowa, timog-silangang Poland, para sa mga taong tumakas sa Ukraine mula nang magsimula ang labanan. Poland, ika-28 ng Pebrero, 2022. © MSF 

    Sa pagpapatuloy ng tunggalian sa Ukraine, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nagpadala ng mga team sa Poland, Moldova, Hungary, Romania at Slovakia upang tasahin ang mga pangangailangan ng mga taong tumatawid sa mga hangganan at upang tugunan ang mga pangangailangang humanitarian. May mga team na rin sa Belarus at Russia na handang magbigay ng humanitarian assistance.  

    Sa Ukraine, namahagi na ang Doctors Without Borders ng mga war-wounded kit sa Mariupol. Nakapagbigay na rin kami ng telemedicine training tungkol sa trauma care sa 30 surgeon mula sa eastern Ukraine.

    Dumating na ang mga emergency team namin sa pagitan ng Poland at Ukraine, at kasalukuyan silang nagsisikap na maipaabot ang mga kinakailangang tao at mga kagamitan sa Ukraine at mag-organisa ng emergency response activities sa magkabilang panig. Magsasagawa rin ang mga team ng pagtatasa sa hangganan ng Ukraine at Russia, at ng Ukraine at Belarus.

    View of clothes and food donating point at the Polish border town of Medyka where Ukrainians have been arriving, fleeing their homes in the wake of the conflict. Poland, 28 February, 2022. © MSF

    Sa Medyka, Poland, nagdadatingan ang mga Ukrainian na tumatakas sa labanan. May mga donasyon ng damit at pagkain. Poland, ika-28  ng Pebrero, 2022. © MSF 

    Dahil patuloy pa rin ang matitinding labanan, isang malaking hamon ang malaman kung gaano kalaki ang pangangailangang medikal ng Ukraine. Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa iba’t ibang maaaring mangyari, upang matiyak na handa kaming pag-ibayuhin ang aming tugon. 

    Nakita ng aming mga team ang mga taong tumatawid sa Ukraine-Poland border checkpoint. May mga naglalakad lamang, at may mga nakasakay sa mga kotse at mga bus. Marami sa kanila ay pagod na pagod na, at mayroon pang may dalang sanggol na 25 araw pa lang nabubuhay.

    Ayon sa mga tumatawid sa hangganan ng Poland, mahabang oras ang ginugol nilang nakapila sa mga lugar na napakababa ng temperatura. Ang iba sa kanila ay nakararanas na ng dehydration at hypothermia. Nagbigay din kami ng donasyon ng mga basic shelter item sa isang reception shelter sa Poland at nagsusumikap kaming pagbutihin pa ang aming pagtugon.

    Categories